Tomas Morato

Si Don Tomas Morato kasama si Pangulong Manuel L. Quezon

Tomas Morato   

ni George M. Hizon

Isa sa mga pangunahing kalsada sa Quezon City ang Tomas Morato Avenue. Pinasikat ito ng mga samu’t saring mga kainan tulad ng Marios, Alfredos, Dulcinea, Amici, Alba, Jollibee at Goldilocks.  Tahanan rin ito ng mahigit sa isang dosenang mga bangko tulad ng Banco de Oro, Bank of the Philippine Islands, Metro Bank at Citybank. Bagama’t sikat ang kalsadang ito, marami sa mga kabataan ngayon ang nagtatanong kung sino si Tomas Morato? Pakinggan natin ang kuwento ni Tomas “Tommy” Morato III, apo ni Don Tomas Morato.

 

Don Tomas Morato

Kuwento ni Tommy “ipinanganak ang lolo namin na si Tomas Eduardo Bernabeau Morato noong Hulyo 2, 1887 sa Javea, isang bayan na nasa tabing dagat, sa lalawigan ng Alicante, Espanya. Pagkaraan, lumipat siya ng tirahan sa lalawigan ng Tayabas (Quezon Province) sa Pilipinas. Nguni’t kung kailan at kung paano siya nakarating sa Tayabas ay hindi namin sigurado. May ilang nagsasabi na “stowaway” daw siya sa sumakay nang palihim sa isang barko. Pagkaraan ng ilang taon, sa Tayabas natagpuan ni Tomas Morato ang kanyang pinakamatalik na kaibigan- si Manuel Luis Quezon”. “Pareho silang may Spanish blood  kaya, madali silang nagkasundo ni Lolo” sabi ni Tommy.

Daigdig ng Politika

Noong 1928, naging pinakauna-unahang Municipal Mayor si Tomas Morato ng bayan ng Calaug,Tayabas. Noong 1935, “bahagyang” nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga Amerikano noong itinatag ang Philippine Commonwealth. Si Manuel L. Quezon ang nahalal na Pangulo ng pamahalaang ito. Kalaunan, itinalaga ni Quezon ang kanyang matalik na kaibigan na si Tomas Morato bilang kauna-unhaang Hepe ng Pulisya ng Bario Obrero (Quezon City ngayon). Di katagalan, itinalaga siya ni Quezon na kauna-unahang Mayor ng Bario Obrero (Quezon City). Ilan sa mga kilalang proyekto na nagawa ni Morato habang Mayor ay ang Socialized housing scheme sa may Kamuning at Obrero area, mga baranggay na ngayon.

Ikalawang Digmaan

Noong 1940, napipinto na ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at bansang Hapon. At dahil dito, itinalaga ni Quezon si Morato bilang Presidential Guards Batallion senior aide. Noong Disyembre 7, 1941, binomba ng mga eroplanong Hapon ang Pearl Harbor, Hawaii at di-kalaunan, pati na rin ang Maynila. Umpisa na ito ng Ikalawang Digmaan sa Asya. Ipinadala kaagad ni Quezon si Morato sa Tayabas, kasama ang 1st Philippine Army Division, upang subaybayan ang mga paggalaw ng mga kawal Hapon. Naniniwala si Quezon na dito unang sasalakay ang mga mananakop.

Noong Abril, 1942, sumuko na ang mga libu-libong mga sundalo ng USAFFE sa Bataan dahil sa pagod, sakit at pagkawalan ng armas. At noong Mayo, sumuko na rin ang mga natitira pa sa Corregidor. Tumakas na rin sina Quezon at General McArthur patungong Australia upang hindi mapasakamay ng mga malulupit na mananakop. Si Tomas Morato naman ay naiwan at nagpatuloy ng mga gawaing gerilya.

Ilang buwan pa ang nakalipas, nahuli si Morato ng Kempetai (dreaded Japanese Military Police).  Itinapon siya sa Fort Santiago kung saan siya pinagsusuntok at pinagsisipa ng mga miyembro ng Kempeitai at iba pang mga sundalo. “Akala ng ama kong si Tomasito na patay na ang lolo namin” sabi ni Tommy. Nguni’t noong 1943, pagkaraan ng isang taon, muli siyang makikita ng mga kapamilya namin ng pakawalan siya sa tulong ni Pangulong Jose Laurel at Artemio Ricarte, isang kapwa Mason. Di katagalan, sumanib na naman ang lolo sa mga gawaing gerilya at tumagal ito hanggang sa dulo ng digmaan”.

Philippine Independence

Natapos na rin ang Ikalawang Digmaang noong 1945 nang sumuko ang bansang Hapon sa mga Allied Forces. Kalaunan, binigyan na rin tayo ng mga Amerikano ng Independence noong 1946. Nabuhay si Tomas Morato sa “malagim” na digmaang ito nguni’t ang matalik niyang kaibigan na si Manuel Quezon ay hindi pinalad- namatay siya sa Estados Unidos noong 1944.

 Nagpatuloy si Morato sa politika at noong 1946, nahalal siya bilang kauna-unahang Representante ng Tayabas Province. Kabilang sa kanyang mga nagawa ay ang batas na Reforestation, ang pagtatanim ng panibagong mga puno sa mga lugar na pinagkukunan ng puno at ang pagpapalit ng pangalan ng Tayabas sa Quezon Province .

 Noong 1965, namatay si Tomas Morato at bilang karangalan sa kanya, pinalitan ang pangalan ng Sampaloc Ave. sa Tomas Morato Ave. Isa na ngayon ang Tomas Morato Ave. sa pinakamaunlad na kalsada sa Metro Manila.

 Maraming salamat kay Tomas “Tommy” Morato III!

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!