Umaga Na Naman

‘Yung nakatulog ka nang mahimbing, parang pusa na si Muning, ayun sa isang sulok dinadalaw na naman ng antok.

‘Yung nagising ka sa isang tiktilaok, wala ka namang alagang manok.

‘Yung nag-igib ka ng tubig nang may laway pa sa bibig.

‘Yung hindi ka pa naliligo kasi ‘di mo maibuhos-buhos ang tubig sa sobrang lamig. Yung nakabihis ka na sabay higa sa kama kasi may 5 minutes ka pa para mag-drama.

‘Yung naglakad ka papuntang trabaho, hindi dahil nagtitipid ka sa pamasaheng limang piso, kundi ‘yung totoo wala ka ni isang piso.

‘Yung simpleng lakad papuntang trabaho na nauwi sa karipas ng takbo kasi meron ka na lang isang minuto.

‘Yung hindi ka nga late pero absent-minded naman, pag tinatanong, “hah…?” lang ang isasagot.

‘Yung nandun nga katawan mo sa trabaho pero ‘yung isip at kaluluwa mo pagala-gala, nasaan diyan ang hustisya?

‘Yung sa pagkadami, dami, dami, DAMI (damn me) ng ginawa mo, ‘yung nagbanat ka talaga ng buto daig mo pa ang inakyat ang Mt. Pinatubo tapos itatanong lang sa ’yo, “Pagod ka na ba? eto pa o!”

‘Yung tatango na lang tayo kasi nga ayaw natin ng gulo pero ‘yung totoo, kumukulo na ang dugo mo!

‘Yung nakakapagtimpi ka pa rin, hindi dahil hindi mo kayang makipagsabayan kay Satanas, kundi ayaw mo lang mahawa sa sakit niyang wala nang lunas.

‘Yung sakit na ang tawag ay katamaran, panahon at oras ibinababad lagi sa kawalan.

‘Yung “kawalan” na maihahalintulad sa latang walang laman. Maingay. Nakabubulahaw.

‘Yung magigising ka sa pagkakahimbing….! At maaaninag mo ang sikat ng araw. Umaga na naman at tayo’y babangon. Yun’ tayo. Tatayo, hangga’t kaya…!

 

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!