Tuldok

Mahirap kang kalimutan, ‘di ko alam kung saan ko uumpisahan.
Kung paano ko sisimulan at tatapusin ang araw na hindi kita makatext o makausap man lang.
Hindi ko alam kung paano sa isang idlap magbabago ang lahat.
Na kahit sa realidad naman eh, wala naman akong dapat simulan at tapusin.
Isang bagay na ako lamang ang gumawa. Isang mundong ako lang ang maylikha.

Minahal kita kahit alam kong mali.
Hinayaan kong mahulog ang loob ko sa tulad mong may ibang laman ang puso.
Pinagtapat ko ang nararamdaman ko,
kahit na alam ko na wala akong lugar sa buhay mo.

Sadyang mahirap kang basahin, minsan inakala kong malapit na tayo.
Kinabukasan siya namang panlalamig mo.
Minsan pa’y madalas tayong magkausap, at nagpapalitan ng litrato.
Nagkukuwentuhan, nagtatawanan at pakiramdam ko tuloy ay tayo.
O sadyang ako lang ang nagbibigay ng kulay sa lahat ng ginagawa mo.

Marahil napapagod ka na sa pangungulit ko.
Marahil nagsasawa ka na sa mga ka-kornihan ko.
Marahil naiinis ka na sa twing magbubukas ka ng messenger mo eh
Laging bubungad sa iyo ang mga pangungumusta at pag-aalala ko.

Pasensya ka na kung naging makulit ako.
Pasensya ka na kung naging assuming ako.
Pasensya ka na sa lahat ng bagay na nasabi at nagawa ko.
Pasensya ka na at di ko akalaing masasaktan ako ng ganito.
Pasensya ka na at ako ang unang nauntog.
Akala ko kasi okay lang ako. Sa ganitong set-up di pala sanay ang puso ko.

Ang minsang “I Miss You Too” mo, ‘di ko alam kung totoo.
Ang “Ingat ka” mo, ‘di ko alam kung scripted lang ito.
Ang “Bla ka jan” at “ewan ko sau” mo ay sadyang mamimiss ko.
Maging ang “gago” mo ay parang I love you sa pandinig ko.
Pati ang tono ng boses mo pag lasing ay siyang laging sinasariwa ko.

Tama nga sila, mahirap pilitin ang isang bagay na malabo.
Mali nga siguro ang umasa akong darating ang panahong makikita mo rin ako.
Sa kung paano kita minamahal ay siya ring umaasa akong mamahalin mo.
Pero malinaw na ang lahat. Panahon na siguro para palayain ko ‘yung nararamdaman ko sayo.

Palalayain ko ang nararamdaman ko sa ‘yo, ililibing ko ang pagmamahal ko sa ‘yo.
Hindi dahil sa hindi kita mahal, kundi dahil sobra sobra ang pagmamahal ko.
Palalayain at ililibing ko ito upang hindi na tayo mahirapan pa.
Upang hindi na dumating sa puntong magkasumbatan pa.

Hindi mo na ako kailangang iwasan pa.
Hindi mo na kailangang magreply pa.
Hindi mo na kailangang magsinungaling pa.
Hindi mo na kailangang itago pa.
itago ang isang ikaw at ako na hindi ko naman alam kung merong ano.

Hayaan mong ako na ang tumapos sa pagkakamaling ito.
Hayaan mong ako na ang maglagay ng tuldok sa kabanatang ito.
Hayaan mong ako na ang magsabing patawad mula sa puso ko
Patungo sa puso mong sana naging parte ako.
Hayaan mong ako na ang magsabing salamat sa lahat ng oras mo.
Sa lahat ng kwento at tawanan. Salamat at napadaan ka sa buhay ko.

Hindi man sa ganitong ending ang pinangarap ko.
Ang makilala kita at maging malapit pa sa ‘yo ay pinagpapasalamat ko.
Mahirap kang kalimutan, ‘di ko alam kung saan ko uumpisahan.
Siguro sa huling tuldok ng likha kong ito marahil ay siya nang
Huling sasambitin at huling pamamaalam ko.

About malaya06

a deo et rege; humanus crede.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!