Tinder. Love. And Dare (Chapter 2)

Dumiretso kami sa Max’s sa 3rd floor. Sinundan ko na lang siya hanggang makababa kami ng escalator. Hindi na ko nag-comment. Walang kahit anong reklamo. Paulit-ulit ume-echo sa tenga ko na treat naman niya kaya hayaan na lang siya sa gusto niya. 

Medyo punuan sa loob pero nakakita din naman kami agad ng puwesto. In-assist namin kami ng receptionist papasok sa loob, banda sa gilid sa may pader na salamin. Sa bandang pader ako umupo, nasa kanan ko naman siya. Kung magkalapit ang drinks namin mamaya, mataas ang porsiyentong mahawakan o madaplisan ko ng bahagya ‘yung kamay niya sa liit ng pwesto namin. Pang-two person lang talaga ‘yung mesa. Pagkaupo, inabot sa’min ang menu, pero hindi ko naman tiningnan. Hinayaan ko si Kaeley tumingin-tingin ng oorderin. Ako, nag-check na lang ng facebook. May message si Emily. Nangangamusta. ‘Di ko muna ni-reply-an.

Maya’t maya ko rin sinisilip ang itsura ni Kaeley. Maganda talaga siya. Kumbaga e, jackpot ako. Sino ba naman kasi mag-a-akalang artistahin pala sa personal etong ka-eyeball ko ngayon? Worth it ‘yung paalam ko kay kuya Doms. Not bad.

Ang nakaka-ano lang sa kanya e para bang tinatago niya ‘yung mukha niya sa porma niya. Parang hirap siya makakita kasi ‘yung kalahati ng mukha niya e nahaharangan ng bangs. Tapos naka-cap pa. Weird. ‘Di tuloy maalis sa’ken mag-isip ng hindi maganda. Parang gusto ko na tuloy maniwala sa kasabihang ‘wag basta-basta magtitiwala sa mga magagandang babaeng hindi mo naman kilala, na bigla na lang magkaka-interes sa’yo.

Nagugutom na ko na kinakabahan. Panay nga lingon ko kung saan-saan. Tinitingnan ko kung may mga kasabwat ba siya na dudukot sa’ken mamaya. ‘Yung mga nakatayo nga sa labas tinitingnan ko kung pinag-aaralan na nila kilos ko o ano. Para alam ko mamaya kung saan ako tatakbo at kung sino ang iiwasan.

O baka naman napapraning lang talaga ako kasi hindi ko matanggap na may ka-date akong chicks ngayon?

Hanep. Date. Big word.

Bahala na nga.

“Pili ka na ng oorderin mo. Kahit ano…” sabi niya ng hindi naaalis ang tingin sa menu. Pansamantalang naistorbo ang muni-muni ko. “Wag ka mag-alala seryoso akong treat ko. Kaya pumili ka na.”

“Ikaw na umorder para sa’ken…”

“Hindi pwedeng ako. Ikaw dapat dahil ikaw ang kakain.” Nakatitig pa din sa menu.

“Ako nga pero ikaw magbabayad. Mamaya n’yan pag-order…”

“Oorder ka ng sa’yo o hindi? Kelangan madaming side comment? Hindi ka marunong pumili?” mataray na ‘yung boses niya. This time nakatingin na siya sa’ken. Nakataas ang kilay, medyo naka-extend ang nguso.

Kakatakot, wooo.

Hindi na ko nagsalita. Dinampot ko na lang ‘yung menu. Mabilis na pumili. Siyempre, hindi naman ganun ka-kapal ang mukha ko kaya hindi tayo oorder ng masyadong mahal. ‘Yung medyo mahal lang.

Natameme ako dun a? Speechless ako a? Taas ng level ng katarayan ni ate.

“Palabok lang sa’ken. Tapos iced tea…” gusto ko sana nung halo-halo pero ‘wag na lang. Isipin pa nito abusado ako.

“Yun lang?”

Tango lang sagot ko.

“Dinner na tapos palabok lang? Akala ko ba nagugutom ka na?”

“O bakit? Bawal ba ang palabok sa dinner?”

“Sinabi ko ba? Bakit hindi ka mag-rice?”

“E sabi mo pumili ako. Ayan, nakapili na ko…”

Napailing siya. “Fine. Ako oorder ng sa’yo.”

Edi wow. Kulit mo e.

Sinenyasan na nito ang service crew na agad din naman lumapit. Maganda din si ate Charlene (nabasa ko lang sa name tag niya), pero siyempre mas maganda ‘yung kasama ko ngayon. Maya-maya pa umorder na rin si Kaeley, na sa pagkakarinig ko e pang-tatlong tao ‘yun kakain sa dami ng inorder niya. Saglit pa, nagpaalam na din si ate Charlene pagkatapos nitong ulitin ang inorder ni Kaeley.

“Siguro naman kumakain ka ng gulay?” tanong niya. Ipinatong nito ang dalawang siko sa mesa habang nakahawak sa magkabilang pisngi.

“Oo naman. Mukha ba kong choosy?”

“Malay ko. Marami akong kilalang hindi kumakain ng gulay.”

“Well hindi ako kasama sa mga hindi kumakain ng gulay, at hindi rin ako kasama sa mga kilala mo.”

“Yeah right. Whatever…”

Dead air. Awkward. Kahit inaabala ko ang sarili ko sa facebook, na kay Kaeley naman ang utak ko. Kunwari nagi-scroll-scroll ako, pero ang totoo hindi ko naman iniintindi ‘yung nakikita ko sa cellphone.

Ganun pa din ang posisyon ni Kaeley, pero this time nakapikit na siya. Inaantok na ata. O nanlalambot na sa gutom.

“Okey ka lang?” tanong ko.

Napadilat siya. Inalis ang pagkakahawak sa pisngi saka nilaro-laro ang katabing kutsara. “Antok. Pagod. Puyat. Gutom. So hindi ako okey.”

“Napuyat san?”

“Wala. Yaan mo na ‘yun. Anyway, taga-saan ka?”

“Makati…”

“Malaki ang Makati. San dun?”

“Bakit? Dadalawin mo ba ko?”

“Pag tinanong kung san dadalawin agad? Hindi ba pwedeng gusto ko lang malaman?”

“Bakit mo gusto malaman?

“Anong masama kung gusto ko malaman?”

Aba? Talagang hindi papatalo a? Sige. “Wag mo na lang alamin. Basta sa Makati, tapos.”

“Edi sige. Tinatanong lang e.”

“E ikaw? Taga-saan?”

“Bakit mo tinatanong?”

“Binalik ko lang ‘yung tanong mo. Bawal?”

“Hindi…”

“Hindi pala e.”

“Bulacan ako.”

“O? Layo mo pala. Dun ka pa galing?”

“Hindi. Sa condo ako galing.”

Big time. Condo. Ang lupet ng package deal ng chicks na ‘to. Mayaman na nga, maganda pa. E ‘tanginang ‘yan kung ganyan-ganyan din lang e okey nang masupalpal ng katarayan niya. “San ‘yung condo mo?”

“Sa Sucat.”

“A okey. Kasama mo parents mo?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!