Tinder. Love. And Dare. (Chapter 17)

KUHA SA ISANG AMATEUR VIDEO ang tila’y pagbabakasyon sa Puerto Galera ni KC Fabella kasama ang hindi pa nakikilalang binatilyo kanina lamang tanghali. Ang dating controversial na phenomenal child star na gumanap bilang si Angelica ng “Little Angel of Manila” na bigla na lamang nawala sa mundo ng showbiz matapos ang isang aksidente, ay muling nagbalik sa nakaraang hit na teleseryeng “Someone I’ve Met” at “Love Equals Love” kasama ang isa pang controversial na dating ka-love team na si Trey Manalac last year.  Pero dahil na rin sa animo’y personal na problema, muling iniwan ni KC ang showbiz na hanggang sa ngayon ay wala pa ring malinaw na dahilan…”

 

‘Yung video kuha nung kumain kami kanina sa dining area pati ‘yung tumatakbo kami papunta ng bangka. Online namin pinanuod ‘yung balita sa cellphone ni Kaeley, pinilit ko kasing mapanuod kung totoo ngang nasa balita ako. Ayaw ko pa sanang maniwala kasi baka pinagti-tripan lang ako ni ermats, pero natameme ako habang pinapanuod ko ‘yung video. Hindi ko pansin na may mga ‘paparazzi’ na palang sumusunod sa’min kanina sa Puerto. Nakakahiya ‘yung itsura ko sa video, parang adik na manyak na nanghahabol ng chicks.

 

“So, artista ka pala…” ‘yun agad nasabi ko pagkatapos itago ni Kaeley ‘yung cp niya (nasa tabi siya ng driver seat, nasa likod naman ako). Hindi siya kumikibo magmula pa kanina. Nag-park kami saglit dito sa gasoline station sa may SLEX para mananghalian. Nag-takeout lang kami sa Chowking, ayaw na din kasi lumabas ni Kaeley. Si kuyang driver pinaalis saglit ni Kaeley. Ayun, nagyosi break muna ata sa kung saan.

“Kaya pala kung makaiwas ka sa mga tao e para kang aswang. Akalain mo nga naman, isa palang sikat na artista ang nililigawan ko? Sabagay, hindi kasi ako mahilig manuod ng tv. Hindi updated sa mga tele-teleserye. Kaya siguro hindi kita na-recognize. Pero ang lupit ng mga fans mo a? Nakilala ka pa rin kahit tinago-tago mo na ‘yang mukha mo…”

Walang ano-ano, tinanggal ni Kaeley ‘yung cap niya, kasunod ang wig. Tapos may dinukot siya sa bag, lalagyanan ata ng contact lens. Pagtapos magtanggal ng contact lens, kumuha siya ng wipes at mabilis na tinanggal lahat ng make-up sa mukha. “Eto ang tunay na mukha ng KC Fabella,” sabay tingin niya sa’ken. May ilang segundo kaming nagka-tinginan bago niya binawi ang mga mata niya. Ilang segundo din akong na-pipi. Natulala. Na-shocked.

King ina, mas lalo siyang gumanda!

Tama nga ako. Wig lang ‘yung buhok niya. Halos hanggang batok lang ‘yung haba ng buhok, tinago gamit ‘yung hair pin. Bilugang chinita ang mata. Mas maganda ang totoong version ngayon.

Hindi ko alam kung paano ako magre-react sa nakikita ko. Ngayon alam ko na kung bakit halos habulin na kami kanina ng mga fans niya. Putsa sa ganda e, parang mapapasali ka talaga sa fans club niya!

“W-wig p-pala ‘yan. S-sabagay medyo nahalata ko na ‘yun n-nung isang b-beses. Malay ko namang…”

“I’m sorry…”

Sorry, saan? “Bakit ka nag-so-sorry?”

“Kasi nadamay ka na sa kalokohan ko,”

“Alin ba ang kalokohan dito?”

“Etong pagtatago ko,”

“O tapos?”

“Basta,”

Napahawak ako sa headrest saka sinandal ang ulo, “So, KC pala ang name mo. Alin ba mas komportableng itawag ko sa’yo, KC o Kaeley?”

“Bahala ka,”

“Okey. Bahala ako. So, KC…”

“Don’t call me that name, please…”

“Akala ko ba…”

“Just don’t,” mabilis niyang sinabi. Iritado na naman mukha niya. After ng dalawang mahabang buntong-hininga, nagsalita siya ulit sa malumanay na boses. “I know I lied to you a few times. And I’m so sorry. There’s…there’s something I can’t explain for now, pero I hope na sana, maintindihan mo din ako…sana…”

“Maiintindihan kita kung sisimulan mo ng mag-kwento. So tell me, nanawa ka na ba sa pagiging sikat kaya tumigil ka sa pag-a-artista?”

Umiling siya.

“Ano lang? Hindi ka na masaya sa pag-a-artista?”

Iling ulit.

“Mababa na talent fee?”

“Hindi ako nalaos, FYI. Napanuod mo naman ‘di ba? Biglang nawala because of personal problem…”

“Yabang a? So ano lang? Ano ‘yung personal problem? Na-depress? Na-stress? Na-bored? Tinamad na sa mga shooting-shooting?”

Sunod-sunod na mabagal na iling lang sagot niya. Sinandal na din niya ulo niya sa headrest. Pinag-laruan ‘yung bintana, tinaas-baba.

“Hm, pa-suspense ka din a? Sige. So…sasabihin mo ba sa’ken ‘yung reason o maghapon ka na lang iiling dito?”

Napahimas siya sa noo. Hindi ko alam kung self-service massage ‘yun o pan-tanggal stress sa kakulitan ko. Pero wala akong pake. Para sa’n pa ‘yung sorry niya ‘di ba? It means lang na guilty siya, may kasalanan siya at may rights ako para malaman ang totoo. Buti nga hindi ako nag-hysterical kahit lumabas ako sa tv ng hindi ko alam e. Aba, kahit dakilang slap-soil ako hindi ako dapat basta-basta naba-balita! Tapos showbiz pa? E kaso wala e, may mga nagkalat na fans si KC, este, Kaeley. Kaya for sure pinu-putakte na messenger ko sa ngayon ng mga classmate ko nun. Ba’t ako nasa tv at may kasamang artista. 

Shit. Ang sakit sa puso. Naalala ko na naman ang mala-alamat kong cp.

Ano kaya reaction ni Emily?

Paktay din ako kay ermats. Kanina lang parang gusto na niyang manabunot sa cp. Buti wala ako sa tabi niya. Parang ayaw ko tuloy umuwi. For sure ra-ratratin ako ng sermon nun. Nag-sinungaling pa ko.

“Actually…” kumibo na si Kaeley. “Sinabi ko na ‘yung reason sa’yo last time. Hindi lang ako sure kung naaalala mo pa. ‘Di ba nga, sabi ko halos every night kong mapanaginipan ‘yung nag-save sa’ken ever since I turn 16? But before pa naman ako mag-sixteen halos every week ko napapaninigipan ‘yun. Lately naging parusa na siya sa’ken gabi-gabi or every time na makakatulog ako, na halos hindi na nga ako makapag-focus minsan kakaisip dun kaya nag-decide akong umalis. Same scene. Same person. Paulit-ulit nagpe-play sa panaginip ko. ‘Yung mga scene na muntik ako mahulog sa bangin. Naririnig ko din sarili kong boses na umiiyak. Nakakabingi. Nakakatakot. Nakakaawa at sobrang guilty ako…” nag-iba siya ng posisyon ng upo. Sa kaliwang side naman, medyo nakaharap sa’ken, pero hindi rekta sa mukha ko siya nakatingin. “Alam mo ba, I give up every thing. May mga endorsements at upcoming movie ako na tinanggihan nung nagsabi ako sa manager ko na kailangan ko magpahinga. Not one month, not 3 months, not 6 months. I want to spend my whole year searching for that guy. Nothing else. Kahit maubos lahat ng pera ko sa bangko, I don’t care. I just want some peace of mind. ‘Yung wala na kong inaalala. ‘Yung makakatulog na ko ng buo.”

Saglit siyang natigil. Nakakarinig na ko ng mahihinang hikbi at singhot. Nagsisimula na rin mangatal ‘yung boses niya.

“Ikaw na rin nagsabi, ‘di ba, na baka nga abnormal ako. Maybe its because that guy put me in a curse na hanggang ngayon pinaparusahan ako. And I guess I deserve it. Kasi…dapat…dapat…ako ‘yung nahulog. Dapat ako…” sunod-sunod na ‘yung hikbi at singhot niya. Kumuha na siya ng tissue sa bag niya saka sunod-sunod nagpahid.

“Baka nga dahil sa kanya kaya naging sarado puso mo,”

“I-i don’t know. Maybe…”

Wala akong nasabi. Nasasaktan ako sa mga naririnig kong singhot at hikbi. Gusto ko sanang punasan ‘yung mga luha niya, kaso baka bigla naman niyang isaksak sa bunganga ko ‘yung buong karton ng tissue.

“Akala niyo ba ganun kadali maging artista? Akala niyo ba sobrang saya namin ‘pag pinapalakpakan kami or madaming sumisigaw sa’min? Na wala na kaming pino-problema kasi marami kaming pera at sikat kami? Alam mo ba kung gaano kahirap sa’ken um-acting hanggang sa likod ng camera ‘wag lang akong ma-issue na baka nababaliw na ko sa stress at depress kaya minsan hirap ako i-approach mga fans ko? You don’t know how much I love to take some good rest just to forget every thing temporarily. I have to hide my inner self just to show them na okey ako. OKEY AKO, kahit hindi. I can give up every thing. Every thing. Matapos lang ‘tong paghihirap ko,” punas ulit luha. Singhot. Singhot. Hikbi. “Akala ko nung bumalik ako sa pag-a-artista, makakalimutan ko na ‘yun. Akala ko ‘pag marami ng pumalibot sa’keng tao, magiging masaya na ko. Pero hindi. Ganun pa din. Nabawasan lang. Minsan pinipili ko na mag-shoot kahit madaling-araw ‘wag lang ako makatulog. Kasi natatakot ako matulog. Baka paggising ko umiiyak na naman ako…”

Ayun na. Naiyak na nga siya. Tinakpan na ng dalawang kamay niya ang mukha niya.

Anong gagawin ko? Ang awkward naman ng eksena namin. Hindi naman ako artista e. Direk, ano script ko? 

Bahala na.

Kumuha ako ng tissue, tatlong piraso. Tapos hinawakan ko ‘yung dalawang kamay niya, dahan-dahan kong binaba. Hindi naman siya pumalag. Eto putsa walang talk-shit, kahit umiiyak siya maganda pa rin siya. ‘Yung iba kasi ‘pag umiyak na parang mas okey ng ‘wag ng ipakita mukha nila sa camera. Ayun, so pinunasan ko mga luha niya sa kaliwang pisngi. ‘Yung luhang nasa kanan naharang ko agad bago pa mapunta sa labi niya.

Bumalik na rin ako sa pagkakaupo ko after ko mapunasan ‘yung ibang luha. Hindi naman natigil e, lumuluha pa rin siya. Hindi naman puwedeng lahat punasan ko, parang timang naman ako nun. Siguro sapat na ‘yung naging reaction ko as a sign of gentleman at simpatiya. Medyo nakaramdam na kasi ako ng pagka-weird, baka may mga hidden cam kasi dito sa kotse, ma-Wow Mali pa ko.

“Tama na drama. I hate this. Ayoko ng umiyak. Tama na. Gusto ko na ng good vibes,”

“So ano, mag-i-inom na naman tayo?”

“Seryoso ka sa tanong na ‘yan? AT IKAW pa talaga nagtanong niyan a? Samantalang kanina lang para kang comatose sa kama sa hangover,”

“Hindi naman, ‘to naman. Joke lang e, ‘di na mabiro.” Supalpal na naman si Daquila!

“Okey, okey…” Huminga siya ng malalim, dalawang beses. ‘Yung parang nagyo-yoga. “Before we go home, bibili tayo ng cp mo. Please, don’t say no. Kelangan mo ‘yun, at kelangan natin ‘yun for communication. By next week ‘wag mo kalimutan. We’re going to Sagada…”

“Seryoso ka? After nating ma-balita gagala ka pa rin kasama ako?”

“So…?”

“Paano kung may mga paparazzi ka na naman dun?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!