Tinder. Love. And Dare. (Chapter 1)

“Anong oras ba alis mo?”

“Ala-singko sana.” 

“Tapos na ba ‘yung tarpaulin?” 

“Hindi pa. Pero tatapusin ko naman ‘yun bago ako umalis. Sure ‘yun, kuya, ‘wag kang mag-alala…”

Hindi na nagsalita si Kuya Doms (Dominic Canigo talaga real name niya, pero ayaw niyang tinatawag siyang Dominic). Hinarap ang laptop, pinagpatuloy ang pagpe-facebook. Medyo parang wala sa mood. Mainit ang ulo. Nakasimangot nga kanina pagpasok niya. Ako nago-open ng shop sa umaga, at ‘pag dumadating na siya e lagi niyang kinakamusta ang ginagawa ko o tinatapik sa balikat (na minsan magugulat na lang ako sa sobrang busy sa pag-gawa). Ngayon, diretso siya sa pwesto niya, dun sa sulok.

Kahapon ko pa ginagawa ‘tong birthday tarpaulin, pero hindi ko matapos-tapos dahil sa dami ng arte nung nagpagawa. Ang daming gusto, ang daming side comment. Gusto ng ganto, ayaw ng ganyan, lakihan ‘tong ano, liitan ‘tong ganyan. Hindi daw kita ‘yung pangalan nung baby, masyado daw maliit ‘yung picture ng baby, at kung ano-ano pang comment na sana e siya na lang ‘yung gumawa. Mas magaling pala siya e.

Mamaya nandito na naman ‘yun. ‘Pag ako nakarinig pa ng side comment dun, kokotongan ko na ‘yun.

Bale isa akong…ehem…graphic artist, na walang matinong background education (undergrad ako ng Multimedia Arts sa UMAK). Dahil hindi na kaya ng budget ang tuition, napilitan akong magtrabaho ng maaga. Isang taon na lang sana, ga-graduate na ko. E kaso, hindi na kaya ni nanay ‘yung tuition kaya hinto-hinto muna. Ipon na lang muna, saka ko tatapusin. Buti nga kinuha ako ni kuya Doms dito, at least may income na kahit papano. Hindi ko na kelangang humingi ng budget kay nanay, ako na nagbibigay sa kanya. Hindi din naman kasi ganun kalakas ‘yung maliit na karinderya ni nanay kaya para makatulong e nagtrabaho na ko. Bale ako na ang nagbabayad ng renta at kuryente namin. Si nanay ang bahala sa pagkain at tubig.

Solong anak ako. ‘Yung tatay ko, deds na. Six years old daw ako nun, namatay sa aksidente. Ayaw naman ikuwento ni nanay ‘yung tungkol dun. Basta, ayaw niya pinag-uusapan. ‘Di ko naman pinipilit kasi nalulungkot siya agad ‘pag si tatay ang topic. Hinayaan ko na lang. Inisip ko na lang na balang araw magkukuwento din naman siya tungkol sa tatay kong ewan kung bakit wala akong maalala tungkol sa kanya.

Sa tagal kong tumatambay-tambay sa internet shop ni kuya Doms e aksidenteng kinuha niya ko bilang assistant graphic artist sa shop niya. Nung isang beses kasi, may nagpagawa ng invitational card sa kanya. E rush ‘yun, wala siyang katulong. Alam ko nasa 200 pieces ‘yung tatapusin niya, bukod pa dun sa isang malaking tarpaulin na pang-wedding. Ewan kung ano pumasok sa isip ko nun, basta bigla ko na lang siyang tinulungan. Kakatapos ko lang mag-DOTA nun. Pinapanuod ko siya gumawa ng design nun. Buti na lang madaldal at medyo mayabang ako, tinulungan ko si kuya Doms ng mga short-cut-short-cut sa photoshop kaya eto, nakasubsob ang mukha ko sa monitor habang nagde-design.

Lumago ang shop ni kuya Doms kaya nagdagdag siya ng isa pang artist. Si Maki, aka Marky Alandoni, pamangkin ni kuya Doms. Mas matanda siya ng tatlong taon sa’ken (bente na ko, bente-tres na siya), pero mas matangkad ako sa kanya. 5’5 ang height, medyo malapad at kulot na makapal ang buhok na parang afro. Mabait naman siya, masipag at magaling (pinapanuod ko nga siya minsan gumawa, nakakakuha ako ng technique). ‘Yun nga lang, masyadong tahimik. Parang weirdo din minsan kaya halos hindi ko kinikibo. ‘Pag walang trabaho, kun’di busy sa PSP, naglalaro ng games sa cellphone, nagu-ubos ng oras sa facebook at youtube. May halos isang taon na ko dito sa shop pero mabibilang lang sa daliri kung ilang beses ko siya nakausap. Work related pa ‘yun. Wala kaming kwentuhan tungkol sa personal na buhay, tsismis, drugs o religion. Speaking of drugs, mas madalas niyang kausap ‘yung vape niya ‘pag wala siyang magawa.

Dati na siyang graphic artist, pero nagsara ‘yung shop. Kaya dito na siya pinasok ni kuya Doms. Mabuti nga at may kasama na ko. Nung ako pa lang kasi ang tao niya, halos dose oras akong nakatitig sa monitor kaka-design. E halos lahat ng gawa ako, si kuya pa-print-print lang. Kaya laking-ginhawa nung dumating si Maki. Hindi na gano nakakapagod. Minsan maaga pa nakakauwi ‘pag tapos na ‘yung trabaho.

And speaking of Maki, hanggang ngayon wala pa siya. Wala akong idea kung bakit hanggang ngayon wala pa siya sa PC niya. ‘Yun siguro ‘yung reason kung bakit parang medyo mainit ulo ni kuya Doms. Tsk tsk. Wrong timing pa ata paalam ko. Baka mabulilyaso pa lakad ko.

“Hindi ba nag-text sa ’yo si Maki?” gulat ako sa tanong ni kuya Doms.

“Hindi po.”

“T***na, anong oras na…”

*             *             *

Wala pang alas-diyes nandito na ko sa shop ni kuya Doms (tarpaulin and printing shop, katabi lang nung internet shop). Inagahan ko talaga dahil kelangan ko mag-out ng maaga dahil sa isang lakad na…hmm…unexpected? Wala sa plano at biglaan. Meron akong ka-eyeball mamayang ala-sais sa megamall. San ko nakilala? Sa Tinder.

Hindi ‘yun sadya. Seryoso. May halos dalawang linggo pa lang ako gumagamit ng Tinder ng aksidente kong na-swipe up (super like pala ‘yun!) si Kaeley Cass Fabella. Oo, full name niya ‘yan. Ang badtrip pa dito e hindi ko naman siya type. Hindi naman sa feeling pogi ako. Well, hindi ko naman sinabing panget ako. Sa height kong 5’7, at sa katawan kong…ano ba? Hindi naman masyadong payat, basta hindi ako patpatin, pero for sure ‘yun na ang description ko kung titingnan ang pangangatawan ko. Ano pa ba? Maganda daw kilay ko, parang inahitan. Eto hindi ako sure kung totoo o joke-joke lang, may hawig daw ako kay Jericho Rosales. Kopyang-kopya ko daw ‘yung dimples. Marami-rami na rin nagsasabi nun, pero hindi ko alam kung totoo ‘yun o wala lang silang magawa. Ang alam ko, wala pa naman nagko-confess sa’ken na masama ang anggulo ng mukha ko.

Anyways, base sa profile picture ni Kaeley, medyo chubby siya sa itsura niya. ‘Yung picture niya kasi, nakaupo siya sa isang bench, hindi ko sure kung nasa park ba siya nun, tapos naka-sideview ‘yung mukha. Medyo malayo ‘yung kuha kaya ‘di ko gano kita kung maganda ba o…basta, ‘yun. Tapos ‘yun nga, dahil sa biglang pag-chat ni Emily Cabella (si ex), nung tinaas ko ‘yung chat head niya e na-swipe up ko din nga ‘yung Kaeley. Wala na kong nagawa, babawiin ko sana kaso wala palang ganung settings. Tapos kinagabihan, biglang nag-chat. Meet me tomorrow, 6 pm @ Coffee Dream, Megamall. Don’t be late. ‘Yan ‘yung buong message niya. Hindi ko alam kung nakaramdam ba ko ng takot nun at napa ‘OK’ na lang ako. Tapos nun, wala ng reply. Pambihira. Kaya eto ako ngayon, hindi ko alam kung nae-excite ba ko o nawi-weirdo-han sa sarili. Hindi ko alam kung bakit pupuntahan ko ang isang babaeng ayaw ko naman talaga kitain.

Buti sana kung maganda e. Puta talaga.

Wala naman akong balak mag-install ng Tinder talaga. Si ex ang nag-introduce sa’ken gumamit nun. Awkward nga e, ex pa talaga ang nagtulak sa’ken maghanap ng babaeng ide-date ko. Baka dun ko daw mahanap ‘yung sinasabi kong ‘babaeng magpaparamdam sa’ken ng true love’. ‘Yun kasi ‘yung reason ng break up namin. Nakipaghiwalay ako kasi feeling ko hindi ko naman siya true love.

Classmate ko siya since first year college. Alam mo na, nung una tropa-tropa. Typical na college love story. Nagsimula sa tropa, naging close, inasar-asar ng mga kaklase, and then poof! Naging kami. Niligawan ko naman siya for almost two months. Pero dahil bawal at ilegal ang relasyon e patago kami (as usual, strict ang parents). Parehong single ang status online, in a relationship sa school. Sa school lang din kami nagde-date, at kung minsan e dito sa shop. Natuto nga siya mag-DOTA dahil sa’ken. Okey naman kami nung una. Siguro, kasalanan ko na rin kung bakit hindi nag-work. Mas nag-focus kasi ako sa pag-aaral. Meaning, mas marami akong oras sa pag-aaral. Katwiran ko, magkaklase naman kami, araw-araw nagkikita, araw-araw magkasama, sabay kumakain, sabay umuuwi, gabi-gabi magka-chat, so sapat na ‘yun para sa’min.  Pero mali ako. Kulang ‘daw’ yun. Gusto niya magkasama kami ng weekends, na malabo namang mangyari kasi nga, illegal kami. Ni hindi namin magawa pumunta ng mall o gumala. Kung gagala man, kelangan marami kami. At pag sinabing ‘gala’, gastos. Wala naman akong extra-ng pera sa ganun. Sakto lang lagi ang pera ko, at mas madalas e kulang. Hanggat maaari hindi ako humihingi ng pera kay nanay kung kaya ko naman diskartehan.

May kaya sa buhay si Emily kaya minsan pinapahiram niya ko ng pera kung kelangan talaga. Pero hanggat maaari kasi, iniwasan ko ‘yun. Ayokong isipin niya na inaabuso ko kabaitan niya, though ayos lang naman daw sa kanya. Sa kanya, oo. Pero para akong kinakain ng kahihiyan ko everytime na inaabutan niya ko ng pera. Kun’di lang dahil sa kelangan ko magbayad ng permit sa exam, hindi ko naman hihingin ang tulong niya.

“Isipin mo na lang, tinulungan kita maabot ang pangarap mo…” yun na lang yung nasabi niya pagka-abot ng pera. Siyempre kunwari pabebe at hiya-hiya muna bago kunin ang utang na loob.

Nung tumagal, naisip kong hindi pala necessity ang love life sa pag-aaral. Alam ko naman yun, pwede pagsabayan ang pag-aaral sa pag-ibig, pero sa estado ng buhay ko, hindi yun applied. Oo, pwede naman kami magmahalan ng walang iniisip na financial issue. Pero may mga bagay sa buhay na kikilos lang kung may pera.

Ayoko sana ng ganung isyu, pero may mga priority ako sa buhay. Kelangan ko makatapos ng ako lang. Kelangan ako ni nanay. Kelangan ko makatapos. Saka na ko maghahanap ng forever. May tamang panahon naman para dun.

Sa madaling sabi, nakipaghiwalay ako kay Emily. In good terms naman kami, at nangako ako sa kanya na kung maging okey kaming pareho pagka-graduate, liligawan ko siya ulit. Take note, liligawan, hindi babalikan. Para mas formal at mas legal tingnan.

May mga time na dinadalaw niya ko dito sa shop ever since hindi na ko nag-enrol ulit. May mga time din na nag-uusap pa kami, pero hindi na katulad dati. Iniiwasan ko kasi, alam ko naman minsan kung saan patungo ‘yung topic. Ayoko magbigay ng false hope. Sa ngayon steady lang muna.

*             *             *

Bago mag-alas-kwatro natapos ko ‘yung tarpaulin. Awa ng Diyos, wala ng side comment si ateng mataray. Ang ganda daw, ‘yun ang huling comment. Okey na din, nakalimutan ko ng minumura ko siya habang binabago ko ‘yung design.

4:30 nagpaalam na ko kay kuya Doms. Andun naman na si Maki, dumating pasado alas-onse. Siyempre, konting sermunan at paliwanagan. Hindi ko na gano narinig yung usapan nila, busy kasi ako sa trabaho.

Buti’t wala ng masyadong gawa, pwede na sumibat agad. Hindi naman na galit si kuya pagkapaalam ko. Hindi na rin tinanong ‘yung dahilan kung bakit. Basta nagpaalam ako sa kanya kahapon na maga-out ako ng maaga dahil may lakad. Pumayag naman siya, basta tapusin ko lang daw lahat ng trabaho ko.

Mula Makati, papuntang Ortigas nae-excite ako na natatae na ewan. Ewan ko ba, hindi naman ganun ka-big deal ‘yung pupuntahan ko, pero para akong hindi matae kakaisip. Paulit-ulit ko ngang dinadasal na sana mali ‘yung tingin ko sa profile picture niya, na puyat lang ako kaya ganun ang pagkaka-describe ko sa kanya. Mga ganung dasal. Inisip kong may mga taong mataba lang talaga sa picture, pero hindi naman pala sa personal.

Sana nga.

Nag-search na ko sa google kung saang floor ang Coffee Dream para dire-diretso na ko. Nasa fourth floor ang meeting place namin. Pagkababa ko ng bus, dun ko naramdaman na gutom na ko. Naalala ko, isang banana cue at Mountain Dew lang ang tanghalian ko. Sa sobrang busy ko e nakalimutan ko ng kumain, kun’di lang ako inalok ni kuya Doms.

Hassle, nagugutom talaga ako.

Pag-akyat sa fourth floor, malayo pa lang sinisipat ko na kung nandun na si Kaeley. Negative. Walang customer. Tsk tsk, Martes na Martes, walang customer ang kapehan. Binagalan ko na hakbang ko. Hindi ko malaman kasi kung gusto ko na umatras o gusto ko munang kumain. Pero malinaw ang instruction niya: 6 pm. 5 minutes pa, alas-sais na. Nag-check ako ng Tinder kanina: wala siyang message. Saka ko lang na-realize: paano kung ginu-good time niya lang ako? O pinagti-tripan?

Shit. Mukhang naisahan ako a.

Pero hindi. Malinaw ang instructions niya. Medyo tunog commanding pero ayos lang. Hindi naman niya siguro ako iindyanin.

Sana nga. Sana talaga. Layo pa ng pinanggalingan ko a.

Umupo ako sa mesa na may dalawang upuan. Lumingon-lingon. Tiningnan-tingnan ang mga taong napapadaan. Minumukhaan ang bawat babaeng medyo chubby, na sana mali talaga ang tingin ko. Pahamak kasing super like yan, edi sana nasa shop pa rin ako ngayon. Tsk tsk.

Alas-sais na, wala pa ding Kaeley-ng dumadating. Kinakabahan na ko. Baka nga napagtripan lang ako.

 

Putang inang 6 pm, badtrip.

Sa inip at gutom, umorder muna ko ng kape. Nasilip ko sa istante ang mga tinapay at cake, umorder na rin ako. Magkaron lang ng laman sikmura ko. At may magagawa kakahintay sa Kaeley na yan, kung sino man yang shit na yan.

Nag-check ulit ako ng Tinder. Wala pa ding message. Napakamot ako ng ulo. Ayokong isipin na napagtripan ako, pero parag ganun ang naiisip at pakiramdam ko. Tangina talaga. Sinilip ko ang profile ni Kaeley. Wala namang nakalagay sa about yourself section. Wala din masyadong info tungkol sa kanya. Iisa lang ang naka-upload na picture. Naisip ko, baka fake account o dummy lang.

Isa pang putang ina.

Silip sa oras: 6:11 pm. Shit talaga. Shit talaga ang 6 pm. Kapag 6:30 wala pa siya, uuwi na ko. Tangina uuwi na talaga ako.

“Baste?” boses galing sa likod. Napalingon ako. Babae, medyo matangkad, maputi, short hair hanggang leeg (medyo natatakpan yung kalahating mukha niya ng bangs niya). Hindi medyo chubby. Hindi rin sobrang payat. Yung pagka-payat niya e sexy tingnan, proportioned sa height niya (tantiya ko nasa 5’6). At higit sa lahat, maganda. Parang artista. Kutis pa lang, parang hindi pa nagkakasugat o dinapuan ng lamok. Napatingin ako mula ulo hanggang paa. Naka-running shoes siya, maong shorts na hindi naman gano maigsi, t-shirt na pula at baseball cap na pula. Bale yung mukha niya e nahaharangan ng cap at yung kalahati e yung bangs.

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!