The Traffic State of Mind

Wow. Mukhang yun lang masasabi ko sa balitang ito ah. At nata-traffic pa yata ako sa utak ko, maliban pa sa literal na traffic pa sa mga gaya ng EDSA at C-5, mga pila sa terminal sa entrance, ng mall at sa cashier; at ultimo ang internet connection ko, nata-traffic din habang sinusulat ko ‘to.

Actually, hindi lang pala ‘wow.’ Masyado na ngang maraming salita na nailahad ko rito eh. Pero “traffic is a state of mind?”

Wow, ha? Talaga lang ha? Guni-guni lang pala ng marami ang mga hassle sa traffic sa metro, ano? Na kahit hindi rush hour ay mas matindi pa sa mga nagdaag ordinaryong araw ang traffic, ganun po ba?

O dili naman kaya ay ganito?: “Even when there was no traffic, (people say) there was.”  Aniya, masyado tayong nega na pag ang mga gaya ng EDSA, C-5 at iba pang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang babanggitin, awtomatikong sasabihin na ng marami sa atin ay “Punyeta naman, ang traffic!”

Dagdag ni Tugade, “A state of mind adds to the problem of traffic.”

Ayos rin naman kung tutuusin ang pinupunto ng naturang secretary ng Department of Transportation. Nagiging excuse naman rin kasi ng marami sa atin ito kaya sila nale-late. Kaya ayon sa kanya at pati na rin sa spokesperson ng ahensya na si Cheri Mercado, dapat ay mag-adjust rin tayo. Wag lang basta puro sisi.

“Let’s stop blaming traffic. If you’re late, that’s that.”

Point taken. Pero hindi sa lahat ng sitwasyon kasi ay magiging ganap na applicable yan. Lalo na kung may mga pagkakataon na nagresulta sa ganun, gaya na lamang ng mga aksidente sa kalye, may biglang proyekto ang local government/Manila Water o Maynilad/atbp.  Mas masaklap kung literal na biglaan o ni walang pang-abiso ang mga ‘to.