Totoong Buhay sa Canada

(Photo Credit: pinoy-ofw)
(Photo Credit:  pinoy-ofw)
(Photo Credit: pinoy-ofw)

Sa mga nagbabalak pumunta ng Canada, bago kayo mag-apply dito, alamin muna ninyo kung ang inyong agency ba ay may napaalis na. Huwag lang sunggab nang sunggab kasi diyan po tayo maloloko ng ibang tao.

Alamin rin ninyo ang mga kalagayan ng mga naririto na. Yung magsasabi sa inyo ng totoo kasi ang ilang Pinoy at Pinay na ayaw aminin na nahihirapan sila rito. Mahaba-haba ito ngunit susubukan kong isa-isahin ang sitwasyon alam ko ng mga naririto na.

Mag-apat na taon palang ako rito sa Canada ngunit iilan na rin ang naririnig at nababasa kong mga kuwento tungkol sa mga nagbabalak na makarating dito.

Mayroong nagbitaw ng ilang libong dolyar para sa placement pero hindi nakarating dito. Mayroong nagbayad ng halos kalahating milyon sa agency pero pagdating dito, wala namang trabaho dahil nagbayad lang ang agency sa employer para bigyan ng LMO. Mayroong underpaid ng employer dahil tinatakot na ipadeport kapag nagsumbong.

Karamihan sa pumapasok rito, mga residente at caregivers. Ang mga residente, sila ang mga professional na nakapasok dito. Pumasa sila sa point system na tinatawag base sa kanilang education, work experience at financial situation.

May mga workers na pumapasok katulad ng mga nasa fastfood pero nakadepende sa kanilang mga employers kung sila ay magiging residente dito. Kung ang employer ay hindi ka isponsor sa residency, balik Pilipinas ka!

Ang caregivers ang pinaka-popular na pumapasok dito. Pero ano nga ba ang trabaho ng caregivers? Mayabang na lamang ang hindi aaming hindi sila naglilinis ng dumi ng kanilang mga alaga. Oo, yaya, kasambahay o tagapag-alaga ng matanda ang caregivers dito. Ang pinagkaiba lamang ay mayroong oras ang trabaho dito. Let’s say, 8 oras sa isang araw. Kaya kung masipag ka, puwede kang magdalawang trabaho dahil sayang rin ang kikitain (Iyan ay kung open work pemit ka na na makukuha mo lang kapag nakapag-2 years ka na rito)

MAGKANO ANG SAHOD?

Depende kung nasaang province ka. Ang minimum kada province ay magkakaiba. Mayroong sumasahod ng $10.25/hr at kung may overtime, lalagpas pa ng 15/hr.

Kung nagtatrabaho ka ng 8hrs/day, 5days/week ay medyo malaki ang sahod mo kung ico-convert sa peso pero bago iyan, mayroon ka pang babayarang taxes, bahay at mga bills pa.

Ang food and accommodation, depende rin sa province ang charge. Mayroong nagbabayad ng $325/month, mayroong $400/month. Ang tax ay depende rin sa province. (Opo, mga caregivers dito ay nagbabayad rin ng food at room kahit sa loob ka ng bahay ng amo mo nakatira)

Kung ibabawas ang bahay, tax at employment insurance, more or less ay nasa 1200 Canadian $ ang sahod ng isang caregiver at iyan ay x 41 pesos.

Mula sa 1200$, mayroon kang cellphone bill na kung naka-iphone ka at may unlimited internet ay maliit na ang 80$/month. At kung lakwatsera ka tuwing off mo ng weekends, maliit ang 50$ sa isang araw.

Note: Minimum salary iyang sa itaas pero may mga sumasahod ng doble, triple, o baka X 10 pa. Iyang nasa itaas ay kung baguhan ka pa lamang rito.

Marami ring tukso dito kung sunod ka sa uso ng gadgets . Lahat ng tao rito ay may credit card dahil kailangan namin magbuild ng credit history (kung wala kang credit history, hindi ka makakabili ng bahay, sasakyan o iba pang ari-arian). May ilan pa, halos lahat ng puwedeng utangan, mayroon silang card.

Kaya marami dito, swipe dito at swipe doon ng credit card. Disiplina na lamang ng sarili dahil kung puro utang lang din ang laman ng credit history mo, mahihirapan ka ring makakuha ng properties dito in the future.

Kahit maliit ang sahod mo, puwede kang magkasasakyan dito. Sa Pilipinas, mayayaman lang ang may sasakyan pero dito, mas mura pa minsan ang may kotse kesa mag-commute (maliban na lamang kung sa city ka na available ang transit hanggang anytime).

Maraming Pilipino dito, masisipag. Dala-dalawa ang trabaho dahil nakakapanghinayang nga naman ang kikitain. Kaya huwag kang magtatampo kung ang kamag-anak o kakilala mo na naririto ay hindi ka na kinakausap. Baka siya ay masyadong busy sa kapa-part time at wala nang oras sa kachuchuchu. Kung nakikita mo ang gastusin na nakalista sa itaas, kulang pa iyan. Mayroon pang food, internet at hydro. At ang upa ay depende sa laki ng bahay o kung saan ang location.

Mahirap din dito sa Canada kung hindi ka marunong dumisiplina ng sarili mo. Mahirap dito kung makikiuso ka. Pero kung marunong ka, aasenso ka.

Dito sa Canada, bibihira ang Pilipinong tamad. Mga kabataan dito, ugaling Canadian na rin. Ang iba, 16 years old lang ay nagtatrabaho na. Mayroong pagtuntong ng 18 ay bumubukod na para buhayin ang sarili. Libre dito ang schooling hanggang High School pero pagating ng college, kanya-kanyang kayod na.

At kahit na pumasok kang nanny/caregivers dito, nabibigyan ka ng pagkakataon na magtrabaho sa opisina pagkatapos ng 2 years mo sa amo. Puwede ka na rin mag-upgrade ng iyong course upang puwede kang makipagsabayan sa mga Canadian residents and citizens (karamihan sa courses sa Pinas, hindi honored dito kaya kailangan mag-upgrade)

Libre rin ang hospital dito. Pupunta ka lang sa clinic, iti-treat ka kahit wala kang pera. Kasi buwan-buwan ay nagbabayad ng medicare ang lahat ng naninirahan dito.

Dahil sa benefits ng mga residente at citizens dito, marami ang nananamantala. Kaya bago kayo pumunta rito, alamin ninyo maigi kung iyang agency ninyo ba ay totoo lalo na kung malaking pera ang bibitawan ninyo. Ang iba, basta lang magkapera, wala nang pakialam kung okay ba ang iyong kalalagyan dito.

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws