Tinder. Love. And Dare. (Chapter 5)

“Yan talaga papanoorin natin?”

“May gusto ka bang iba?”

Saglit siyang nag-isip. Hinawi ang bangs saka hinawakan ang naka-extend na nguso. Tumingin-tingin sa mga naka-schedule na movie. May ilang hakbang siyang lumayo sa’ken para mas mabasa ang schedule at title. Nilingon ako saglit, saka ibinalik ang mata sa mga poster.

Second week na ng Spider-Man: Homecoming at gusto ko din siya mapanuod (fanatic ako ng mga Marvel movies). Since hindi ko naman trip ‘yung ibang mga kasabayang movie e ‘yun na ang pinili ko.

Ako ang nag-aya sa kanya manuod ng sine. Sinabi ko sa kanya ‘yun bago pa man kami matapos kumain kanina. Pumayag naman siya kaya eto, nakapila kami para bumili ng ticket. Nung sinabi kong Spider-Man ang panunuorin, bigla na siyang nag-react. Kaya ayan, tulirong-ewan siya kung ano ang panunuorin.

“Bakit mo gusto panuorin ‘yan? Edi ba pambata ‘yan?” tanong niya pagkabalik niya sa bandang likuran ko. Pang-walo kami sa pila. May ilang minuto pa bago kami mag-decide ng panunuorin. Hindi rin naman ako komportable kung ako lang may trip sa panunuorin naman. Isa pa, pera niya ang ipambibili ng tiket. Nakakahiya naman kung ako lang ang makikinabang at mage-enjoy.

“Bata pa naman ako a?” biro ko. ‘Lang’ya, napagkamalan pa tuloy akong isip-bata. 

“Sure ka ‘yan panunuorin natin?” tanong niya ulit. Bakas sa facial expression niya ang medyo alanganing pagpayag sa trip ko. Nahiya tuloy ako.

“Sige na iba na lang panuorin natin. Kung ano na lang trip mo ‘yun na din ako.”

“E pano ‘pag hindi mo naman gusto ‘yung gusto ko?”

“Okey na nga ako kahit ano. Ayaw naman kita pilitin sa trip ko, baka tulugan mo lang.”

Umabante ang pila. Saglit na nag-isip ulit si Kaeley. Saglit ko din kinumbinsi ang sarili ko na ‘wag ng panuorin si Spider-Man. Parang ang hassle kasi pakiramdam. Gusto ko talaga panuorin ‘yun, kaso etong katabi ko naman halatang hindi trip.

“Sige na, ‘yan na lang panuorin natin. ‘Di ko rin naman trip ‘yung iba e…” sabi niya. Mukha namang sincere at seryoso ‘yung pagkakasabi niya kaya okey na din. Buti naman.

“Ako naman ang magtatanong. Sure ka na ba?” umabante na kami ulit. Dalawang tao pa, kami na ang bibili ng tiket. Sa wakas.

“Oo, e ‘yan ang gusto mo e. May magagawa ba ko?”

“Meron. Pera mo ‘to e…”

“Kulit a? Sinabi ng kunwari pera mo ‘yan e.”

“Oo nga. E ang hirap lang kasi mag-decide. Hindi ko mae-enjoy ‘yung pelikula kung alam kong ako lang ang may gusto. Mamaya niyan rerekla-reklamo ka sa loob.”

“Sige na, ‘yan na panuorin. Tapos ang usapan…” sabi niya saka nito dinukot ang cellphone sa bulsa.

Kami na ang susunod sa pila ng bigla akong kalabitin ni Kaeley. “Pengeng two-hundred. Bilis…”

Hindi na ko nagtanong kung bakit. Pera naman niya hawak ko. Pagka-abot ko ng pera, dali-dali siyang umalis. Hindi ko na nagawang sundan kung sa’n siya pupunta. Tinawag na kasi ako nung kahera. Saglit pa, nakabili na rin ako ng ticket. Cinema 2, 4:05 PM. May halos isang oras pa bago kami makapasok sa loob.

Lumingon-lingon ako kung saan-saan, hinahanap ang babaeng naka-cap na natatakpan ng bangs ang mukha. Wala akong makita. Marami-rami din tao sa cinema area kaya hindi ganun kadali hanapin ang hinahanap ko.

Gumilid ako sa tabi. Palingon-lingon. Nilaro-laro ang hawak na ticket habang walang tigil sa paglingon-lingon, kaliwa’t kanan. Asan ka ba?

Maya-maya pa nakita ko na rin si Kaeley na halos patakbo lumapit sa’ken. Nakangiti, may hawak na malaking bucket ng popcorn at dalawang mineral water. Gutom ka na naman?

“Kakakain lang natin a?” bungad ko sa kanya. Iniabot nito sa’ken ang popcorn at isang mineral water.

“Wala lang. Gusto ko lang. Ang boring kaya ‘pag walang popcorn. Tsaka ang bango kasi nung butter e, hindi ko natiis…” binuksan nito ang mineral water saka matipid na uminom. “Anong oras tayo?”

“Alas-kwatro pa. Tambay-tambay muna tayo…”

May inabot siya sa’king pera. “Sukli ‘yan, tago mo.”

“Sukli sa’n?” kinuha ko naman ang pera.

Inangat nito ang hawak na popcorn at mineral water. “Dito? Duh?”

“Bakit hindi ka na lang nanghingi ng pera sa’ken kanina, bibili ka din pala?”

Kumunot ang noo niya. “Nanghingi nga ako sa’yo kanina ‘di ba? Two hundred?”

Napakamot ako sa baba. “Humingi ka ba? Kelan?”

“Hala? May amnesia ka ba? Parang halos ilang minuto pa lang ata nakakalipas nung nanghingi ako sa’yo kanina a? Bago ka pa bumili ng ticket nanghingi na ko sa’yo.”

Nanghingi ba siya? Ba’t parang wala akong matandaan?

Kinabahan ako. Napa-kapa tuloy ako sa bulsa. Baka nalaglag ‘yung mga pera at credit card. Andun naman sila sa bulsa ko, positive. Pinagpawisan ako ng malagkit sa kili-kili.

“An’yare sa’yo?” tanong niya ng mapansin niyang pahawak-hawak ako sa bulsa ko.

“Wala, kala ko lang nalalag ko ‘yung mga pera.”

Hindi na siya nagsalita. Tiningnan-tingnan ko naman ang popcorn. Tama nga siya, ang bango ng butter. Kahit bloated pa ko sa pagkabusog e feeling ko dudukot at dudukot din ako maya-maya.

Kunot pa din ang noo ko. Hinahagilap ko pa rin sa utak ko ‘yung eksena na nanghingi nga siya ng pera sa’ken kanina.

Syet, bakit hindi ko maalala?

Baka naman pinagtitripan lang ako neto?

Hindi naman siguro.

“Yung ex mo ba niyaya mo din manuod ng movie nun nung nililigawan mo pa lang siya?” tanong niya nang hindi nakatingin sa’ken. Sa pader sa likod ko siya nakaharap. Hindi ko alam kung anong trip niya.

“Actually hindi…” medyo malakas kong sabi. Ang ingay na din kasi sa paligid. ‘Yung mga batang kasama ng mga magulang e naghaharutan at nagsisigawan. Tapos meron pang magkakasamang estudyanteng nanti-trip din. ‘Yung tawa nila halakhak na.

“O? Bakit naman?”

“Walang budget…”

“A…okey. So first time mo gawin ‘to?”

“Hindi naman. Nakanuod na din kami ng sine pero kami na nun. Nilibre niya ko. Kinansel kasi pasok nun, may bagyo. E ayaw pa niya umuwi kaya gumala na lang kami. Ending, nanuod kami ng sine.”

“Cancel o nag-cutting?”

“Cancel, sus. Ano naman akala mo sa’min?”

“Malay ko.”

“Judgmental. Nag-aaral ng mabuti ‘to, oy…”

“E ngayon?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!