Tinder. Love. And Dare. (Chapter 16)

NAHIHILO AKO. May kung anong laman sa sikmura ko ang gustong kumawala.

Putsa, nasusuka ako.

Hindi na ko nagdalawang-isip pa. Biglang-bangon ako sa kama, diretso ng banyo, diretso sa inidoro. Suka. Mahaba. Daming lumabas. Magmula sa beer, fries at instant mami kanina. Lahat sila dineposito ko sa inidoro. Tatlong magkakasunod na suka. Maluha-luha ako, naramdaman ko pa ‘yung lumabas sa ilong ko. Ang hapdi.

May ilang minuto muna ako tumunganga sa harap ng inidoro bago ako nag-decide na mag-flush saka naghilamos. Baka kasi may pahabol pa. Pulang-pula ang mukha ko sa pagkalasing. ‘Yung dalawang mata ko parang nagpapa-cute na manyak. Basag ako sa beer, ‘nyeta.

Ayoko ng ganto. Matutulog ako ulit.

Anong oras na ba?

Madilim pa kaya sigurado akong madaling-araw pa lang. Kinapa-kapa ko ‘yung cp sa ilalim ng unan: wala. Kinapa ko sa katabing unan, wala din. Kinapa ko sa bulsa, tinaas ang kumot, sinilip ang coffee table, ang upuan, tumayo at bumalik sa banyo: WALA. Biglang nagkaron ng cloud 9 sa utak ko. Nakaramdam na ko ng panic.

Asan ang cellphone ko?!

Nangibabaw na ang panic. Naghalo na ang pawis ng nerbiyos at pawis ng alak. Binuksan ko ang ilaw, baka dinadaya lang ako ng mata ko. Kahit gegewang-gewang ako pinilit ko sarili kong kumilos. Nagpaikot-ikot ako sa buong kuwarto, ginalugad ang lahat ng sulok, tinaas-baba ang mga unan at kumot, sinilip ang ilalim ng kama, ang buong banyo, ang cabinet…wala talaga.

Nawawala ang cellphone ko.

Shit. Sa’n ko nilagay?!

Tangina ayoko ng ganto a? Wala pa kong budget para dun. Bigay na nga lang sa’ken ni Emily ‘yun, nawala ko pa. For sure aawayin ako nun. Niregalo niya sa’ken ‘yun nung first anniversary namin. Wala kasi akong cellphone kaya binilhan niya ko.

Hindi naman sa natatakot ako na baka awayin niya ko (wala naman na kami), pero ‘yung takot na mawalan ng cellphone??? Putang ina, ayoko! Mawawalan na kami ng communication ni Kaeley. Pano na ‘yung mga susunod na lakad? Pano na ang ‘road to one-hundred-thousand’ money? Paano ko pa itutuloy ang panliligaw ko sa kanya? At higit sa lahat, pano na kami ni Kaeley?

Gago, paano na daw kami. Ulul.

Focus. Focus. Baka na-misplaced lang.

Umupo ako saglit sa kanto ng kama. Inalala ko ang mga nangyari kagabi. Mag-a-alas-onse na kami bumalik ng hotel pagkakain. Kung saan-saan pa kami naghanap ng mamihan, bagsak din pala namin instant noodles. Hindi ko nga naubos ‘yung sa’ken sa pagkalasing. Parang susuka na ko. Dinamayan ko na lang talaga si Kaeley sa gutom. Tapos nun sabay kami bumalik ng hotel. Tapos, wala na kong matandaan. Ang alam ko lang nakabalik ako dito nang lagpak agad ang katawan sa pagka-senglot. Hindi ko na matandaan kung nagpaalam pa ko sa kanya o nagdaldalan pa kami. Basta, natatandaan ko hawak ko pa ‘yun nung kumain kami ng mami. Oo, tama! Hawak-hawak ko pa ‘yun kasi naghahanap ako ng signal. May titingnan kasi kaming lugar pagpunta namin ng Sagada kaso mabagal ‘yung data. Kinuwento ko rin sa kanya na bigay ni Emily sa’ken ‘yun. Sabi niya, bakit hindi pa daw ako bumili ng bago tutal wala na kami. Maaalala ko lang daw ‘yung mga memories namin. Buwisit nga e, nilait pa. Kesyo lumang model na daw tsaka panget ng camera. And speaking of camera, may mga selfie pala kami dun habang kumakain. Puta, mas lalong hindi puwedeng mawala ‘yun! Andun lahat ng contacts ko, tapos may picture pa kami ni Kaeley! Punyetaaa!

H’wag mag-panic. Huwag. Mag-panic.

Isip-isip. Balikan ang mga eksena kagabi. Alog-alog utak. Pagtapos kumain, diretso ng kuwarto. Tapos higa. ‘Yun lang. So, sa’n ko nilapag?

Tan***a wala akong maalala. Lahat ng puwede kong pagpatungan at pagtaguan nun, ginalugad ko na. Lasing na nga yata ako kagabi kaya hindi ko na maalala kung may ginawa o pinuntahan pa kami ni Kaeley kaya hindi ko na makita cp ko. Nawawala ang cp ko, at hindi ko matandaan kung saan ko nilagay, punyeta.

Hindi kaya, tinago ni Kaeley? Or pwede ring nalaglag sa labas nang hindi ko napansin? Pero malabo ‘yun e. Hindi naman ako tuma-tumbling habang naglalakad. NEVER pa nawala sa bulsa ko ‘yun. Except kagabi. Lasing. Basag. Walang maalala. Baka nga nalaglag. Putsa.

Nahihilo talaga ako. Tulog muna nga ulit. Mamaya na lang.

*              *              *

Nagising ako sa malalakas na katok sa pinto. Sunod-sunod. ‘Kala ko panaginip lang, totoo na pala. Biglang-tayo ako at dun ko naramdaman ang sobrang bigat ng ulo. Eto na yata ‘yung hang-over. Wasak ako, putsa!

“Anyare sa ’yo?” bungad ni Kaeley pagkabukas ko ng pinto. Nakapagpalit na ng damit. Mukhang nakaligo na rin. Ang bango e, amoy shampoo. Nakasampay sa ibabaw ng cap ‘yung shades. Nahiya tuloy ako sa morning breath ko. Ka-lalake kong tao ako pa ‘yung late nagising.

“Kakagising ko lang…” medyo tinakpan ko ‘yung bibig ko (hindi naman obvious). Tinabig niya ko papasok sa kuwarto saka siya pumasok. Papikit-pikit pa ko habang sinasara ang pinto. Ganto pala ang hang-over, parang bina-barena ‘yung utak ko. ‘Yung panlasa ko para akong nilalagnat na ewan.

“Hangover?” tanong niya ng mapansin niyang hawak-hawak ko ang ulo ko pagkahiga. Tumango lang ako. Nasa paanan siya nakaupo.

“Kaya mo ba? Sayang ‘yung araw o, yayayain pa naman sana kita maglakad-lakad. Nagugutom na din ako.”

Napatingin ako sa bintana. Saka ko lang napansin na maliwanag na. Feeling ko dalawang oras pa lang ako nakakatulog.

“Anong oras na ba?” tanong ko. Tinatamad na ko dukutin ‘yung cp sa ilalim ng unan.

Cellphone! Oo nga pala.

“Am…quarter to nine.” Sa cp niya siya tumingin. “Before twelve check-out na tayo. 12:30 ‘yung ferry boat natin,”

“Nawawala cp ko…” sabi ko ng hindi siya tinitignan. “Nagising ako kaninang madaling-araw. Tapos nung hinanap ko wala na.”

“Panong nawawala?”

“Nawawala. As in hindi ko makita.”

“Hindi mo maalala kung sa’n mo nilagay?”

Umiling ako. “Ang alam ko lang hawak ko pa ‘yun nung kumakain tayo. Nag-selfie pa nga tayo ‘di ba?” tumango siya. “Tapos pagkabalik dito wala na ko matandaan. Plakda na ko e,”

“Mukha nga. Kung ano-ano na pinagsasabi mo kagabi e.”

Napatingin ako sa kanya. “Gaya ng…?”

“Pambobola…”

Errr, well…kung basag na ko kagabi e baka nga nagawa ko ‘yun. Kahit nga hindi ako lasing ginagawa ko na sa kanya ‘yun. “Panong pambobola?”

“Ano…sabi mo lang…gusto mo na ko maging girl friend kasi maganda ako. Mayaman pa. Na napo-fall ka na sa ’ken, ayaw mo lang sabihin kasi…”

“Sinabi ko ‘yun?” gulat na tanong ko. P**a, seryoso ba siya? O hinuhuli lang ako?

Tumango-tango siya. “Sabi ko nga lasing ka lang kaya ka nagkakaganun. Tapos tumawa ka lang. Inulit-ulit mo ‘yun hanggang makaakyat tayo. Ang kulit-kulit mo, parang timang. Nanghihingi pa ng good night kiss. Gusto mo pa nga matulog sa kuwarto ko e. Kun’di pa kita sinipa-sipa hindi ka papasok ng kuwarto mo.”

Pa-sikreto akong ngumiti. And at the same time e hinalukay ko sa utak ko kung nagawa ko ba talaga ‘yun kagabi. Wala akong maalala. Hindi naman siya siguro mag-iimbento ng istorya. Baka nga sa sobrang pagkalasing ko e nagawa ko ‘yun. “Sorry…”

“Yaan mo na. Lasing ka lang talaga kaya hindi kita pinatulan. Kaso lang nakaka-trauma ka pala kainuman. Sobrang kulit mo.”

“Sorry na nga e. Don’t worry last na ‘yun.”

“Last daw. Kahit mag-aya ako?”

“Wag naman ngayon. Tingnan mo nga itsura ko o? Paralyze.”

“Yung cp, bili na lang tayo. AT HUWAG ka na magreklamo.”

“Yabang. Nilait-lait mo kasi, ayan tuloy nawawala. Edi gagastos ka pa tuloy.”

“May magagawa ba tayo?”

“Meron. Hanapin ulit.”

“Sa’n mo ba hinanap?” Tumayo na siya at nagsimula maghanap-hanap. Tatayo sana ako kaso ang bigat talaga ng ulo ko. Yaan ko na lang siya. Baka mas malinaw ‘yung mata niya kesa sa’ken. Pumunta siya sa may bintana, cr, ilalim ng kama, mesa, cabinet. “Hinanap mo na ba sa bag mo?”

“Hindi naman ako maglalagay ng cp diyan. Either sa bulsa ko lang o dito sa ilalim ng unan.”

“Sure ka? Baka nandito,” kinuha niya ‘yung bag saka nilapag sa tabi ko. Kinapa-kapa ko ‘yung buong bag hanggang sa kasuluk-sulukan pero wala. Inulit-ulit ko pa pero wala talagang cp.

“Wala. Wala talaga,” wala na rin akong pag-asa. Ta***nang ‘yan.

“Yaan mo na ‘yun, bili na nga lang tayo ng bago.” Ibinalik na niya ‘yung bag sa cabinet saka siya naupo sa kanto ng kama.

“Ibawas mo na lang sa prize ko ‘yung pambili,” biro ko. Kompiyansang mananalo na sa deal.

“Wow a? Sure na sure ka nang mananalo a.”

“Malay mo naman.”

Tinulak-tulak niya ‘yung binti ko. “Ano na? Labas na tayo. Gutom na ko talaga.”

“Anong oras na ba?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!