Utang na Loob

Utang na Loob (Photo Credit : Facebook)
Utang na Loob (Photo Credit : Facebook)

“Patay na raw si Kuya Bong. Inatake sa puso at dinala sa ospital pero tatlong araw lang, binawian na rin ng buhay. Namatay nang mahirap, nakakaawa naman.”      

Utang na Loob     (Photo Credit :  Facebook)
Utang na Loob (Photo Credit : Facebook)

Ito ang balitang bumungad sa akin kagabi pagkagaling ko sa trabaho at eskwelahan. Ibinalita raw ng isang kamag-anak na namatay na ang kaibigan ng aking mga magulang na naging dahilan kung bakit kami nakaaangat ngayon sa buhay.

Sila Ate Neng at Kuya Bong ang dahilan kung bakit unang nakapangibang bansa ang aking mga magulang at ang marami pa naming mga kapitbahay dalawampung taon na ang nakakaraan. Marami silang natulungan at maaari mong sabihin na sila ang pinakamayaman noon sa aming lugar.

Panay ang panlilibre at pamumudmod nila sa mga tao. Parang pista lagi sa dami ng alak at pagkain na ipinamamahagi nila. Hindi sila naging maramot. Ngunit may manipis na linya sa pagitan nito at pagiging pabaya. Nakalimutan nila ang magtabi para sa kanilang sarili, para sa hinaharap. Hindi nila napag-ingatan ang kasaganahang ibinigay sa kanila ng pagkakataon.

Makalipas ang ilang taon, nalulong sa masamang bisyo ang isa sa kanilang mga anak at kinailangang ipagamot sa rehabilitation center. Kasabay nito ay ang inggit na lumamon sa mga kababayan natin. Ipinagkanulo sila ng isang kakilala na naging dahilan upang hindi na sila muling nakapang-ibang bansa pa.

Sinubukan pa nilang umahon sa kakaunting perang naipon nila. Ngunit kinalauna’y naubos rin ito at naibenta ang mga bagay na naipundar. At kasabay nito’y pagkawala rin ng kanilang mga tinatawag na ‘kaibigan’.

“Utang na loob!” ang kanilang sigaw. Matapos nilang tumulong at makisama sa tao, ito lang pala ang kanilang matatamo. Hindi naman siguro sa humihingi sila ng kabayaran sa kanilang mga naibigay, ngunit ano ba naman ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong minsang umalalay sa ‘yo?

Tunay nga ang sabi ng aking mga magulang. Ang mga huwad na kaibiga’y magaling lamang kung may makukuha sila sa ‘yo, kung may pakinabang ka sa kanila. Pero ‘pagdating ng araw na sila naman ang kailanganin mo, umasa kang hindi ka nila papansinin na tila’y hangin.

Sa ngayo’y unti-unti nilang sinusubukang makatayong muli mula sa pagkakadapa sa tulong ng maliit na negosyo. Nasa ibang bansa na rin ang isa sa kanilang mga anak. At naniniwala akong pahahalagahan na nila kung anuman ang ipagkakaloob sa kanila ng Diyos.

Tunay ngang mapaglaro ang tadhana. Hindi natin nalalaman kung ano ang mangyayari sa susunod na araw. Kaya paalala mga kababayan, lalo na sa mga OFW, huwag po sanang dumating ang panahon na iwan na kayo ng karangyaan at mga taong sa ngayo’y kinikilala kayong ‘kaibigan’.

first published: nagmamahal-ariane.blogspot.com

author: withloveAriane

p.e./mj

About WithLoveAriane

I am 24 years of age and a nurse by profession. Weblog has been my outlet for self-expression. I started way back in 2007. It is not the minutiae of my everyday life. Rather, a portal that opens up my thoughts and feelings to my trusty friends - my multiply contacts. It gives me voice to things I am not prepared to say to someone's face. And for years of blogging, I realized that 95% of my entries were written in English. So I thought of this - making a public blog account - a hundred times. I am not sure the world would probably want to hear what I’ve got to say. But I really do love expressing myself through writing and I believe I still have a lot to say - in my native language. With Love, Ariane
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!