Tinder. Love. And Dare. (Chapter 8)

“Punta ka daw kay Tito Mong mo at may sira daw ‘yung laptop niya…” sabi ni Kuya Doms. Naistorbo ang panunuod ko ng One-Punch Man (wala akong gawa ngayon kaya halos tatlong oras na kong naglu-lugaw dito sa shop).

“Anong oras daw po?” tanong ko matapos kong i-pause saglit ang video.

“Ngayon na, kelangan ata ‘yun ngayon…”

‘Ba yan. Ura-urada a? Bakit ‘di na lang dinala dito sa shop kung nagmamadali? Alam ng may trabaho e…kahit wala.

Tsk, bahala na nga.

Panigurado na-virus na naman ‘yun. Nung nakaraan ganun din nangyari. Na-corrupt. Halos hindi na magamit. Hindi niya daw alam kung ano nangyari, basta bigla na lang nag-blue screen. No choice, kelangan ko i-system recovery. Kesa naman hindi na pakinabangan. Medyo may alam-alam naman ako sa pagkalkal ng computer kaya kung may pinapagawa o pinapaayos sa’ken si Kuya Doms o Tito Mong e naaayos ko naman. ‘Yung iba e sa youtube ko lang din naman natutunan. Basic trouble shooting lang alam ko, tinuro sa’min nung nag-aaral pa ko. 

Umalis na din ako agad matapos patayin ang PC at makapag-paalam kay Kuya Doms. Binilinan akong bumalik agad pagkatapos kay Tito at baka biglang may dumating ‘daw’ na customer. Nasilip ko pa ‘yung puwesto ni Maki. As usual nanunuod na naman ng teleserye. Ewan ko dito, idol na idol niya ‘yung artistang chicks. Feeling ko nga paulit-ulit na ‘yung mga episode e.

May dalawang kanto lang ang layo ng bahay ni Tito Mong sa shop (nakababatang kapatid ni nanay). Isang kanto naman ang layo kung sa bahay manggagaling. Nakakatamad lang din maglakad-lakad at maputik ang kalsada. Lakas ng ulan din kasi kagabi. Kala ko nga babaha na naman. Wala din ako payong, medyo umaambon-ambon ulit. Tumigil lang kanina ‘yung ulan. Pero halos magdamag ‘yung ulan mula pa kagabi. Wala naman bagyo. Baka bad trip lang si Zeus kaya binuhos na ‘yung galit.

Ayoko lang minsan dun kay Tito, ‘pag may pinapagawa madalas salamat at apir lang ang bayad. O kaya magpapakain. Nung nakaraan pumunta ako pinurga ako sa pancit canton at monay. Ganun lang. Sabagay, tanghalian na rin. Siguro naman dun na rin ako pakakainin.

Magta-tatlong araw na simula ng huling magkasama kami ni Kaeley. Wala siyang kahit anong message sa Tinder o kahit simpleng text sa’ken. Walang musta, hi o hello. Walang kahit ano. Zero. Naa-attempt nga ako minsan i-text siya pero pinipigilan ko lang sarili ko. Ayokong isipin niyang masyado akong atat o nami-miss ko siya kaya ako nagpapapansin.

Somehow, nakaka-miss naman talaga siya.

Kelan kaya kami gagala ulit?

Nakarating na din ako ng bahay nila Tito Mong. Tahulan ‘yung mga aso pagkalapit ko sa gate saka nag-doorbell. Hindi naman ako takot sa aso kaya okey lang. Isa pa, mga tropa ko din naman ‘yung mga aso. Si Uno (Labrador retriever) at si Dos (Golden retriever). Parehong dambuhalang aso na kapag tumayo e halos kasing-laki ko na rin.

Si Madel ang nagbukas sa’ken ng gate (panganay na anak ni Tito, grade 6 pa lang ata). Ibubuka ko pa lang ‘yung bibig ko para magtanong ng bigla niyang sabihin na ‘pasok ka na lang daw’ kaya ‘di na ko nag-react. Bihira ko siya maabutan dito sa bahay nila kasi madalas nasa school o nagkukulong sa kwarto. Nerdy-nerdy din kasi ang datingan kaya parang hindi sanay makihalubilo sa ibang tao, kahit ako na pinsan niya.

Saglit kong hinimas-himas at nilaro ang mga aso saka ko hinubad ang sapatos at pumasok sa loob. Sarap ng bungad sa’ken pagkabukas ng pinto, amoy pritong isda! Putsa, ginutom ako agad sa amoy (halos bungad din kasi ang kusina pagkapasok sa loob, ilang metro lang ang layo sa sala)! Matagal-tagal na din ako hindi nakakakain ng pritong isda. Bibihira kasi magluto si nanay nun, hindi kasi hilig. Kaya sana, ang wish ko sa araw na ito ay makakain ng isda. Amen.

“Kumain ka na ba?” salubong sa’ken ni Tito Mong pagkatapos ko magmano. Sunod kay Tita Amy na bising-busy makipag-away sa mga nagtatalsikang mantika sa kawali. Boneless bangus ang biktima. Haay, ang tunay na pagkain sa tanghalian.

“Hindi pa po…” medyo mahina kong sagot. Nahihiya ako e. Ayoko naman magsinungaling. Bad ‘yun.

“Dito ka na mananghalian. Tingnan mo muna ‘tong laptop ko at nagloloko na naman…” saka siya lumakad papunta sa sala. Sumunod naman ako. Nakabukas ang tv, basketball ang palabas. Nandun si Madel pero sa tablet nakapako ang mata. “Tingnan mo ‘to…” pinindot-pindot nito ang F11 at F12 button. “Ayaw gumana ng brightness. Pagkabukas ko kanina ganyan na ‘yan. Pero nung isang araw okey pa ‘yan, naa-adjust ko pa. Kanina lang talaga hindi gumana…”

Naupo ako sa sahig na may carpet malapit sa laptop saka nagpipindot. Oo nga, hindi na gumagana. Parang alam ko na kung bakit. “Baka hindi lang po updated ‘yung driver. Update lang kelangan nito tito.”

“Magagawa din agad?” tanong niya.

Tumango ako saka tumayo. “Open niyo po ‘yung net para makapag-download.”

Hinawakan na nito ang laptop saka nagpipindot. Maya-maya lang ‘connected’ na sa internet. Tumayo siya sa sofa saka ako pinaupo. “Ikaw na muna diyan at tutulungan ko lang tita mo…” saka niya ko iniwan. Dali-dali ko naman ginawa ang nalalaman ko, kung tama nga ako. Gantong-ganto din kasi nangyari sa laptop ni Emily. Kaya sana tama ako. Kun’di e baka magtagal pa ko dito kakaisip kung ano talaga sakit nito.

“Wala kang pasok?” tanong ko kay Madel. Umiling lang siya ng hindi nawawala ang mata sa tablet. Wala lang. Hindi ko naman talaga intensiyon kausapin siya. Dyahe naman kung ang opening remarks ko e ‘musta’ o ‘hello’. Parang hindi bagay.

Gusto ko pa sana ng follow up question kaso baka isipin niya feeling close kami. Kaya ‘wag na lang. Tutukan na lang ang tinotopak na laptop.

Sumandal muna ako sa malambot na sofa saka nanuod ng basketball habang nag-aantay ‘yung dina-download. Classic ‘yung laro, 1980s pa. Hindi pa ata ako pinapanganak neto.

Nag-text si Emily. Tinanong kung nasa shop ako. Sinabi ko lang na nasa bahay ako ng tito at babalik din agad sa shop maya-maya. Hindi na siya nag-reply.

Nagawa ko naman ‘yung laptop. Makailang ulit kong tinesting kung okey na. So far okey naman na siya, buti naman. Hindi na rin mapapahiya. Mission accomplished. Pero ‘yung tiyan ko naghahanap na ng carbohydrates. At malutong na isda.

“Kain na…” yaya sa’min ni tito makalipas ang halos fifteen minutes na pagtunganga. Pasalamat na lang talaga ako at nakabukas ang tv. Kun’di e malamang kinain ako ng katahimikan at awkwardness. Nabuhayan na ang nagwawala kong sikmura. Niyaya ko na si Madel pero hindi ako pinansin. Maya-maya lumapit sa kanya si tita, na agad din naman tumayo. Batas talaga ang nanay.

Marami-rami din akong nakain dahil sa gutom, at siyempre sa isda. Kinapalan ko na mukha ko, alam ko naman walang bayad ‘yung serbisyo ko. Tsaka isa pa hindi naman ako nahirapan sa ginawa ko kaya ayos na rin. Libre naman na bogchi ko, ayus na ‘yun. Para akong tanga na muntik ng maluha dahil lang sa na-miss kong kumain ng boneless bangus. Puro tilapia at sardinas lang kasi kilala ng sikmura ko e. Feeling ko kasi pagkaing-mayaman lang ang bangus.

Hindi na ko nagtagal sa bahay nila tito. Pagkatapos ng ilang kamustahan, nagpaalam na rin ako. Palusot ko na lang na marami pang tatapusin kaya kelangan na makabalik agad. Binagalan ko na nga ‘yung lakad ko, baka sakaling may iabot na pera, kaso wala. Si tita na nga ang naghatid sa’ken palabas ng gate saka nagpasalamat.

*             *             *

“O, anong ginagawa mo dito?” si Emily, nasa shop na pala siya hindi man lang nagpasabi. Naka-uniform pa. Kaya pala hinahanap ako. Pumasok na rin kami agad sa shop pagkalapit ko sa kanya.

“Wala, dumadalaw lang. Ayaw mo ba?”

“Hindi naman. Gulat lang.”

Hindi normal na dumadalaw si Emily dito sa shop. Nung kami pa, oo. Pero since nag-break kami e medyo awkward na rin. Wala lang. Parang hindi lang maganda tingnan na babae pa ang dumadalaw sa’ken. Baka isipin ng mga tao dito ang pogi-pogi ko at babae pa ang naghahabol sa’ken.

“Kumain ka na?” tanong niya. Lumabas din kami agad ng sabihin ni Kuya Doms na wala pang gagawin. Ayoko gumawa ng eksena sa loob at baka masita pa ko.

“Tapos na, kila tito ako kumain. Pinaayos ‘yung laptop…”

“Anong sira?”

“Yung brightness, hindi naa-adjust.”

“Ganun din nangyari sa’ken ‘di ba?”

Tumango lang ako. Ano kelangan nito sa’ken?

“Ano, musta pagti-Tinder?”

“Okey naman. So far wala pa din ka-match.” Kahit meron ng Kaeley.

“Wala pa din? Himala. Ang pogi-pogi wala man lang nagsa-swipe sa’yo?”

“Wala nga e, ano magagawa ko?” kahit nag-date na kami ni Kaeley.

“Baka naman hindi ka talaga naghahanap?”

“Hindi sa hindi ako naghahanap. Hindi lang ako gano interesado sa ganun.” Kahit interesting ang eksena namin ni Kaeley.

“Ikaw bahala. Tinutulungan lang naman kita. ‘Yung pinsan ko dun nagka-girlfriend e. Medyo matagal na din sila. Six months na ata.”

“Bakit ba kasi mas excited ka pa sa’ken magkaron ako ng girlfriend? Ako nga hindi ko naman iniisip ‘yung ganun.”

“Hindi sa ganun. Excited agad e. Malay mo lang, andun na ‘yung sinasabi mong babae na para talaga sa’yo.”

Tsk tsk…sabi na e. Papunta na naman kami sa ganun e. I-intro-han ako na kunwari interesado sa Tinder pero ang ending, papunta talaga sa past namin. Talagang nagtaka pa ko e, hindi na ko nasanay. “Wala pa kong balak magka-girlfriend. Alam mo naman ‘yung reason kung bakit.”

“Alam ko naman ‘yun…siyempre concern lang ako sa’yo.”

A, concern pala siya. Kaya naman pala e. “Wag mo na lang masyado iniintindi ang love life ko at hindi naman ako nagmamadali.”

“Pano kung makahanap ka na ng girlfriend dun?”

“Anong pano?”

“Wala na tayong communication? Iiwasan mo na ko?”

“Bakit naman? Ganun ba ‘yun?”

“Malay mo lang. Kasi siyempre nasa iba na attention mo. Iba na rin kasama mo. Tapos malay mo selosa siya or mahigpit. Siyempre pag nalaman niyang ex…ex mo ko…siyempre ‘di ba…”

Hindi ko alam kung matatawa ako, matutuwa, o maiinis sa sinasabi niya.  Umatake na naman siguro kapraningan nito kaya ibubunton na naman sa’ken. “Gusto mo ba talaga ako magka-girlfriend o kinokonsensiya mo ko?”

Nangiti siya. Ngiting parang nagsabay ang nabara at napahiya. “Hindi pa ko kumakain. Samahan mo naman ako.”

“Hindi puwede, baka pagalitan ako ni kuya. Sabihin kakabalik ko lang labas na naman.” iniba na niya ‘yung usapan. Mukhang napahiya nga.

“Sige na nga.” Tiningnan nito ang oras sa relo. “Dito ka lang naman ‘di ba?”

“Malamang. San naman ako pupunta?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!