Tulay

 

Isa, dalawa, tatlo.
Hindi nila alam ngunit lahat ay nagsimula na rito.
A, Ba, Ka, Da.
Magtatagpo rin silang dalawa.
One plus one equals two.
Ako na ang magkukuwento.

0005
Red, yellow, blue.
Maiintindihan din ninyo ako.
Ako ang langit, isang permanenteng tanawin na mapagmamasdan mo kapag tumingala ka. Ngunit, maliit na parte ko lamang ang iyong makikita. Hindi katulad ko na kapag lumingon pababa ay kayang makita ang buong daigdig.
Mula sa aking kinalalagyan ay kaya kong makita ang lahat. Kaya ko rin makiramdamdam. Alam ko kung bakit may nagdiriwang. Alam ko rin ang dahilan kung bakit mayroong nasasaktan. Alam ko ang kwento mo at alam ko ang kwento niya — alam ko ang kwento ng bawat isa, pati ang kwento nilang dalawa.
Sinong dalawa?
Isa, dalawa, tatlo. Nagsimula na ang kasaysayan habang natututo pa lamang silang bumilang. Sino nga ba ang mag aakala na noon pa lamang ay nagkakasalubong na sila? Wala. Pero, ang maliit na silid-aralan, kung saan sila ay inihahanda para sa elementarya, pala ay pareho nilang inuukupa sa magkaibang oras — ang isa ay sa umaga, ang isa ay sa hapon.
A, Ba, Ka, Da. Natuto na silang bumasa. Natuto na rin silang sumulat ngunit hindi pa rin nila napansin na, katulad noon ay iisang silid na naman ang gamit nila kahit iba na ang paaralang ito — baligtad nga lang dahil ang isa naman ang pang-umaga at ang isa naman ang panghapon.
One plus one equals two. Sa Matematika ay kapwa nahilig sila. Nagkasabay na sa pagpunta sa mga patimpalak sa asignaturang ito sa ibang mga paaralan sa Maynila. Kapwa rin sila nagwawagi kung minsan subalit hindi pa rin nila napapansin ang eksistensya ng isa’t isa.
Red, yellow, blue. Sa apat na sulok ng isang kuwartong puno ng palamuti at mga obra ay muli na naman silang nagkasama pero bulag pa rin sila. Ang isa ay natandaan na ang pangalan ng isa ngunit hindi na nagkaroon ng pagkakataon para may malaman pa siyang iba tungkol dito. Mas hilig niya ang sumulat kaysa gumuhit at magpinta. Pinili niyang maging bahagi ng pahayagan sa kanilang paaralan.
Teka, sino nga ba talaga sila?
Tawagin nalang natin silang U at V — si U ang babae at si V ang lalaki. Dumating na sila sa pinakamakulay na yugto sa buhay ng isang mag aaral — ang buhay-hayskul. Sa kabila nito, hindi pa rin sila nagkalapit hanggang sa binuksan ng hilig nila sa pagsusulat ang pintuan ng pagkakaibigan para sa kanila.
Hindi nagtagal ay naging mas malapit pa sila. Si V ang naging panyo ni U sa mga panahong nalulungkot siya noon at kasabay ng pagpahid nito ng mga luha niya ay unti-unting naging malinaw ang mga mata niya sa katotohanang naghihintay lamang ang bahaghari na mapansin niya.
Sa bawat pagtugtog ni V ng gitara, sa mga ididikit nitong mensahe sa bulletin board at sa bawat pagkakataong pinangingiti siya nito ay napalapit ang puso ni U sa kanya. Isang gabi, sa gitna ng pagtugtog ng isang napakagandang awitin at sa ilalim ng mga nagsasayang tala, ay ibinigay na ni U kay V ang pinakamatamis sa lahat ng mga katagang sinambit niya sa buong buhay niya — oo. Si V na marahil ang prinsipeng pinapangarap niya — ang kwento na marahil nila ang magiging tunay na “at naging maligaya sila habambuhay”.
Naging masaya sila sa kabila ng mga problema at pagtutol ng mga taong iba ang nais para kay U. Tila wala ng hangganan ang saya na nadarama nila hanggang sa dumating ang araw na bigla na lamang nagpaalam si V — may iba pa raw na darating, isang tao na magmamahal kay U sa paraang hindi niya nagawa kailanman. Naghiwalay ang landas nila.
Pinanood ko ang bawat hakbang ni U palayo sa pangarap na kailanman ay hindi na niya maaabot pa — ang makasama si V hanggang sa pagtanda. Sinabi niya sa sarili niya na kahit ano pang mangyari ay hindi na siya magmamahal ulit ng iba — hihintayin lamang niyang bumalik si V at kung hindi ay mabubuhay na lamang siya kasama ang mga alaala nito.
Subalit, nagbabago ang tao — nagigising, natututo. Muling sinariwa ni U ang mga sandaling kasama niya si V at kung gaano sila kasaya noon. Isinapuso niya ang mga huling kataga nito: “May magmamahal pa sa’yo higit sa pagmamahal na kaya kong ibigay.” Kung naging masaya siya rito noon, paano pa kapag dumating na iyong taong iibigin siya higit sa pagmamahal nito sa kanya? Ito ang naging unang hakbang niya sa pag usad.
Lumipas ang panahon at muli niyang nakita ang liwanag — hindi dahil sa ito ang nais niyang mahanap kung hindi dahil sa ito ang kusang naganap.
Sino nga ba sila?
Si V ay si V. Hanggang sa huli ay hindi siya binago ng pag ibig. Nagmahal siya ngunit hindi siya binulag nito. Nanatili siyang malaya. Nanatiling malawak ang mundong ginagalawan niya kaya hindi siya nahirapang lumipad patungo sa himpapawid na malayo kay U.
Si U ay naging W, X, Y, o baka Z. Umibig siya, umibig hanggang sa maging ibang tao na. Nawala ang pagkakakilanlan niya dahil si V ang naging buhay niya — naglaho sa kanya ang U na siyang itinangi ni V.
Si V ang mukha ng mga umiibig na hindi kayang tumanggap ng pagbabago kaya kasabay ng pag iba ng ihip ng hangin ay nagbago rin ang kanyang damdamin.
Si U ang mukha ng mga labis kung umibig — at ang lahat ng labis ay masama. Sa pag ibig, habang nagbibigay ka ng labis ay lalo itong nagiging kulang.
Sila sina U at V, ang salamin ng katotohanan na may mga taong pinagtatagpo ng pagkakataon ngunit hindi maaaring lumakad ng sabay sa iisang direksyon. Pinagsalubong lamang sila para turuan ang isa’t isa — para maging handa sa kanya-kanyang tadhanang pipiliin nila.

[October 2012]

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita Newspaper, 2013 to 2014. She is Manila Bulletin's health and tourism reporter. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016