Tinder. Love. And Dare. (Chapter 6)

Inabot kami ng alas-siyete sa coffee shop kaka-kwentuhan. Ang tagal namin tumambay dun pero pareho naming hindi naubos ang kape sa parehong reason: naumay. Pati ‘yung cheesecake hindi rin naubos. Halos one-fourth pa ata ‘yun. 

Mostly ako lang naman ang nagkukuwento sa kanya. Family background, educational background, love life, hobbies, interests, etc. Mga tanong sa slum note. Minsan nagse-share din si Kaeley kung ano man ang maisipan niyang i-share pero halos maiigsi ang sagot. Ayaw ng idetalye. Rason niya e hindi naman daw ganun ka-interesting ang autobiography niya.

Madilim na, pero marami pa ring tao sa mall. Nagtaka pa ko, e Sabado ngayon. Malamig ang singaw ng kalsada. Amoy ulan sa paligid. ‘Yung medyo malakas na ulan kanina, halos ambon-ambon na lang ngayon. Parang maninipis at maliliit na tubig galing sa spray. Hindi hassle kung bumagsak man sa bumbunan. Hindi rin pagmumulan ng lagnat. Ewan ko, feeling ko kasi ang healthy-healthy ko ngayon.

Mahaba-haba na rin ang oras ng ‘pagba-bonding’ namin ni Kaeley pero alam kong wala pa sa one-percent ang diskarte ko. Sabi nga nila e, nagsisimula pa lang ang laban. Kumbaga sa movie, scene one. Sa nobela, chapter one. Sa kanta, intro. Alam kong mahaba-haba pa ang lalakbayin ko. Matagal-tagal pa magpapakitang gilas. May ilang buwan pa para magpanggap. Wala na kong pake sa ending. Ang mahalaga e matapos ko ‘to. Ma-proved sa kasama ko na lahat ng tao nakakaranas ma-in-love. O kahit magka-crush man lang.

Sa kabilang banda, napapaisip din ako. What if mag-fail ako? Hanggang dun na lang ba kami?

Magaan kausap at kasama si Kaeley, ‘wag lang masyado iisipin ‘yung estado niya sa buhay (na hindi ko minsan maiwasan mailang). Hindi naman siya maarte at hindi rin naman naga-asal spoil-brat. Sa way ng pakikipag-communicate niya e masasabi kong hindi naman siya maarte at arogante. Hindi ko masabing simple, hindi ko rin masabing masyadong sosyal. In between siguro. Kaya ngayon pa lang, nanghihinayang na ko ‘pag dumating na ‘yung time na tapos na ang contract. Okey naman siyang kaibigan, if ever.

“Alam mo, kahit ako nagtataka sa sarili ko kung bakit hanggang ngayon wala akong masabi na crush ko talaga. Minsan gusto ko maranasan ‘yung isang araw, paggising ko may isang lalake na makaka-agaw ng atensyon sa’ken. ‘Yun bang walang reason? Out of nowhere e ang lakas ng tama ko sa kanya. Well, alam ko sa sarili ko na totoong tao ako at hindi nagkukunwari. Bakit ko naman itatago ang nararamdaman ko? Kaplastikan naman ‘yun. Pero somehow tama ka. Weird nga ata ako. Parang gusto ko tuloy magpa-check-up kung may puso ba talaga ako o wala…” sabi ni Kaeley kanina. Nung mga oras na sinasabi niya ‘yun, nakita ko sa facial expression niya ‘yung sincerity at pagiging totoo. ‘Yung feeling na alam mong seryoso siya sa sinasabi niya. Kaya ng mga oras na ‘yun, dun nabuo ang decision kong seryosohin na ang contract namin. Come what may.

Tinanong niya din ako kanina kung pano ba ko na-in-love kay Emily. Sabi ko lang, “Hindi ko ma-explain in words e. Basta, ‘yung feeling na masaya ako kapag kasama siya. ‘Yung kahit buy one take one burger lang ‘yung kakainin namin busog na busog na kami. ‘Yung mga boring na topic nagiging interesting. Walang salitang puyat, hindi uso ang pagod at lahat ng malayo e nagiging malapit. Bagyo? Ambon lang sa’min ‘yun. Ang mahalaga e nagkikita pa rin kami kahit pareho na kaming basang sisiw…”

Wala naman siyang violent reactions o negative comment sa sinabi ko. Patango-tango lang.

May isang tanong siyang bumaon sa utak ko, na hanggang ngayon e iniisip ko pa rin. “What if, na-in-love ako sa’yo at na-in-love ka rin sa’ken? Ano ang una mong gagawin? Ano ang una mong sasabihin?”

Puta ‘di ba? Ano gusto niya isagot ko? “Edi tayo na, problema ba ‘yun?”

“Mahirap sagutin ‘yan kasi wala pa naman ‘yung araw na ‘yun. ‘Pag ‘yan sinagot ko, baka ngayon pa lang ayawan na. For sure baka magbago na perception mo sa’ken, edi sira ang contract. Natural ‘pag sinabi kong ‘edi maganda, tayo na’, ano iisipin mo? Na wala na kong pake sa contract kaya seseryosohin ko na talaga? Sayang naman ‘yung one hundred thousand ‘no…?” natawa siya. Hindi ko alam kung dahil sa one hundred thousand o dahil wala lang siyang naintindihan sa sinabi ko.

*             *             *

“Wag kang kakain ng marami. Maghahanap pa tayo ng ihawan…” halos mapaso na si Kaeley sa katakawan niya, nagmamantika ang nguso. Food trip kami ngayon, ibang klaseng hapunan: kwek-kwek, tokneneng, fishball, squidball, chicken balls at kikiam. Tapos eto pa ang matindi, dapat daw ang magastos namin e tig-isandaan kami. Bagsik ‘di ba? Hindi ko tuloy alam kung seryoso ba siyang ‘wag kakain ng marami o wala lang talaga siya sa sarili.

Pusang gala, ilang pirasong pugo at binolang isda ang titirahin ko? E baka sa tokneneng palang pumutok na batok ko?

“Kelangan talaga tig-isandaan? Hindi naman kaya mapurga tayo niyan?” tanong ko. Nag-aantay pa ko ng bagong lutong chicken balls, kakalagay lang kasi ni manong. Nakaka-bente na ko sa tokneneng at kwek-kwek. Bente ulit sa chicken balls. So, meron pa kong kwarenta. Pambihira. Wala bang gulaman na tig-ku-kuwarenta?

Hinawi nito ang bangs saka tumusok ulit. “Basta tig-one-hundred tayo. Magtira ka ng space sa sikmura mo at kakain pa tayo…” Pangalawang baso na niya. Tapos na siya sa tokneneng. Fishball naman ngayon ang binabanatan niya. Medyo mabagal siya kumain kaya panigurado maya-maya pa kami aalis. Sabagay tama lang ‘yun, para makabwelo sikmura ko. Kinakabahan ako sa kasunod e. Baka tig-one hundred na naman kami. Imbis na food trip e bad trip. Hinahanda ko na ang sarili ko sa cholera at hepatitis.

Nung narinig nga ni manong na tig-one- hundred ang gagastusin namin, ginanahan siya magluto. Pano ba naman, kami lang ang customer niya samantalang ‘yung mga nasa tabi niyang street food vendors e halos magdikit-dikit na ang siko sa dami. Mukhang okey naman ‘yong puwesto niya, at ‘yung mga tinda niya e malinis naman. Panigurado pareho din naman presyo nito sa kabila. Uusyosohin ko sana si manong kaso baka mas lalo kaming magtagal dito. Mahirap na din magbukas ng topic, feeling ko sabik din si manong sa kwentuhan. Ending e nasa episode na kami ng MMK.

“Wuy, dahan-dahan naman. Wala ka naman kaagaw…” sita ko kay Kaeley. Pano ba naman kasi, kahit umuusok pa sa init e sinusubo agad (nakita ko pang parang natatawa si manong). Ayan tuloy, halos iluwa na niya ‘yung fishball sa init. Ako nga halos ibabad ko muna sa suka para lang hindi ako mapaso (actually napaso na ko kani-kanina lang kaya binagalan ko na).

“Wag kang magulo, kumain ka diyan.” Sabi niya habang kinakagat-kagat pa ang dila.

“Manong dalawang gulaman…” sabi ko. Bumabara na e, kelangan na ng panulak (trenta na lang nalalabi sa budget ko!). Saglit pa, inabot na sa’min ang gulaman. Iaabot ko sana ‘yung para kay Kaeley pero sinenyasan akong ilapag na lang sa tapat niya.

“Tanong lang, anong oras mo naman ako balak pauwiin?” tanong ko pagkatapos uminom. Konti lang naman, maitulak lang ‘yung mga nakabarang balls. Baka mabusog agad.

“Bakit? May curfew ka ba?” tanong niya din ng hindi ako nililingon. Busy sa pagtusok-tusok. Nagre-refill na ng squidball.

“Wala naman. Baka lang bukas pa tayo umuwi, hindi lang ako ready…”

“E pano kung bukas nga?”

“Asa. Alam ko joke ‘yan.”

“What if nga?”

“Tumigil. Walang ligawan sa labas na umaabot ng twenty-four hours.”

“Wala ba?”

“Wala.”

“Bakit?”

“E sa wala e. Anong magagawa ko?”

Saglit niyang nilapag ang hawak na basong halos umapaw na ang suka, uminom ng gulaman saka dinampot ulit ang baso. “Ganun ba talaga ‘yun? Even pag nanliligaw kelangan may limit ang oras or naka-schedule?”

“Hindi ko rin alam. Bakit sa’ken mo tinatanong e hindi naman ako expert diyan?”

“May ex ka na e, edi malamang alam mo na rin yun.” sabi niya ng nakatakip ang bibig. Halos hindi ko nga maintindihan dahil sa pagnguya-nguya niya.

Naglagay ulit ako ng matamis na sauce sa baso ko. Nalunod na kasi sa suka ‘yung chicken balls at parang hindi bagay ‘yung lasa. “Walang schedule ang panliligaw. Nasa manliligaw at nililigawan na ‘yun kung magmi-meet ‘yung oras nila. Hindi rin dapat ini-schedule ‘yun kasi hindi naman ganun dapat ganun ka-pormal ‘pag nagmahal ka. Kung may time, edi sige. Kung wala, tiis-tiis. Ganun kasimple.”

Nangiti ulit si manong. Kahit papano napasaya na namin siya. Kanina kasi ‘yung itsura niya parang wala pa siyang benta. Ngayon okey-okey na. Naawa tuloy ako.

“E pano ikaw, halimbawa gusto mo matagal magkasama o magka-usap kayo ng nililigawan mo, ano ginagawa mo?”

“Edi lahat ng free time namin sa school magkasama kami. Tapos ‘pag uwian na hahatid ko siya, ganun.”

“Di kayo nagde-date?”

“Minsan ‘pag may time. E alam mo naman, illegal lovers kami kaya nagtatago. Kung pupunta man kami ng mall nasa sinehan kami, ‘wag lang may makakita. Strict kasi parents nun. Nagi-isang anak kasi.”

“Bakit hindi niyo ipaalam sa parent niya ‘yung relationship n’yo para hindi na kayo nagtatago? Ang hirap kaya nun…”

“Kulit a, nakikinig ka ba? Illegal nga e.”

“Sinasabi ko lang. Ikaw ‘tong makulit e…”.

“Mga iho, iha, makikisali lang sa usapan n’yo ano…” singit ni manong sa’min, nakangiti. May punto ang boses niya na iisipin mong hindi siya laking-Maynila. “Ilang taon na nga ba kayo?”

“Ako po bente na, siya nineteen…” sagot ko.

“Ang babata niyo pa pala. Nagsisipag-aral pa ba kayo?”

“Hindi na po. Under grad ako, third year…” sagot ko ulit. Napahinto na rin ako sa pagkain.

“Ikaw naman iha?” si Kaeley naman ang binalingan niya.

“Hindi po.”

Tumango-tango siya. “Yung anak kong panganay, halos ka-edaran niyo rin. Hayskul lang tinapos, terd yir pa. Naloko sa boypren, ayun maagang nag-asawa. Ang akala ko e nag-aaral ng mabuti, mahusay din naman kasi sa eskwelahan nila. Malaman-laman ko e hindi na pala pumapasok. Inuuwi na nung boypren. Isang araw umuwi, umiiyak. Buntis daw, apat na buwan na. Hindi ko alam sasabihin ko. Nagulat ako, nanghinayang, nagalit. Pero wala e, nangyari na. Hindi naman ako nagkulang sa pangaral. Siguro kasalanan ko rin hindi ko sila nabantayan ng maayos…” saglit siyang natigil, nagbuhos ng fishball at kikiam sa mainit na kawali. “Wala na kasi ang nanay nila, namatay sa sakit sa baga. Tatlo silang magkakapatid, ‘yung dalawa e nagsisipag-aral pa sa elementarya, parehong lalake. Etong pagtitinda lang ng pisbol ang kinabubuhay namin. Ayaw ko man mag-kalakal ang dalawa kong anak, wala naman akong magawa. Gusto din nila para panggastos sa pag-aaral. Masakit sa’ken na maaga pa lang e ganun na ang nararanasan nila. Malakas pa naman ako, kaya ko pa silang buhayin. Pero ganun talaga, mahirap ang buhay. Mabuti’t yung panganay ko e nakapagtrabaho na bilang kasyir. Wala din kasing makuhang trabaho ang asawa. Anim na taon na ‘yung anak nila pero hanggang ngayon hindi pa rin naipapasok sa eskuwelahan…”

“San po nakatira ‘yung panganay n’yo?” tanong ko.

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!