Tinder. Love. And Dare. (Chapter 3)

Nagising ako sa boses galing sa kusina (pader lang ang pagitan ng kwarto ko sa kusina). May kausap si nanay, babae. Hindi ko gaano maintindihan ‘yung usapan nila kaya out of curiousity e bumangon na din ako.

Pucha, mag-aalas siyete pa lang pala. Antok pa ko.

Mas malakas ang boses nung kausap ni nanay. Si nanay na kahit medyo mataray na nakakatakot ang boses e tinalo ng kausap niya. Forty-two pa lang si nanay kaya medyo bata-bata pa ang itsura, maaga kasi nag-asawa. Parang mas bata ‘yung kausap niya kasi maya’t maya din mag-po at opo. Pero wala pa rin akong maintindihan sa tsismisan nila.

So sino nga siya?

Bumangon, tiniklop ang kumot. Kinuha ang dalawang unan saka pinatong sa ibabaw ng maliit na cabinet na plastic. Sinandal sa pader ang Uratex foam. Naghanap ng t-shirt na pambahay (topless kasi ako matulog). Saglit na tumitig sa salamin, humikab, sinuklay ng kamay ang buhok saka dinampot ang cellphone na nasa tabi ng unan. Lowbat, 23%. Mai-charge nga muna. Saglit pa, lumabas na din ako ng kwarto.

“A, gising na pala…” Bungad ni nanay sa ’kin, kasalukuyang nagbabalot ng mga almusal, katulong ang babaeng kausap niya. Late na nga siya, dapat 6:30 nakapuwesto na mga paninda niya. “Yan na si Baste…”

Nakatingin lang ako sa babaeng tantiya ko e nasa bente-singko hanggang bente-siyete na (siyempre papalit-palit din ang tingin ko sa ginagawa nila at sa kanya, baka mapagkamalan akong manyak). Medyo mahaba ang buhok, hindi gaanong maputi, medyo payat at…hmm…maganda rin. Puwede na. Rate ko, mga six-point-five. Puwede ring siyete. Ganda ng hubog ng boobs e. Parang hindi gaano appropriate sa pagkapayat niya. Sa biglang tingin, ‘yun agad ang mapapansin sa kanya. Fitted kasi ‘yung suot niyang t-shirt na puti. Ewan kung natural ‘yun o dala lang ng bra.

Bigla siyang tumayo at yumakap sa’ken, “Ano ‘tol? Ang laki mo na a?” masayang intro niya sa’ken. Napayakap na din ako kahit medyo na-conscious sa hininga. Wala pang mumog e.

Kunot ang noo ko habang nakangiti. Napatingin ako kay nanay.

“Si Ate Yumi mo ‘yan, pinsan mo…” sabi ni nanay. Nagkatinginan din sila ni ‘Ate Yumi’. Saglit pa, may kinuha si Ate Yumi-ng malaking paper bag saka inabot sa ’kin.

“Pasalubong ko. Sana kasya…” sabi niya. Lalong kumunot ang noo ko habang sinisilip ang laman ng paper bag: dalawang t-shirt, hula ko. Wala pang kape sa sikmura ko pero nagising na agad ang diwa ko. May pinsan akong hindi ko naman gano ka-close, pinasalubungan pa ko.

“Hindi mo na siya matatandaan. Anak siya ng kapatid ng tatay mo, si tito Gabo…” si nanay habang ako naman nagtitimpla ng kape. “Sa Mindoro sila nakatira, pero dito na siya titira muna pansamantala. Nakakuha ng trabaho dito kelan lang. Medyo malapit daw opisina nila dito kaya dito ko na pinatuloy, habang wala pang nahahanap na uupahan…”

Gumulo lalo utak ko sa sinabi ni nanay. Ang totoo niyan, wala din naman ako matandaan kung sino si tito Gabo. Sa side ng tatay ko, wala akong gaanong alam at kakilala. Ngayon ko lang nalaman na may pinsan pala akong taga-Mindoro.

At dito siya titira? San siya pupuwesto?

Iisa lang ang kwarto dito sa inuupahan namin (na parang isang malaking kwarto lang din). Sa sala natutulog si nanay, naglalatag lang ng folding bed. Pader din ang pagitan ng kwarto ko at ng sala kaya paglabas ng kwarto nasa kaliwa ang sala, nasa kanan naman ang kusina, kaya dinig na dinig ko kung gising na si nanay sa madaling-araw. Maliit lang din ang kwarto ko, saktong pang-isang tao lang. ‘Yung kisame nga nun abot ko na isang talon ko lang. Nasa labas ng kwarto ang CR, centralized. Kaya natutunan ko na magpigil ng ebak minsan, lalo na kung paglabas mo e may tao sa banyo. Buti nga ngayon wala kaming kaagaw sa CR, ‘di na ganun ka-hassle maligo at umebak.

Tatlong floor ang apartment. Nasa second floor kami, na may dalawang kwarto. Nabakante na ‘yung katabi naming kwarto last-last week lang (pulis ‘yung dating nangungupahan). Sa third floor meron din dalawang kwarto: ‘yung isa kwarto sa may-ari (dalawang matanda), ‘yung isa naman inuupahan ng dalawang magkapatid na lalake na nagtatrabaho daw sa Ayala (kwento nung may-ari).

Sa first floor ‘yung tindahan-ala-bakery ng may-ari. Minsan dun ako lumulusot kapag naka-lock na ‘yung pinto sa baba. Maaga kasi nila-lock ‘yun, alas-nuwebe pa lang ata. Old-school din kasi ‘yung mga may-ari. E minsan late ako nakakauwi lalo na ‘pag maraming pinapatapos si Kuya Doms. Ayaw ko naman istorbohin si nanay para lang buksan ‘yung pinto kaya sa tindahan na lang ako lumulusot, na badtrip din minsan kasi andun ‘yung aso. Medyo malayo naman ‘yung pagkakatali ng aso, pero badtrip pa rin kasi tahol ng tahol kahit kilala naman ako. Magpa-five years na kami nakatira dito pero tamang hinala pa din ‘yung aso.

Sa tapat-slash-katabi lang ng tindahan ng may-ari nagtitinda si nanay. Meron lang siyang mahabang mesa dun kung saan naka-display ang mga paninda. Bago mag-alas nuwebe, ubos na paninda ni nanay. Minsan maaga pa ubos na. Saka naman siya magluluto ng mga ulam at kanin sa tanghali. Dire-diretso na ‘yun hanggang hapon, merienda naman. Maswerteng nauubos din naman ‘yung mga paninda ni nanay, daanan din kasi ng tao. May malapit na school at tabi-tabing bedspace at apartment ang puwesto namin kaya marami ng parukyano si nanay.

Sa tagal namin dito, hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung magkano upa namin. Seryoso. Tinatanong ko nga kay nanay ‘yun, basta lang sagot niya. Hindi ko tuloy mahulaan kung may budget pa ba si nanay o kinakapos na siya. So far wala namang nasasabi o nakukwento si nanay na hindi pa kami nakakapagbayad ng upa. Well, ‘yun ang pagkakaalam ko. Wala pa kaming isyu dito tungkol sa upa. Inisip ko na lang na baka understanding ‘yung may ari. Buti na lang.

“San siya sa pupuwesto?” tanong ko. Tinikman ko ang kape: matabang. Naglagay ulit ako ng kalahating kutsarita. Okey na.

“Tabi kami. Hindi naman pwede magkasama kayo sa kwarto. Hindi rin kayo kasya,” sagot ni nanay habang binibilang ang mga paninda niya. Nilingon nito ang orasan: fifteen minutes bago mag-alas-siyete.

“Lintik na mag-a-alas siyete na pala!”. Inilipat na nito sa malaking bayong ‘yung ibang paninda (palabok at sopas). Automatic namang bumilis ang pagbabalot ni Ate Yumi na parang nataranta na rin.

Nasilip ko ang mesa. Katabi ng mga paninda ni nanay, may isang malaking supot ng pandesal. Katabi nun ang maling. Swerte. Umupo na rin ako agad. Inalok naman sa’ken ni Ate Yumi ‘yung pandesal tsaka bahagyang nilapit sa ’kin ‘yung mangkok na may maling.

“Wala kang pasok?” unang tanong ko sa pinsan ko. Dumampot na ko ng pandesal saka pinalamanan ng kinalahating hiwa ng maling.

“Sa Lunes pa talaga pasok ko. Magpapasa pa lang ako ng requirements at medical bukas, tapos diretso hanap ng bedspace. Ikaw?”

“Maya-maya pa, alas-diyes. San trabaho mo?”

“Diyan lang, malapit sa Ayala…”

“A okey. Malapit lang din pala. Anong trabaho?”

“Bale sa marketing ako. Layout artist.”

Gulat ako. So artist din pala si ate. “Artist ka din pala e. Ako artist-artist-an din. Sa printing shop.”

“Graphic artist? Astig kaya ‘yun. Halos pareho lang din ‘yun ng layout artist.”

“Medyo. Pangalan lang ‘yung astig. ‘Yung sahod hindi.”

“Mababa?”

“Um, pwede na. Okey lang, ‘di naman ako graduate e.”

“Nasabi nga ni…tita.” Napatingin siya kay nanay na kasalukuyan pa ding naglilipat ng paninda sa bayong.

“Pareho kayo niyan ng pinsan mo. Magagaling din ang kamay. ‘Yung tatay mo lang ang hindi gaano nahilig diyan pero marunong din. Namana niya sa lolo niyo…” singit ni nanay.

“For sure malaki sahod mo. Marketing e…” sabi ko. Pangalawang pandesal na.

“Hindi rin. Sakto lang. Nasa basic e. Pero mas malaki compare dun sa dati kong trabaho sa…sa Mindoro.”

“Sabagay. Provincial rate e.”

“Oo nga. Kaya mas okey na din. Eight hours lang pasok ko.”

“Dun ba sa dating mong trabaho ilang oras pasok mo?”

“Minsan dose oras. Opening hanggang closing. Pareho tayo, graphic artist din ako dun. Kaso lumipat sila ng pwesto, kaya umalis na din ako.”

“Buti nakakuha ka agad ng trabaho dito?”

“Ewan ko din nga e. Swerte lang siguro…”

“Anong dini-design niyo?”

“Magazine. Libro. Parang publishing company ‘yung kumpanya e.”

Hindi na ko kumibo. Nainggit ako. Buti pa siya sa legit na office nagde-design. Pangarap ko din ‘yun e. E kaso nga, undergrad.

Humigop-higop na din ako ng kape saka tinulungan magbaba ng paninda si nanay pagkatayo nito. Naiwan si Ate Yumi na naghuhugas ng mga pinaglutuan. Iniwan ko na din agad si nanay ng maipwesto na naman ang mga paninda, na agad namang dinumog ng mga suki ni nanay. Mga abangers na din pala.

‘Di naman sa pagyayabang, pero masarap magluto nanay ko. The best lalo na ‘yung bihon. ‘Yun agad ang nauubos sa kanya. Kaso alternate ang tinda niya ‘nun. Katwiran niya, para daw hindi agad manawa mga suki niya kaya paiba-iba ‘yung menu niya. Nga naman.

Naabutan ko pang naghuhugas si Ate Yumi. Lumabas ako ulit para magbanyo. Nakalimutan ko nang naiihi ako kanina sa kwentuhan namin. Pagkabalik, niresbakan ko ‘yung pandesal at kape. Samantalahin ang masarap na almusal.

Medyo matangkad din pala si Ate Yumi. Tingin ko magkasing-tangkad kami. Pero for sure mas matanda siya sa ’kin. Naglilitawan na rin mga eyebags niya.

Kala ko nga mataray siya. Okey din pala kausap. In fairness din naman sa kanya, pareho kami ng talent. Sabagay, nasa lahi nga daw namin. ‘Yun nga lang, mukhang mas talented siya. Sa office siya e. Hindi pa ko ganun ka-confident sa skill ko kaya natatakot pa ko mag-apply.

Makapag-check muna nga ng cellphone.

Bitbit ang kape, pumasok ako sa kwarto tsaka sinilip ang cellphone. 37% pa lang. Sabagay maaga pa naman. Binunot ko ang charger saka ako lumabas ng kwarto. Sa sala ko sinaksak ang charger saka ako sumalampak sa sahig at nagbukas ng mobile data, diretso sa facebook. Naalala ko si Kaeley. Lipat sa tinder. Wala namang notif sa FB kaya sisilip ako saglit, baka nag-message na si Kaeley.

Wala. Walang message. Sad life.

Naalala ko na naman ‘yung deal namin. Kakaiba. Lupet. Dun nga ako napuyat kakaisip nun. Puta naman kasi, sa dami ng puwedeng ka-deal e ‘yung chicks pa na nakakatunaw ang mukha. Ang ganda niya talaga. Kung pwede nga lang maging totoo ‘yung deal, puta hinding-hindi ako aayaw. Mamatay man ako.

Ihahatid nga niya ako dapat nung pauwi na kami kaso tumanggi na ko. Hindi naman siya nagpilit. Sinabi na lang niya na bantayan ko daw ‘yung Tinder at anytime e magme-message daw siya. E wala naman message, nu kaya yun?

Ninety-nine days. Putsa pano ko naman gagawin ‘yun?

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!