There’s My Bespren

Photo Credit: realsneak.com

Tatlong kaibigan…iisang kapalaran.

Ito ay totoong kwento mula sa isang bahagi ng nakaraan ng may-akda.

***

Tatlong Kaibigan.

Si Dodong ang unang-una kong naging kaibigan. Rommel ang tunay niyang pangalan pero hindi ko alam kung bakit siya naging Dodong, hindi naman sila bisaya.

Bukod kasi magkapitbahay kami noon, ang aming dalawa pang nakatatandang kapatid ay pare-parehong magkakaibigan din. Kasing-edad ko siya, kasing laki at kasing kulit. Madalas akong tumambay noon sa bahay nila pero bihira siyang pumunta sa amin, kasi medyo takot siya sa lola ko na ewan ko naman kung bakit.

Alam kong mahirap kami noon pero mas mahirap ang kanilang buhay kasi ang tatay niya ay kargador lang sa palengke at wala namang trabaho nanay niya. Pero kadalasan mas masarap ang ulam nila kesa sa amin – siguro dahil nga nagtatrabaho sa palengke tatay niya, nakakadiskarte ng mga isda at karne pag-uwi.

Magkasama kami palagi sa pagpasok sa iskul dahil mula grade one ay kaklase ko na siya. Kaya halos araw-araw kaming dalawa ang magkalaro. Magkakampi sa baril-barilan. Magkalaban sa syato. Magkaaway sa holen. Magkakampi muli sa patintero.

Magkasama kaming tumatalon sa dagat mula sa riprap kahit kasabay naming lumalangoy ang mga yellow submarine na nagkalat sa paligid. Nag-aagawan kami sa paghanap ng bahay ng gagamba kahit abutin na ng dilim, tapos kaming dalawa rin ang magsasabong ng mga ito hanggang sa maubos ang aming alaga.

Siya rin ang nagturo sa akin kung paano gumawa ng gloves mula sa mga sira-sirang bag na anit. Tinatahi namin ito ng makapal na sinulid hanggang maghugis gloves saka kami maglalaro ng baseball. Siya madalas ang pitcher kunwari at ako ang catcher.

Minsan isang hapon, katulad ng madalas naming nakagawian, nagtreasure-hunting kami sa tambakan ng basura , isang dumpsite na malapit sa aming baranggay. Naghahanap ng kahit na ano na sa tingin namin ay mapapakinabangan – laruan, bote, lata o minsan mga barya.

Pinulot ko ang isang buto ng mangga, medyo sariwa pa ito ngunitt wala nang bahid ng laman na animo’y hinimuran ng isanlibong aso.

“Ano gagawin mo diyan?”

“Wala”, sabi ko. “Pero pwede ‘ata nating itanim ito, di ba?”

“Itapon mo nga iyan, baka mamaya mula ‘yan sa tae ng tao tapos hinawakan mo pa”, sabay dura sa lupa.

Sinipat kong maige ang buto. “Gago, sa laki nito kakasya ba ito sa puwet ng tao?” Pero hindi ko naisip na wala namang lulmululon ng buto ng mangga, ‘di tulad sa santol.

“’Lika, itanim natin sa likod ng aming bahay. Malay mo lumaki at mamunga paglaki natin,  e di may aakyatin na tayo.”, aya ko sa kaniya.

Kahit ayaw niya, tinulungan pa rin niya akong maghukay at ibaon ang buto sa lupa.

Lumipas ang mga taon, tumubo nga ang mangga at nanatili kaming magkaibigan hanggang grumadweyt sa elementary.

Pero nung hayskul, unti-unti na kaming nagkaroon ng sari-sariling kaibigan hanggang sa hindi na kami masyadong nagkikita. Bago ako grumadweyt ng hayskul, nabalitaan ko na lang na pumunta na siya sa Maynila para magtrabaho daw ayon sa nanay niya.

Nang tumuntong ako ng hayskul may isang paslit na laging nakabuntot sa akin. Dahil mag-isa akong nakatira noon sa bahay namin sa bayan mula first year, siya ang laging kasa-kasama ko at kakwentuhan.

Siya si Panto, Crisanto ang tunay na pangalan pero ‘Pattern’ ang tawag ko sa kaniya. Dahil mahilig pa rin ako noon sa laro, siya ang lagi kong kasama saan man ako magpunta.

Solong anak si Panto kaya spoiled at makulit. Lagi pang sinasaktan ng kaniyang ama kapag nalalasing. Dahil dito itinuturing siyang pasaway ng mga tao sa aming lugar – palaaway at barumbado sabi nila. Pero naging malapit sa akin ang bata. Marahil ay itinuturing niya akong isang kapatid na wala siya. At saka matino kapag ako ang kasama kaya nga natuwa ang kaniyang ina nang malamang madalas ito sa bahay.

Minsan ay nakatuwaan kong gumawa ng ‘scooter’ para laruan. Eto yung gawa sa tabla na may tatlong gulong na bearing – dalawa sa likod at isa sa unahan na pwede mong imaniobra. Kailangan nga lang itulak sa likod ang nakasakay para tumakbo ito at dapat ay sa isang sementadong kalsada lang.

“O, tulak pa! Ang bagal mo, bilisan mo ah!”, sigaw ko kay Panto habang lawit na ang dila nito sa pagod.

“Ako naman, kanina pa kita itinutulak hindi pa ako nakakasakay”, angal nito sa akin.

“ Sino ba gumawa nito?”

“Ikaw!”

“Yun pala eh, hala tulak”

“Itulak mo sarili, hala, ayan na ang guwardiya!” sabay karipas ng takbo at iniwan ako.

Minsan namang katatapos lang ng bagyo, katulad dati napagpasiyahan naming dalawa na magtreasure-hunting sa mga nasirang bahay. Ang puntirya namin ay mga aluminum na palanggana, kaserola, kaldero at takore na naanod ng baha. At saka mga wire ng kuryente na susunugin namin para kunin ang tanso sa loob nito.

Nang makaipon, isinild namin ito sa sako at saka ibenta sa junk shop kahit alam naming buo pa yung mga kaldero ng aming mga kapitbahay na napulot.

Ang napagbentahan ay umabot ng kuwarenta ‘y siyete pesos. Ang hatian ay 50-50 sabi ko – beinte syete sa akin, beinte sa kanya.

“Bakit ganun, akala ko ba hati tayo?”, reklamo na naman ni Panto.

“Huwag ka na umangal, sino ba ang mas matanda sa atin?”

“Ikaw!”

“’Yun naman pala eh, halika na manood tayo ng sine. Palabas ang Superman IV ngayon. Kaniya-kaniya tayo bayad sa pelikula, akin ang sopdrinks pero sa’yo ang siopaw, okey?”

“Ayos!”, habang nakamulagat ang mata sa hawak na dalawang sampung pisong papel sa kamay nito.

Tumagal din ang ganung pagkakaibigan namin hanggang sa grumadweyt ako ng hayskul. Nagkaroon ako ng batang kapatid at kalaro sa katauhan ni Panto.

Ngunit tulad ni Dodong, naputol din ang aming friendship ng magcollege na ako. Medyo nagmature na kasi ako ng konti habang siya ay batang-isip pa rin.

Hanggang sa namatay ang kaniyang ama at si Panto ay nalaman kong tuluyan nang naging pasaway.

Si Pipin ay matagal ko nang kakilala at kaibigan din. Ngunit mas naging malapit kami simula noong magcollege na ako. Palibhasa kasi yung nililigawan niya na kaibigan namin pareho ay kapitbahay lang namin.

Hanggang sa naging madalas na rin siya sa bahay para makipaghuntahan. Ako naman ay tinutukso niya sa kaibigan din ng kaniyang nililigawan ngunit dahil meron na akong napupusuang kaklase ko noon, hindi ko na magawang pomorma pa sa ibang babae.

Dahil dito naging madalas ang aming pagsasamang apat sa pamamasyal, pagsimba, pagpunta sa mga sayawan para lang may kapartner ang bawat isa. Pero ang totoo, chaperone lang naman talaga ang papel ko.

Sa akin din niya madalas ikwento ang tungkol sa pag-ibig nya sa aming kapitbahay na ilang taon na rin niyang sinusuyo. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi siya nito masagot-sagot eh ayaw din namang bastedin.

Nang malapit na siyang grumadwyet sa college (Education ang kurso niya, ako naman ay Engineering) at mauuna sa akin, inaya niya akong uminom bilang selebrasyon daw. Napag-usapan namin ang tungkol sa buhay-buhay at mga plano niya.

“Buti ka pa gagradweyt na, samantalang ako isang taon pa ang bubunuin sa Engineering. Ano ba balak mo?” tanong ko sabay tagay ng gin.

“ Take ng board exam, tapos kapag pumasa dito na ko magtuturo sa atin.”

“Ako siguro, pupunta ng Maynila saka dun magtatrabaho at marahil dun na rin makapag-asawa,” sambit ko naman.

“Buti ka pa, ako baka yayain ko na lang magpakasal yang si Cecillia kapag may trabaho na ako.”

“Bakit sinagot ka na ba?” kantiyaw ko kay Pipin.

“Hindi!”

“Ulol, tumagay ka na lang”.

Iyon na ang huli naming seryosong usapan. Bago ako grumadweyt ng college nabalitaan kong nakapasa na siya at nagtuturo na rin. Nakatanggap pa ako ng card mula sa kaniyang nililigawan at sa kaibigan nito na hindi ko na alam kung saan ko naitago.

***

Iisang Kapalaran

Ilang buwan bago ako ikasal, umuwi ako ng probinsiya mula sa Maynila. Tumuloy ako sa aking kuya na nakatira na ngayon dun sa bahay namin kung saan ako tumira nung hayskul.

Kuya, musta na nga pala sina Dodong, Panto at Pipin? Ano balita sa kanila?

Alam ng kuya kong mga dating kaibigan, bespren, ko ang mga iyon.

Si Dodong ay umuwi na dito mula sa Maynila. Naging adik doon kaya ayun nagkasakit. At kahit maysakit na tumitira pa rin ng rugby at corex saka madalas mahuli ng pulis na nagnanakaw dito. Ilang beses na ring labas –masok sa kulungan. Ilang buwan na ang nakararaan, ayun namatay dahil sa sakit. Parang kalansay na nang huling makita ko bago mamatay.

SI Panto naman naging basagulero at pasaway dito sa baranggay. Nasaksak minsan sa sayawan pero nabuhay. Kaya lang nang lumabas, walang nag-asikaso dahil yung nanay nya ay nag-asawang muli at pinabayaan na siya. Ilang buwan na rin nang namatay halos kasunod ni Dodong.

Si Crispin, si Pipin ay nagtuturo sana. Isang araw bigla na lang daw natumba sa harap ng kaniyang mga estudyante. Hindi ko alam kung ano ang naging sakit pero patay na bago pa man umabot sa ospital. Nakipaglibing pa nga kami ni ate mo.

Hindi ako makapaniwala sa sunod-sunod na balitang natanggap ko mula sa aking kapatid tungkol sa aking mga dating kaibigan.

Habang patuloy ang buhay ko sa Maynila, isa-isa naman palang nalagas ang aking mga bespren.

Nang makabawi ay umikot ako sa likod ng bahay.

Nakita kong nakatayo pa rin ang manggang itinanim namin ni Dodong noon. Mayabong na ito, namumunga na rin daw at mukhang matatag sa kabila ng mga bagyong dumaan sa aming lugar.

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!