Tinder. Love. And Dare. (Chapter 13)

“PINSAN MO TAGA-MINDORO. NAKALIMUTAN MO NA AGAD?” tumayo si mama saka nilapitan si Ate Yumi. May binulong-bulong. Maya-maya napangiti sila parehas.

“Ikaw talaga nakalimutan mo na ko agad…” umupo siya sa monoblock na nasa kanto ng mesa. “Kararating mo lang ba?”

“Kani-kanina lang,” hindi pa rin naaalis paningin ko sa kanya. Pinipilit kong halukayin sa sulok ng memorya ko kung may pinsan ba talaga akong Ate Yumi.

Kaninong side? Sino mga magulang? Bakit walang nakukuwento si mama tungkol sa kanya? 

“Kumain ka na ba?” tanong niya ulit.

Pilit at mabagal ang tango ko habang nakatitig lang sa kanya. Ate Yumi. Pinsan. Taga-Mindoro.

“Aaaa…okey…oo nga. Ate Yumi. Sensya na, puyat lang ako.” Kunwari na lang may gulat factor-ala-remember ko na instant. May patawa-tawa effect pa ko. Pero curios pa rin ako e. Hindi ako matahimik. “Kelan ka nga dumating?”

Nagkatinginan ulit sila ni mama. “Magda-dalawang lingo na din. Sa Makati ako nakakuha ng trabaho e. Graphic illustrator…”

Kusang kumunot noo ko. “A…sa Makati. Oo nga. Naalala ko na.”

Hindi ko pa rin naalala. Wala. Hindi ko talaga maalala.

Kung dito na siya nakatira, san siya natutulog dito? Bakit hindi ko nakikita ‘pag umaalis ako o ‘pag umuuwi? 

Ba’t ganun?

“Bago ba ‘yang damit mo?” tanong ni mama. Tsk, napansin din pala niya.

“Oo, bigay nung boss ko dun. Wala kasi akong dalang pamalit kaya binilan na lang ako.”

“Sosyal a. May hotel na may libreng damit pa. Napaka-galante naman niyan.”

Hindi na ko kumibo. Hindi naman ako interesante sa background story ng bago kong damit. Umiikot pa din sa utak ko kung sino ‘tong babaeng nakitira sa’min. Wala talaga akong maalala. 

“Sige na kumain ka na diyan,” bumalik sa dating puwesto si mama. “Yumi pakitulungan mo nga ako isalansan ‘yung mga damit dito.”

Yumi. Yumi. Yumi. Pinsan. Mindoro.

Putsa na ‘yan. Sakit sa ulo. 

Te-text ko pala si Kaeley. Sasabihin ko lang na nakauwi na ko at salamat. Baka isipin niya ganun-ganun na lang porke nakauwi na ko.

Sinilip ko ulit ang mesa. Kalahati lang ang bawas sa litsong manok na nakabalot pa ng foil. Nandun pa ‘yung mangkok na may toyo, sili at kalamansi. Halos kalahati pa din ang laman ng kaldero. Madami-dami ang kanin. Masarap kumain, pero naguguluhan ako kung kakain ba ko o iidlip na lang. O pipigain ang utak para maalala kong may pinsan pala akong dito na nakatira.

Pinipilit ko pa rin maalala kung sino si Ate Yumi habang nagko-compose ako ng text message. Umupo na ko sa mesa. Panay ang tingin ko kay mama at Ate Yumi. Hindi naman sila nagkikibuan. Ang weird lang ng pananahimik nila.

Makaidlip na nga lang muna.

Medyo madilim na ng magising ako. Biglang bukas kasi ng ilaw, sakto ‘yung liwanag sa mukha ko.. Pumasok si nanay, pinasok ‘yung mga sinampay ko. Pagsilip ko sa bintana, umaambon. Kaya pala medyo lumamig. Sarap pa sana matulog kaso magigising din naman ako ng madaling-araw sa gutom. Mahirap na. Kaya inantay ko muna makalabas si nanay saka ako dahan-dahan bumangon. Hinanap ang cellphone. 6:27 PM. Hapunan na.

Nagbukas ako ng data. Walang reply galing kay Kaeley, pero nag-message sa messenger si Emily.

ANO PLANO MO SA BDAY MO?

Birthday ko? Anong petsa na ba?

Tinignan ko ‘yung kalendaryo na nakasabit sa pinto ng kuwarto ko. Oo nga, next week na pala birthday ko. Nawala na sa isip ko. Sabagay, ano pa ise-celebrate ko e wala naman akong pera? Wala pang love life.

Buwiset. Love life talaga.

Naalala ko tuloy nung kami pa ni Emily. First birthday ko na naging kami, s-in-urprise niya ko. Pagkauwi galing sa school may handa sa bahay. Akala ko luto ni mama, binili pala ni Emily. Spaghetti tsaka fried chicken. Unforgettable ‘yun kasi sa buong buhay ko ‘yun pa lang ‘yung unang beses na nag-celebrate ako ng birthday na may masarap na pagkain. Dati kasi parang normal na araw lang ‘pag dumadating birthday ko. Kahit ‘yung ulam namin nun hindi man lang nagle-level up sa Maling o fried chicken. Wala lang. Basta birthday ko lang. Kaya nasanay na kong normal na araw lang ang birthday ko. Kaya nung nagpakain si Emily, feeling ko kaka-debut ko lang. Hindi man enggrande ‘yung handa, pero ang saya-saya ko pa rin. Nung sumunod na taon nilibre niya ko sa Shakeys. Date daw kami. Nag-celebrate kasi kami late na. Akala ko nga nakalimutan niya. Pero keri lang naman kung walang celebration, tutal sanay naman na ko.

NAALALA MO PALA BDAY KO A? WALA PA NAMAN. BUSY AKO E. WALA DIN BUDGET.  Reply ko.

Tumayo na ko. Hindi ko na niligpit ang kutson at maya-maya hihiga na rin naman ako. Nagpalit ako ng short, ‘yung t-shirt hindi na. Sayang e, bago naman. Naalala ko tuloy ‘yung Tagaytay moments. Okey na sana, ‘yung iniwan lang ako ang bad trip.

“Kala ko hindi ka na kakain e,” bungad ni mama sa’ken paglabas ko ng kuwarto. Nasa sala sila ni…Ate Yumi(?), busy manuod ng tv. Ewan kung bakit nata-tiyaga nila ‘yung signal ng antenna. Labo-labo naman. Kahit anong channel malabo. ‘Yung channel five at seven lang ang pwede pagtiyagaan.

“Kumain na kayo?” tanong ko. Sinilip ko ‘yung mesa. Ganun pa rin ‘yung itsura. Present pa rin ‘yung manok at sawsawan. Nadagdag lang ‘yung bahaw na ka-korte pa ng kaldero ‘yung bilog.

“Hindi pa. Isa-sangag pa ‘yung bahaw pero meron ng bagong saing diyan,” si mama. Tumayo na rin siya saka dumiretso sa lagayan ng plato. Sumunod naman sa kanya si Ate Yumi na naghugas ng kamay saka binalingan ‘yung bahaw. Sinimulan ng lamas-lamasin.

“Ako na magsa-sangag.” Pigil ko kay mama na nagbabalat na ng bawang.

“Dun ka na. Ako na magluluto.” Saway nito sa’ken. ‘Pag ganun na e hindi na ko nagpipilit. Ayaw nun pinipigilan siya ‘pag nagluluto. Kaya eto, ako naman umupo sa puwesto nila kanina. Hindi ko naman matagalan tumingin sa tv kaya ginawa ko na lang siyang radyo sa harap ko.

Nag-reply na pala si Emily. Saka ko lang napansin na naka-silent pala ‘yung phone ko.

ANO BA GUSTO MO? TREAT KITA.

‘Yan tayo e. Para-paraan talaga.

WAG KA NA GUMASTOS. YAN KA NA NAMAN. Sagot ko.

Browse-browse muna sa FB. Wala namang ibang notifications kun’di dun sa group chat, memories at mga magbi-birthday. Saka ko lang napansin na may mga ka-batch pala ako na ka-birthday ko rin. Sabagay, taguan din ng birthday nun e. Sulsulan kasi ng libre ‘yun. Puro inom pa.

Matagal-tagal na rin pala ‘yung huling status update ko. Magda-dalawang buwan na. Nakakatawang hindi ko maalalang may quotes-quotes pa kong nalalaman nun.

“Forget what you remember; remember what you forget…”

Ta***na, ano kaya yun? Bogaloyds din talaga ako minsan. Pauso.

“Musta naman lakad mo kahapon?” tanong ni Ate Yumi. Kakatapos lang maglamas ng kanin.

“Okey naman. Medyo maarte lang ‘yung client. Dami pinapa-revised.” Mamatay na sinungaling! 

“Pa’nong maarte?”

“E…nung una gusto gantong design. Tapos maya-maya iibahin na naman. Tapos ang dami-dami mo nang binago biglang ibabalik na lang dun sa original na design. Kainis nga.”

“Anong design ba?”

“Logo…pam-brand name ata ng school supplies ‘yun.” Puta ‘yun nga pala tatapusin ko bukas!

“A okey. E logo lang naman pala bakit kailangan out of town pa? Madali lang naman ‘yun, ‘di ba?” tumayo na siya. Inilapag ang kanin sa tabi ni mama. Kinuha nito ‘yung kawali saka pinatong sa kalan.

‘Yan na. ‘Di pa pala tapos ang gisahan. ‘Langyang sinangag ‘yan nadamay pa ko! “E gusto ng client personal daw makausap ‘yung artist. Ayaw niya daw ng chat-chat kasi baka hindi raw magkaintindihan. Maarte nga. Babae kasi.”

“Ayun. Kaya pala pumayag sa malalayong lugar. Babae naman pala ang kliyente,” nakisali na si mama.

“Ma, matanda na ‘yun. Tsaka buti nga may ganun e, extra income din ‘yun,” binulsa ko muna ‘yung cellphone saka ako tumayo. Tinulungan si Ate Yumi maghain.

“Kasama talaga sa bayad ‘yung damit at hotel?”

(Click here to continue reading…)


About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!