Tinder. Love. And Dare. (Chapter 10)

Nasusuka ako sa pagkabusog. Nakaapat yata akong kanin. Hindi ko na napansin na nakarami na pala ako sa sarap ng bulalo at tawilis. Nakakatamad na nga kumilos, parang gusto ko nang matulog. Nakaka-dalawang hikab na nga ako, pati tuloy si Kaeley nahawa sa hikab ko. Nagkangitian pa nga kami kanina pagtapos kumain. Parehong solved, parehong masaya. 

Ako na ang nagbayad pagkaabot ng bill. Saka lang nagsalita si Kaeley matapos kong iabot ang bayad kay ate. “May budget ka pa?”

“Meron pa. Malaki pa ‘to…” akma kong kukunin ‘yung pera sa bulsa nang pigilan niya ko.

“Okey na. Yaan na…” nagsalin siya ng tubig sa basong kalahati pa ang laman na tubig. “Nga pala, bibili tayo ng damit. Daan tayo ng mall maya-maya.”

“Sige. May lakad ka ba? Anong damit ba?”

Nangiti siya. Uminom ng tubig saka nagpunas ng nguso. “Sa ’yo…”

Kumunot ang noo ko, simpleng kunot. ‘Yung feeling seryoso. “Sa ’ken? Baket? Anong meron?”

“Pantulog mo tsaka para bukas.”

Pantulog? Para bukas? Ano ‘to, overnight? “Teka, meaning bukas pa ko uuwi?” tumango lang siya.

Napahawak ako sa upuan ko saka nagkuya-kuyakoy. “Teka teka teka, bakit ngayon mo lang sinasabi ‘yan? Ano ‘to, set-up?”

“Wag kang OA a? Kung maka-set-up ka naman parang papatayin naman kita.”

“Okey, sori. Pero bakit overnight?”

“Ayaw mo ba?”

“Di mo naman sinagot tanong ko e…”

“Fine…” tumayo na siya saka lumakad. Walkout. Puta naman wala pa ‘yung sukli e!

Napatayo na rin ako saka minadaling makuha ang sukli na sakto namang inabot ni ate. Mabuti’t hindi pa nakakalayo si Kaeley. Kinalabit ko siya sa balikat ng makalapit. “Wuy, walkout agad e, ‘to naman. Hindi mo naman kasi ako sinabihan agad na overnight pala, edi sana nagpaalam ako sa’min. Ano iisipin ng nanay ko? Kung saan-saan na nga…”

“Yaan mo na. Forget it. Mali din naman ako. Akala ko lang din kasi papayag ko…” sabi niya pagkababa namin ng hagdan. Dire-diretso siya lumakad papunta sa kotse saka pumasok. Pumasok na rin ako, nag-isip. Tuliro. Nag-ayos-ayos ulit ng sarili si Kaeley. Walang kibuan.

Pucha naman kasi. 

Napatingin na lang ako sa nagtatampong Kaeley. Kahit nakasimangot, natatabunan pa din ng kagandahan ang mukha niya. Kahit ata i-wacky neto mukha niya maganda pa rin. Kahit anong anggulo, maganda pa din e. Buset na ‘yan, maganda talaga.

“Sige na, ite-text ko na nanay ko. Magpapaalam na ko. Sabihin ko na lang na malaking raket ‘tong out of town ko kaya kelangan mag-overnight…”

Kinuha ko na ang cellphone ko saka nag-isip ng isang malupit na paalam kay inay. Pambihira. Pambihira. Pambihira.

Inabot sa ’ken ni Kaeley ang cellphone. Nakangiti. “Tawagan mo na…”

Napanga-nga na lang ako sa sinabi niya. Hindi dahil sa may libreng tawag, kun’di dahil sa punyetang kagandahan ni Kaeley na kahit away-awayin ata ako araw-araw e hindi masisira mood ko.

“Talagang tawag na a? Ibang klase ka din mangunsinti a? Ibang level…” kinuha ko na ‘yung ‘I-Phone’ na naka-ready na sa ‘dial’, saka dinayal ang number ni nanay. Naka-anim na ring muna bago sinagot. “Hello…hello. ‘Nay…hello. Si Baste ‘to. Hello…si Baste po. Bukas pa po ako uuwi, kelangan ko kasi tapusin ‘yung layout ngayon, maaga kasi daw kelangan para bukas. Nasa Tagaytay ako, kakatapos lang kumain. Magte-text na lang ako ulit pag pauwi na ko. Okey po. Sige po. Sige po. Bye…” saka ko binaba. Binilisan ko talaga ‘yung pagsasalita para hindi na makapalag si nanay. Pumapayag naman ‘yun kung uumagahin ako basta magpapaalam lang. ‘Yun nga lang, kinabukasan uulanin ako ng mga tanong na ang ending e matatapos din ang usapan sa Q&A.

“Okey na?” tanong ni Kaeley. Inabot ko na sa kanya ‘yung cellphone na agad din naman niyang kinuha.

“Okey na po mam, wala ng problema.”

“Good. Then let’s go shopping.” Pinaandar na nito ang makina ng sasakyan.

“Yeah right. Whatever.” Good luck na lang sa’ken. Lord, pagpalain niyo po ako.

Sa may Ayala Mall kami napadpad ni Kaeley para mamili. Inabot kami ng halos isang oras dahil sa nakakaburyong na traffic. Ganto pala dito ‘pag weekend, jampack. Halos punuan din ang parking lot kaya nagpaikot-ikot pa kami hanggang sa makahanap ng pagpa-parking-an (masipag si kuyang guard i-guide kami, nakita niya kasing chicks ‘yung driver). Ilang minuto pa, nasa loob na kami ng mall.

Sumusunod lang ako sa nilalakaran ni Kaeley. Natural, kelangang magpanggap ulit na hindi dayo para hindi magmukhang tanga. Ang kaso, patalo ‘yung suot ko sa diskarte ko. Halatang walang plano gumala dahil walang kadating-dating ang porma ko ngayon. Sandals na magta-tatlong taon na, t-shirt na blue na medyo kupas ‘yung manggas at chino shorts na iilang beses ko pa lang ata nasusuot dahil hindi naman ako magala. Nahiya pa kong ilabas ang cellphone ko at baka biglang may lumapit sa’ken pulis, mapagkamalan pa kong namimili ng mga ini-snatch na lumang cellphone.

Nagpaikot-ikot kami, nakailang hagdan, kaliwa’t kanan bago natunton ang department store. Bago pumasok, inabot sa’ken ni Kaeley ang credit card. “Bahala ka na diyan…” na kinuha ko din naman. Hindi na ko nagtanong, hahaba lang lalo discussion.

Diretso kami sa men’s wear. Saglit nagtingin-tingin ang kasama ko, lipat-lipat. Hindi ako nagre-react o nagtatanong. Inaantay ko ang tanong niyang ‘anong size mo’ at ‘eto gusto mo’. Pero wala. Maya-maya huminto siya saka tumingin sa ’ken.

“Ano? Hindi ka pa mamili?” tanong niya na parang natatawa sa ’ken.

“Ay ako ba? Sorry, kala ko kasi ikaw ang bibili para sa’ken.” napakamot ako ng batok kahit hindi makati.

“No, ikaw ang pumili ng isusuot mo. Bumili ka ng pantulog, and ‘yung para bukas pag-uwi.”

“Nga pala, anong oras tayo uuwi bukas?”

“Hmm, siguro after lunch. Okey lang?”

“May magagawa pa ba ko?”

Hindi na siya nag-react. Nagsimula na kong mamili.

Pantulog. Pamalit bukas. Ano ba dapat?

Sa bahay madalas nakahubad naman ako kasi medyo mainit sa kwarto (naka-short at underwear lang). Pero since sa bahay na nagi-stay si Ate Yumi e nagti-t-shirt na rin ako, tiis-tiis na lang sa init. Kaya kung ano ‘yung sinuot ko nung pumasok ako, minsan ‘yun na rin ‘yung pantulog (depende na lang kung amoy impakto na ‘yung damit). ‘Yung pambaba lang pinapalitan kasi minsan nakapantalon ako or shorts na medyo makapal.

So ano nga ang bibilhin ko?

Malamig sa tagaytay, kelangan t-shirt ang pantulog. Hindi na ko magpapalit ng short, pwede na ‘to. Isang t-shirt na pantulog, isang brief, at isang t-shirt at short para bukas. Okey na ‘yun.

Tig-wa-one-eighty na t-shirt lang ang binili ko, superman at batman ‘yung design. Plain na white t-shirt ‘yung pantulog ko. Tutal matagal-tagal na rin ako hindi nakakabili ng bagong brief e dinalawa ko na. Tapos ‘yung short tig-pa-five hundred, FUBU ‘yung tatak. Wala akong makitang bagay sa’ken kaya ‘yun na pinili ko, naka-sale pa. Bumili na rin ako ng jacket, ‘yung hindi naman gano makapal. ‘Lang’ya tumitigas utong ko sa lamig e.

“Okey ka na diyan?” tanong ni Kaeley paglapit ko sa kanya. Nagti-tingin siya ng sandals.

“Okey na ‘to. Unless kelangan ko mag-tuxedo sa pupuntahan pa natin. Kung may pupuntahan pa tayo. Meron pa nga ba?” mabagal kaming lumakad papunta sa cashier.

“Wala naman tayong pupuntahang pormal na event kaya ‘wag ka mag-alala.” Tinuro nito ang jacket. “Ano ‘yan? Giniginaw?”

“Malamang, ikaw nga naka-jacket din e.” inayos ko ‘yung mga pinamili ko at parang mabibitawan ko sila sa dami. “‘Wag mag-alala ka diyan. Kaya pala kelangan pa mamili ng damit. E kung sinabi mo lang na overnight edi sana nagdala na ko ng damit ko. Huu…”

“Sinadya ko nga hindi sabihin e, baka kasi hindi ka sumipot.”

“Sabagay. Pero puwede naman kasi sabihin ng mas maaga ‘di ba? Para makapagpaalam din ako agad. Buti na lang wala akong pasok bukas.” nakapila na kami. Medyo mahaba, pang-walo pa ata ako. Dami din kasing tao.

“Sunday ang off mo?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!