Tinder. Love. And Dare. (Chapter 4)

“May tanong ako…” ice-breaker. Hindi naman naalis sa kalsada ang focus niya kaya hindi ko alam kung narinig niya ba ko. Pero mukha namang narinig niya. Kanina pa kasi kami hindi nagkikibuan simula ng masita niya ko sa cellphone. E ayoko naman magmukhang mannequin sa tabi niya, at isa akong ‘suitor’ kaya dapat nagpapakitang-gilas ako, kahit man lang magpanggap na matalino. “Halimbawa na-in-love ka na in one month…o bago mag-ninety-nine days, papano ko naman malalaman ‘yun?”

Saglit siyang nag-isip. Mga ten seconds. “Hindi ko rin alam. Malay ko naman sa mga ganyan…” sagot niya na parang wala sa mood. Gutom na ata. O pagod. O puyat, gaya ng sinabi niya nung isang araw.

Baka naman masyado nang nakaka-stress ‘yung negosyo niya kaya para siyang laging pagod?

Ewan. Siguro. Sabagay. Sa ganda ng kotse niya at porma niya, hindi na ko magtataka kung maraming account sa banko ang driver ko ngayon.

“Daya. Pano ko naman malalaman kung nanalo na ko, kun’di ka aamin o magsasalita?”

Nangiti siya. Tumingin-tingin sa kaliwang side-mirror sabay overtake. “Kung maka-daya ka parang sure na sure na pagka-panalo mo a?”

Well, hindi ko rin alam ‘yan. “Pano nga lang, hindi ko naman sinabing sure na ko dun…”

Pinatay nya ‘yung radyo. “Okey, i-expound natin ang deal ng mas maliwanag para naman hindi ka malito at magkaintindihan tayo, okey? Para hindi na tayo gano nagtatalo sa mga susunod na week o months. Una, ang goal e kelangan ma-in-love ako in ninety-nine days. Hindi puwedeng one-hundred days. Ninety-nine days, okey?” tumatango lang ako habang nakatingin sa kalsada. Sakto ‘yung pagpapaliwanag niya, nasa skyway na kami. Sinadya ‘yung view na maaliwalas, walang gaanong dumadaan na sasakyan. “Pangalawa, lahat puwede mong gawin, kung ano man ‘yang paraan ng panliligaw mo. Kung kelangan mo ng budget para do’n, tell me…”

“Teka, kasama sa deal ‘yun?” putol ko.

“Ang alin?”

“Yun. ‘Yung ‘pag kelangan ko ng budget…?”

“Yes. Sinabi ko naman sa’yo, lahat ng expenses mo, basta part ng deal e sabihin mo lang.”

“Um, okey…” puta nakaka-demonyo naman ‘tong panliligaw na ‘to! Kakalma ako, kakalma ako! “Okey, carry on. Ano pa?”

“Teka lang…siguro naman hindi aabot ng milyon hihingin mo?”

Halos matawa ako sa tanong niya. “OA a? Ano naman gagawin ko sa milyon?”

“Malay ko. Ikaw nanliligaw ‘di ba?”

“Oo nga, pero hindi naman ako ganun. Wala naman sigurong manliligaw na gagastos ng milyon. Tsaka baka himatayin ako kung magkaron na ko ng milyon. Five-thousand pa lang ata pinaka-malaking nahawakan ko.”

“Anway, so ‘yun. Kung kelangan mo ng budget, sabihin mo lang. You have my number, tawagan mo ko o i-sms. ‘Wag na sa Tinder, hindi naman ako lagi online…”

“Sige, sabi mo e. So ano pa?”

Saglit ulit siya nag-isip. Maya-maya pa nagsalita na rin siya. “Gusto ko sana, everytime na mag-a-aya ako gumala kasama ka. Uulitin ko, bayad ‘yun, so no worries sa expenses. Nga pala, kung nahihirapan ka sa meeting place natin, let’s just say wala kang pamasahe or sobrang male-late ka sa call time, sabihin mo, susunduin na lang kita, and it’s totally fine with me. ‘Wag naman sa sobrang hirap puntahang lugar, baka lalo tayo matagalan. Now, if hindi ka pwede, magsabi ka agad. Hindi ‘yung last minute ka magdadahilan. Naiinis ako sa ganun, lalo pa naka-sched na sa’ken ‘yun. Medyo hectic at tight ang schedule ko so sana makapunta ka. After all, hindi naman buong ninety-nine days ka manliligaw. Its up to you kung paano mo gagawing productive ‘yung ninety-nine days mo…”

Sa way ng pagkaka-deliver niya ng mga rules and regulations ng deal e mukhang seryoso nga siya. Sa totoo lang medyo doubted ako. Madami-dami na ko napanuod na love stories na medyo katulad ng ganto, pero hindi naman exagge. At walang perang involved. Kung meron, hindi naman katulad nito.

“Actually medyo may problema tayo sa mga gala-gala na ‘yan…” medyo seryoso ‘yung tono ng boses ko. “Alam mo naman nagtatrabaho ako, at hindi naman pwedeng lagi ako magpapaalam para um-absent. Oo, bayad nga ‘yun. Ang iniisip ko lang e pano kung hindi na ko payagan? Pano kung tanggalin na ko kasi absent na ko ng absent?”

Hindi siya agad nakapag-react. Tingin ko napaisip din siya sa sinabi ko.

Totoo naman kasi ‘yun. Ayoko naman mag-imbento lagi ng alibi tuwing a-absent ako. Sahod at trabaho ko ang nakasalalay dito. Hindi puwedeng umasa ako sa kung magkano man ang ibabayad niya sa ’kin everytime na may ganto kaming lakad. Wala pa nga akong idea kung magkano allowance ko dito e. Ayoko naman mag-expect ng malaki, kahit sinabi na niyang dodoblehin niya ‘yung bayad niya sa ’kin. Pero sana nga totoo. Malaking bagay din ‘yun.

Binuksan niya ulit ‘yung radyo. “Ikaw na bahala maghanap ng station…” sabi niya.

Mukhang okey naman na ‘yung tugtog (old school na RNB) kaya hindi ko na ginalaw. “Okey na ‘yan. Basta may tugtog…”

Hindi ko alam kung sa’n banda na kami. Ang alam ko lang nasa skyway pa rin kami. Nadaan kami kanina sa SM Bicutan, which is ang alam ko e Paranaque na ‘yun. So hindi ko sure kung nasa Paranaque pa rin kami o nililigaw na niya ko. Balita, unang labas: Manliligaw, niligaw ng nililigawan!

May mga pagkakataon na tinitingnan ko ang mukha niya ng matagal. Parang may mali kasi. Pansin ko lang, parang hindi totoo ‘yung buhok niya. Parang wig. ‘Yung bandang likod ng tenga kasi medyo iba ‘yung kulay kumpara dun sa bandang likod na nakalugay (mas dark ‘yung bandang tenga), na ewan kung style ‘yun o ano. Basta, parang wig talaga. Tapos ‘yung ano, ‘yung nasa mata niya. Eyelashes ba ‘yun? Parang hindi rin totoo. Fake o false, basta ganun.

Isa pa, napansin kong parang…medyo lagpas-lagpas ata lipstick ne’to (though hindi ko naman matitigan ng matagal bibig niya). Basta parang hindi sumakto ‘yung pagkakalagay sa nguso at labi. Parang kinder ‘yung naglagay.

Medyo obvious din na hindi naman talaga tunay na kulay ‘yung mata niya. Contact lens ‘yun for sure, kulay blue. Si Emily kasi nagko-contact lens kaya kabisado ko na kung natural ‘yung kulay o contact lens lang.

Napaisip tuloy ako. Lalong tumitibay ang paniniwala kong baka nga modus lang ‘to. Nag-improved na nga ata mga mukha ng kriminal. Pam-bulag na ‘yung face value.

Pero parang hindi naman. First impression ko sa kanya e mukha naman siyang matino. Edukado. Hindi balahura kausap. May sense. At mukha naman seryoso siya sa pagpapakilala niya. Imposible namang member ng kulto ‘to o alien. O kaya Abu Sayyaf.

Ta***na bahala na nga.

“Gusto mo na bang itigil ‘to?” biglang tanong niya. Medyo naudlot ang curiousity kuno ko.

Saglit akong napaisip. Gusto ko ba?

Ang ganda-ganda ng katabi. May bayad pa. May libre pa kong gala. Ano ang ayaw ko?

Kung ititigil namin ‘to, hindi ko na alam kung ano susunod na mangyayari. For sure, eto na ‘yung huling pagkikita namin. Bakit nga naman siya magsasayang pa ng oras sa’ken? Ayoko naman isiping pwede kaming maging closed friend balang araw. ‘Labo nun, lalo pa magkaiba kami ng lifestyle sa buhay. Busy siya sa negosyo niya, busy din ako sa trabaho ko. Basta, ewan. Somehow parang nakakalungkot din kung ititigil namin agad. Umpisa nga lang e.

“Siyempre ayaw ko naman. Challenge ‘to e, lalo pa na medyo kakaiba ‘yang sakit mo.”

“Wala akong sakit, for your information.”

Medyo natawa ako. “Alam ko. Sabi ko nga ‘di ba, parang ang weird naman ng puso mo. Hindi nagkaka-crush. Hindi pa nai-in-love. Well, considered na siguro ‘yung hindi pa nai-in-love. After all, hindi naman ganun kadali ‘yun. Pero magka-crush? Zero? Putsa ang dami-daming guwapo at malalakas ang sex appeal sa ‘Pinas, wala kang crush kahit isa? ‘Yun ngang kapitbahay naming seven years old may crush ng artista e, ikaw pa kayang nagda-drive na?”

Inayos nito ang pagkakasuot ng cap. Tingin-tingin sa rear view mirror. “Kulit mo din a? E sa hindi nga magka-crush, ano naman? Guguho ba mundo ‘pag wala akong crush? Tsaka bakit big deal na big deal sa’yo ‘yun? Kaya nga tayo may deal ‘di ba?”

Sabagay. Kulit ko din kasi. “Oo na. Yaan mo na nga. Basta ‘yun ‘yung problema ko. Baka hindi lahat ng yakag mo makasama ako. Maiintindihan mo naman siguro ‘yun.”

“Sige lang. Ikaw naman ‘yung tsina-challenge ko e. Nasa sa’yo na ‘yun.”

Hindi na ko nag-react. Wala na din ako isasagot. Nababahala lang talaga ako sa pwedeng mangyari.

Kahit ano puwede mong gawin. Kahit ano. Kahit. Ano.

Medyo confusing.

“Nga pala, dun sa sinabing mong kahit ano. Ano ba term mo sa kahit ano? Baka lang ma-misinterpret ko, mahirap na.”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!