Undas (A Horror Story,Joke Lang!)

Undas“Kuya,  makikisindi”

Iniabot ko ang hinihithit na sigarilyo.

“HAHAHA!!” malakas na tawang nagpalingon sa ‘kin.

“Kuya naman eh,lighter.   Kandila ang sisindihan ko!” tumatawang paglilinaw ng babae.

“Mag-isa ka lang?” tanong niya.

“Hindi, kasama kita, ‘di ba?” pakuwela kong sagot.

“HAHA!!”

Ang lakas niya talagang tumawa. Pero hindi naman ito makabawas sa kanyang ganda, lalo nga lang umaaliwalas ang kanyang mukha sa tuwing lumalabas ang kanyang mapuputing ngipin. Malamyos ang tinig, malamig na parang musika ang likha ng kanyang pagtawa. Parang paghele lang ng mapagmahal na nanay sa inaantok nyang bunso. Parang aksidenteng pana lang ni kupido sa puso ko, walang takas, PRAMIS, SAPUL AKO!!

“Eh ikaw ba?” patanong kong sagot.

“Galing pa kasi akong opis, alam mo na, triple pay. Pero on the way na daw sila eh” ..

Pagtutukoy niya marahil sa mga kasama niya. Pero wala naman akong pake, mas masarap titigan ang mukha niya kaysa makinig sa mga pinagsasabi niya.

“Ah!” diyeta kong sagot.

“I’m Jessa” lahad niya ng kanang kamay at sa kaliwa’y isinosoli ang hiniram na lighter.

“Zaragosa? I’m Dingdong Avanzado” nakangisi kong tugon..

“AHAHAHA!!”

Nambulabog na naman ang malakas niyang pagtawa. Hindi ko na rin napigilan, baduy na pigilin ang kilig.Nakitawa na rin ako. Hindi na machong itago ang saya!!

Nagpaligsahan kami sa pagbandera ng mga ngipin, buti na lang at nagtoothbrush ako bago umalis ng bahay..

“Seryoso, Dingdong nga?”  siya…

“Joke lang, RJ ang name ko”, ako…

“Alam mo nakakatuwa ka!!”

“Alam mo nakakainlab ka,” deep inside ay nais kong sabihin….

“Sino yan?” suway ko sa isipan at nginuso ang kaharap na puntod ng kausap.

“Ah Mama ko, wala pa siyang one year namamatay, last february lang,” sumeryosong sagot niya.

“Kaya pala parang ngayong undas lang kita nakita dito,” sagot ko naman..

Kung noon pa sana e ‘di….
idudugtong ko pa sana kaso baka iba’ng isipin niya, akalain pa niya na minadali kong matodas ang ermats nya, hehe!!

Sa halip ay naupo na lang ako sa tagiliran ng puntod ng lola ko.

Ngayon ay halos magkaharapan na kami, face to face. Ultimo kisap-mata niya’y hindi makatatakas sa akin!!

“Naniniwala ka sa love at first sight?” mala – papa Jihn  Lloyd kong tanong.

“Dito? Sa sementeryo?? HAHAHAHA!!” tumatawa na naman ang walangya. Akmang manghahampas pa na mabilis kong iniwasan, dahilan upang mawalan siya ng balanse at mapatuon sa aking mga hita. Parang romantic scene lang sa romantic movie. Parang nadidinig ko pa nga ang romantic music background eh, at habang nag-aangat siya ng paningin pataas papunta sa aking mukha, SLOW MOTION, pramis!!

At hanep lang sa special effects na hanging humawi sa bangs niyang tumataklob sa mukha niyang hugis puso. Walang matabang baklang sisigaw ng CUT!! Ako ang director ng MAGIC MOMENT na ito.

Hahawakan ko sana ang kanyang mukha, maganda ng panimula para sa isang romantic kissing scene, nang “SORRY”

“Uy!!” basag niya sa natigilang si ako.

“Uy!! Ikaw kasi” bumabalik sa katinuang si ako, SAYANG TSK!

Naupo siya sa tabi ko at pagkatapos ay napatingin sa papalubog na araw.

“Mahiwaga ang buhay ng tao, nu? Puno ng misteryo. Gaya ng paglubog at muling pagsikat ng araw, ang tao darating at aalis. Pero sana gaya ng sunset at sunrise, sana aware tayo kung kailan mawawala ang taong mahalaga sa atin, para kahit sa huli, masabi mo man lang kung gaano mo sila kamahal”

May sincere side naman pala siya, siguro hindi pa nakakamove-on sa pagkamatay ng ina.

“Oo, mahiwaga ang mabuhay sa mundong ito, punong puno ng surpresa at misteryo. Pero ‘yan yung exciting part ng mabuhay eh, may thrill, may suspense,” mala Bob Ong kong eksplanasyon at pasimpleng hinawakan ang kanyang kamay.

Napatingin siya sa ‘kin, nagkatitigan kami. Hindi ko maintindihan, pero may lungkot sa kanyang mga mata.

Nilapit ko ang aking mukha, determinadong ituloy ang napurnadang romansa kanina ngunit biglang nag-ring ang kanyang telepono, saglit din lang naglapat ang aming mga labi. Sinenyasan pa niya ako na tumahimik daw.

“Malapit na kayo?” dinig kong sabi niya sa kausap.

“Andiyan na raw sila,” at bumalik na siya sa puntod ng Mama niya.

“Mooommmyy!” sigaw ng tumatakbong batang babae. Kung nagkataong pareho kaming babae ni Jessa, baka malito pa ako kung sino ang tinatawag na mommy ng bata. Nagyakap ang mag-ina nang magkalapit ang mga ito.

“Namiss ko ang baby ko, hmm bango. Si daddy?”

“Kasabay ni lolo, naghanap siguro ng mapaparkingan,” sagot ng bibong bata.

Nagkatinginan kami ni Jessa. Nagkibit siya ng balikat at tumungo, nabasa ko pa ang “sorry” na mahinang binuka lang ng kanyang bibig.

Sana gaya ng sa mga tao, mayron ding sementeryong puwedeng paglibingan ng nasawing pag-ibig.

Mayroon ding ginintuang lapida na nililimbagan ng mahalagang petsa ng pagmamahalan, may puntod na taon-taon puwedeng balikan at puwedeng iyakan.

“Paalam, Jessa”

“Oh bakit ka bumubulong?” nakangiti ngunit malungkot niyang habol, nadinig pala ako.

“Sino ‘yun, hon?”

“RJ, si E-rik a-sa-wa ko,” halos nauutal niyang pagpapakilala sa amin.

“Ah nice meeting you, p’re, una na nga pala ako, pakibantayan na lang si lola ha, baka makaalis hehe,” nakuha ko pang magbiro.

Misteryoso at puno ng sorpresa talaga ang buhay,

Mapagbiro ang tadhana..

Lilingon pa sana ako para muli, kahit sa huling pagkakataon ay sulyapan si Jessa, pero pinilit kong huwag na lang.

finUndas

About Sobrangwaxxy

Hindi ako writer,isa lang akong Abnoy na natutong humawak ng ballpen at papel.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!