Tinder. Love. And Dare. (Chapter 9)

“Panay-panay naman ata laktwatsa mo? Nung nakaraan lang ginabi ka na rin a?” mahinang boses na reaction ni nanay nang sabihin kong may pupuntahan akong malayo. Tulog pa kasi si Ate Yumi, late na din kasi nakauwi kaya halos bulungan kung mag-usap kami. Kasalukuyan akong nagka-kape habang siya naman e nagbibilang ng kita. Meron siyang tirang lugaw, ‘yun na ‘yung inalmusal ko.

“Trabaho po. Extra income. Wala akong budget maglakwatsa.”

Maaga akong nagising. Bago mag-alas-otso gising na ko (usually nine ang gising ko). Inagahan ko gising kasi bibili ako ng bulaklak at chocolate. Halos six thousand pa ‘yung hawak kong pera, tira dun sa allowance na binigay ni Kaeley nung nakaraan kaya nakabuo ako ng idea na bilhan nga siya ng manliligaw-starter-pack. Dadagdagan ko pa sana ng stuffed toy, kaso baka hindi ko na mabitbit lahat. Sa next date na lang.

“Sa Kuya Doms mo pa rin ba ‘yan? O iba?”

“Sa iba po. Pero napaalam ko naman na sa kanya na may sideline nga akong gan’to.”

“Buti okey lang sa kanya?”

“Okey lang daw. Napapayagan naman ako e.”

Nakapagpaalam na nga ako kay Kuya Doms nung isang araw about sa lakad ko ngayon. Parang nainis nga kasi absent na naman daw ako. Paliwanag ko e ‘sideline’ din. Baka daw tuwing Sabado na ko wala, sabihan ko lang daw siya. O baka balak ko na daw umalis o lilipat na ng ibang shop, ayaw ko lang daw sabihin. Inulit ko lang ‘yung reason na sideline. Sige daw, basta tapusin ko na lang ‘yung mga trabaho ko, at kelangan wala daw akong maiiwan. E sakto, natapos ko silang lahat agad kahapon. Kaya okey na.

Ang problema ko lang e pano kung sa mga susunod e hindi na siya pumayag?

“Sa’n ba ‘yang sideline na ‘yan at inaabot ka ng gabi?”

“Paiba-iba po e. Minsan sa Quezon City. Nung nakaraan sa Las Pinas. Depende po kung sa’n ako papupuntahin nung nagpapa-design.” At kung saan po ang trip ng ka-date ko!

“Ang layo naman? Baka naman sa pamasahe pa lang e talo ka na sa gastos? May ala-allowance ba ‘yang biyahe-biyahe na ‘yan?”

“Meron naman siyempre. Si mother talaga. Papayag ba naman akong buma-bumiyahe ng talo sa bayad? Sayang naman talent ko nun…”

“Huu, yabang mo. Nga pala…” kumamot-kamot ito ng ulo gamit ang tinidor. “Magbabayad na din pala ako ng kuryente at tubig bukas.”

Alam ko na meaning nun kaya tumayo na ko at kumuha ng pera. Inabot ko kay nanay ‘yung pera pero kunot ang noo habang nagbibilang. “Ano ‘to?”

“Pera. Pambayad ng tubig kuryente.  Sabi mo ‘di ba?”

“Alam ko. Bakit sobra?”

“Katas ng sideline. Kunin n’yo na. H’wag na mag-comment.”

Hindi na nagsalita si nanay. Ako naman pasimpleng nagdasal na sana hindi ako pagalitan ni Kaeley. Medyo nakaka-konsensiya din kasi. Pera niya ‘yun e. Pero para mapaniwala ko si nanay sa kalokohan ko e kailangan kong mag-abot ng konti.

Sabagay, sabi niya e bahala daw ako gumastos dun, gamitin ko daw sa panliligaw ko. Ang iniisip ko lang, baka mag-accounting naman kami every meet-up sa mga ginastos ko. Paktay ako ‘pag nagkataon. Hindi ko mae-explain sa kanya kung sa’n ko dinala ‘yung ibang pera.

Bahala na nga.

Inubos ko na ‘yung pagkain ko at sinaid ang kapeng medyo malamig na. Naghugas ng mga pinagkainan at pinaglutuan, saglit nag-check ng FB, bago ako naligo. Nag-text si Kaeley, nabasa ko lang pagkatapos ko maligo.

10 AM. MEGAMALL. OTW N KO. MAG-GRAB CAR K N LNG ULIT PRA D KA MA-TRAFFIC.

OPO. OTW NA. Reply ko kahit kakatapos ko lang maligo.

*             *             *

Mabilis ‘yung nasakyan kong Grab. Wala pang alas-diyes nasa Megamall na ko. Ayun, sarado pa ang mall. Dami na nga nag-aantay sa labas. Tumawag pa si Kaeley, male-late daw siya ng 10 minutes, naiipit sa traffic sa EDSA. Sakto, makakabili pa ko. Sa main entrance na nga ako tumambay para pagkabukas e makakapasok agad. Swerte ng pagbibilhan ko ng bulaklak, buwena-mano ako. Nag-search na nga ako agad sa google ng map ng Megamall kung sa’n ako makakabili ng bulaklak at chocolate para hindi maubos ang oras kakahanap. Mahirap na, baka imbes na pogi points makuha ko e bad shot dahil late ako sa call time.

Isang bouquet ng white at red roses ang binili ko (bale tig-anim). Akala nga nung nagtitinda kanina nagdyo-joke lang ako. Akala niya ata wala akong budget. Mga single na rose lang inaalok sa’ken, tapos isa-isa niya binabanggit ‘yung mga presyo hanggang sa pinakamahal. Nung inulit kong isang bouquet ang bibilhin ko, hindi na siya nangulit.

Wala akong masyadong alam sa chocolate kaya ‘yung pinakamahal at astig ang itsura binili ko. Isang malaking Ferrero. As in malaki. P750 ‘yung presyo, na nalaman ko na lang nung binabayaran ko na. Hindi ko na kasi tiningnan ‘yung mga presyo nung namimili ako. Basta kung alin ‘yung sa tingin ko e kikiligin ‘yung babae e ‘yun na. Putsa, kahit sinong manhid at man-hater na babae, ‘pag inabutan ng hawak ko ngayon e for sure tatablan din ng kilig kahit papano. ‘Yung mga nakakasalubong ko ngang mga babae napapatingin sa hawak ko e. Siyempre, ako naman si gagong-mayabang, proud na proud sa bitbit ko.

May tumatawag. Si Kaeley.

“Hello? Hello?” boses naiirita. Tsk, wala pa ata sa mood. Masisira pa ata diskarte ko.

“O, asan ka na?” saglit akong gumilid. ‘Wag sabayan ang mood niya. Kalma.

“Andiyan ka na ba?”

“Oo, halos kararating lang din.” 15 minutes ago actually.

“Okey…okey. Aaam, male-late pa ko ng konti. Andito pa lang ako sa Crossing, stuck in traffic. I’m sorry. I’ll be there in…ten minutes, I guess. I’ll call again kung sa’n tayo magkita okey? Bye…” sabay baba.

Sure, take your time. Malay ko naman kung sa’n banda ‘yung Crossing. Hindi ko rin naman kabisado mga daan dito.

Mabuti na lang pala kumain ako. Kun’di e baka magsalubong ang init ng ulo namin. Siya bad mood kasi traffic. Ako dahil sa gutom. Mabuti na lang at may lugaw galing kay inay.

Nagpalakad-lakad muna ako habang nagwi-window shopping. Nangangalay na ko sa agad sa dala ko, ang bigat din pala. Nadadagdagan lang energy ko ‘pag may napapatingin ng babae sa’ken tapos napapangiti. Iniisip siguro nila na ang swerte ng babaeng pagbibigyan ko neto. Ang hindi nila alam e palabas lang ‘to.

Sa ground floor malapit sa food court at CR muna ako tumambay. May bakanteng bench, dun ako umupo. Nangalay na braso ko. Pambihira, grabe talaga mag-effort sa panliligaw. Contract palang ‘to a? Pano pa kung totohanan na?

Nag-online muna ko, mag-u-ubos ng oras sa FB. For sure ‘yung ten minutes niya e aabutin ng fifteen to twenty minutes. Sinabihan pa kong ‘wag magle-late, e siya pala ‘tong late? Ang galing ‘di ba?

Wala sa FB ‘yung atensiyon ko, ‘yung regalo ko kasi. Tiningnan-tingnan ko. Para akong adik na napapangiti ng kusa sa ginagawa ko. Iba talaga nagagawa ng pera. Siguro kung sariling budget ko ginastos ko ngayon, malamang isang pirasong rose lang at Toblerone bitbit ko. Baka nga Cloud 9 lang e. PERO dahil may budget ang mokong e dapat ng magpakitang-gilas.

Para sa one hundred thousand. Para sa one hundred thousand.

Tumatawag na ulit si Kaeley.

“Hello? Asan ka na?”

“Almost there. Punta ka na sa entrance, dun kita pick-up-in. Bilisan mo na lang, nasa carpark lang ako nun.”

“Saang entrance?” tumayo na ko at mabilis na lumakad.

“Sa may H&M entrance. Asan ka ba?”

“Medyo malayo dun pero naglalakad na. Sige punta na lang ako dun. Bye…” sabay baba ng phone. Saka ko lang na-realize na parang mali na binabaan ko siya. Tsk.

Mabilis at malalaki ang hakbang ko palabas ng mall. Andun na nga sa tapat ng entrance si Kaeley. Lalo kong binilisan ang paglalakad dahil sa lumalakas na ambon. Buti na lang at naka-plastic ang surprise-whatsoever ko.

“I’m sorry, I’m sorry…I know late ako. Sorry. Kumain ka na ba? Kanina ka pa?” sunod-sunod niyang sinabi ng hindi tumitingin sa’ken. Alam kong nakita na niya ang hawak ko, malamang nagpapanggap lang siya parang walang nakita. Galing um-acting. Kunwari wala akong hawak kung makipag-usap siya.

“Oo na nga, late ka nga. Yaan na. Okey lang. O, para sa’yo…” inilapit ko ang bulaklak malapit sa manibela. Alam ko namang hindi niya kukuhanin ‘yun habang nagda-drive. Inilapit ko lang para formal na makita niya at maisip niyang para sa kanya ‘yung dala ko, at may dala NGA akong surprise na sana e napansin na niya kanina pa. Duh? Flowers and chocolate, hello?

“S-salamat…nag-abala ka pa.” kumalma ‘yung boses niya. Kinilig kaya siya?

“Hindi abala tawag diyan. Panliligaw ang tamang term.” Inilabas ko na rin sa plastic ‘yung chocolate. Iwinasiwas ko sa bandang kanang-view niya na tinitingnan-tingnan naman niya. “Kasama ‘to sa diskarte ng panliligaw ko kaya dapat hindi ka na ma-surprise. Unless…may mga nauna ng nagbigay sa’yo. Kaya siguro…parang hindi ka natuwa…or na-surprise man lang…” lungkut-lungkutan ‘yung boses ko. Pabebe ang puta.

“It’s…nice. And…thank you. Thank you. I-i don’t know what to say…na-surprise mo ko, actually. Didn’t think na gagawin mo ‘yan. Don’t worry, wala pang nagbigay sa’ken ng ganyan. Remember, wala naman akong ine-entertain na manliligaw?”

“Malay ko ‘di ba? Puwede ka naman makatanggap ng ganto ng hindi ka nililigawan…”

“Yeah, sort of. Pero ‘yung galing mismo sa manliligaw, wala pa. Kaya nga na-surprise ako e. Hindi lang halata. Sensya ka na a? Bad trip ‘yung traffic e.”

“Okey nga lang, ‘to naman. Kumalma ka na. So, dito ko na lang muna ilalagay sa likod? Hindi ka naman puwede mag-drive ng hawak mo ‘to e.”

Nangiti siya. “Sure, diyan na nga lang sa likod. Sensya ka na at nagda-drive ako. Pero thank you talaga, I really appreaciate it. Siguro ganyan din ginawa mo sa ex mo kaya na-in-love siya?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!