Tinder. Love. And Dare. (Chapter 7)

Wala pang kalahating oras nasa Sucat na kami. Sabi niya, nasa Lakefront daw ‘yung ihaw-ihaw. Baga Manila daw ‘yung mismong venue (akala ko tambayan ng mga sunog-baga). Since wala naman akong idea sa ganung lugar e oo na lang ako ng oo.

Hindi nag-reply sa text si nanay, si Ate Yumi na ang sumagot. PINAGTABI K NMIN NG PANSIT. TXT K N LNG DW PG PAUWI K N. Text niya kanina. Salamat lang ang reply ko. Hindi na rin ako sure kung makakain ko pa ‘yun pagkauwi.

Tahimik lang kami sa biyahe kanina pagkalabas ng express way. Ako tahimik kasi medyo ramdam ko na ang pagod at antok, kasabay ng pagkabusog at umay. Siya, hindi ko alam. O baka pareho lang kami, nagkakahiyaan lang magsabi. Wala akong mabuksan na topic na pwede namin pag-usapan. Siya, hindi ko ulit alam. Siguro sine-save niya ang natitirang lakas para mamaya.

Wala na naman akong idea kung nasa’n na kami. Basta pagkalabas namin ng Sucat exit, pasok sa gantong kalye, kanan kaliwa, ‘yun na. Medyo madami ng tao, hirap kami makahanap ng pa-parking-an. Natagalan pa lalo sa laki ng sasakyan ni Kaeley. Feeling ko pagbukas namin ng pinto mahihirapan kaming lumabas.

“Baba ka na kung gusto mo, mag-aayos lang ako saglit…” sabi niya habang hirap na hirap siyang abutin ang bag na nasa bandang likuran. Tinuro ko ‘yung seat belt niya saka niya inalis. Lumingon ako sa likod. Doon ko lang napansin ang madaming gamit na parang basta-basta na lang hinagis sa kung saan. Karamihan mga damit.

“Ako na…” sabi ko ng halos malaglag na siya sa upuan. Tinanggal ko na din ‘yung seat belt. “Alin ba dito?”

“Yung brown.”

Nai-abot ko din naman agad ang bag sa kanya, na sinuklian naman ng mahinang ‘salamat’ (medyo sumakit ‘yung tagiliran ko sa pag-abot). Saglit pa, nagre-retouch na ang kasama ko. Para hindi siya ma-conscious e kunwari patingin-tingin lang ako sa labas.

“Ilang beses ka na nakapunta dito?” tanong ko. Kelangan e. Nage-expire na ‘yung laway ko.

“Second pa lang ngayon.”

“A, okey. Ang daming tao. Tsaka in fairness malaki ‘yung lugar a? Kala ko ‘yung parang ihaw-ihaw lang sa kanto.”

Hindi siya nag-react. Busy sa pagsabog ng foundation at sa pag-ayos-ayos ng buhok. Nakaka-awkaward ‘yung katahimikan kaya kelangan ng follow-up question. “Ano-ano ba meron dito? Parang ang dami kasing stall.”

“Edi mga barbecue. Ang difference lang e maraming kang choices. Kun’di mo trip ‘yung puwesto nung isa, pwede ka magtingin sa iba. ‘Yung iba hindi naman mga ihaw ‘yung tinda. May mga burgers, tacos, nachos…”

“Nachos ako, pwede?” putol ko. Paborito ko ‘yun e, lalo na ‘yung ma-cheese. Syet, nabuhayan ang sikmura ko!

“Ano sabi ko? Usapan tig-one hundred sa ihaw ‘di ba?”

“Ba yan? ‘Di puwedeng may nachos?”

“Kaya mo ubusin?”

“Um…kaya, siguro. Pipilitin. Favorite ko ‘yun e.”

“Hindi ka pa ba naumay sa cheese cake kanina? May cheese din ‘yun a?”

“Eee, iba naman ‘yung cheese nun. Basta, favorite nga e.”

“Ikaw bahala. Basta uubusin mo.”

“Teka teka teka…parang kanina lang ikaw una sumuko a? Ikaw unang sumuko sa’ten kanina ‘di ba?”

“So what? Sino ba manliligaw sa’ten?”

“Ako.”

“Sino nililigawan?”

“Ikaw.”

“Ano pa problema mo?”

“Wala. Wala nga. Sabi ko nga one hundred na ihaw tapos nachos. Tapos ang usapan.”

Hindi na siya nag-react.

Nauna na kong bumaba sa kanya. Tama nga ako, ang hirap bumaba. Hindi ko mabuksan ng maayos ‘yung pinto at baka magasgasan ko ‘yung katabing kotse. Ganda pa naman, parang kaka-tune up lang. Saktong pagbaba ko umihip ang malamig na hangin. Parang blessing ni mother nature sa araw na ‘to. Mapunan man lang daw ng holy spirit ang kaluluwa ko, hindi puro sikmura.

“Magsi-CR muna ako. Magtingin-tingin ka na diyan. Saglit lang ako…” paalam niya sa’ken. Palingon-lingon ako sa paligid. Maganda ang view. Maaliwalas. Maluwag ang venue. Mahangin at…at ang bango ng usok!

Paking-syet bahala na kung umuwi man akong bloated!

“Kuya pili na. Mas masarap dito, may rice pa, bagong saing.”

“Kuya ano gusto? Barbecue? Isaw? Mura lang may kanin na.”

“Oooooy kain na kayo mga sir mga mam!”

Parang Divisoria, iba lang ang tinda.

Maliliit na hakbang lang ang lakad ko, pero hindi pinahalatang first time lang sa lugar. Kunwari daw may alam na ko sa lugar na ‘to kaya ‘yung asta ko e parang pangatlong beses ko na dito. Hindi nagpapahalatang naiinosente sa lugar. Hindi gaanong lumalapit sa mga stall. Hindi rin tumitingin sa mga kumakain. Hindi nagpahalatang na-excite at natakam sa nachos (nakita kong saktong naglalagay ng cheese si ate, at in fairness may pleasing personality). Basta kunwari hindi ako inosente at dayo.

Umaatake na din ang takaw-mata mode ko. Putsa naman kasi, ang dami palang masarap kainin dito! Malalaki at mahahaba ang tusok ng mga barbecue at kung ano-ano pa dito compare sa mga kanto-kantong ihaw-ihaw na halos isang kagat lang ata ‘yung laki. Nagse-served din pala ng kanin dito. Sakto, ‘di na kelangan mag-saing.

‘Yung venue para kang nasa isang puwesto ng inuman sa kalsada ‘pag may mardi gras o October fest. Madaming mesang nakalatag. Kabi-kabila ang stall na bahala ka na kung saan mo gusto mamili. Tama nga si Kaeley, hindi puro barbecue ang tinda. May nakita pa ko kaninang nagtitinda ng shake, shawarma at burger. Pero hindi sila gano dinudumog ng tao. ‘Yung mga inihaw talaga ang blockbuster.

Ang tagal naman ng babaeng ‘yun?

Mura ‘yung nachos, nasa P120 (ganun nga ata talaga ‘pag may ilang libo ka sa bulsa, lahat mura). Malaki na din ‘yung serving, parang good for two persons na. Kung mag-isa lang ako kakain nun, kaya ko. Pero dahil meron pang ihaw-ihaw, parang kelangan ko muna maglabas ng ebak saglit para lumaki ang space ng sikmura ko (squid ball pa rin ang dighay ko, buwiset na ‘yan). Ayoko namang ma-bad trip sa’ken si Kaeley, minus points ‘yun. Kaso, ayoko din naman ma-bad trip ang sikmura ko sa dami ng kinain ko maghapon. Baka mag-check in ako ng matagal sa banyo habang ginagawang mani ang Diatabs.

Sinilip ko ang cellphone, mag-a-alas nuwebe na rin pala. Maaga pa para tumambay, late na para umuwi. Hanggang anong oras kaya kami dito?

“Ano? Nakapili ka na?” kalabit ni Kaeley sa’ken. ‘Di na naman ako agad nakapag-salita, na-star struck bullshit na naman ako.

“Ano…’yun nga…nachos. Tapos isaw ng baboy tsaka manok.”

“Kaya mo ubusin ‘yun?”

“Di mo ko tutulungan sa nachos?”

“Hmm, sige. Pero hindi ako gano kakain ng marami nun. Iinom ako ng suka para matanggal umay ko.”

“Iniinom mo ‘yun? Asim nun a?

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!