Teofisto “TG” Guingona III

 Maagang namulat ang mga mata ni Senador Teofisto “TG” Guingona III sa mga hindi kanais-nais na katotohanan na nangyayari sa ating bayan.

Sa edad na 19, nakulong siya kasama ang kanyang ama na si Teofisto “Tito” Guingona Jr. at ina na si Ruthie de Lara Guingona sa bilangguan ng Bicutan.

Taong 1978 noon, kasagsagan ng Batas Militar ni Marcos, nang damputin sila ng mga pulis habang nag-mamartsa sa kahabaan ng Espana Blvd. sa may Maynila. Kasama ang buong Ateneo Student Council at mga iba pang personalidad tulad nina dating-Senador Lorenzo Tanada at Soc Rodrigo, nagsagawa sila ng kilos-protesta laban sa mga pandarayang naganap noong 1978 Senatorial elections kung saan tinalo nina dating First Lady Imelda Marcos ang partido nina Benigno “Ninoy” Aquino Jr., 8-0.

Kasama sa nadayang Senatorial ticket ni Ninoy ang ama ni Guingona III. Bagama’t tatlong araw lang nakapiit si Guingona III, marami na siyang kalunos-lunos na bagay na nakita sa loob ng kulungan dahil sinama rin sila sa mga pangkaraniwang bilanggo tulad ng drug addict at magnanakaw. Ani ni Guingona III “lubos akong naawa sa isang bilanggo dahil madalas siyang pasuin ng upos ng sigarilyo sa dahilang kursunada lang itong gawin ng isang jail warden.  Hindi ko rin masikmura ang masamang pagkain, maruming kapaligiran at ang maliit na selda kung saan nagsisiksikan ang mga bilanggo”.

Marahil isa na itong dahilan kung bakit naisip ni Guingona III na manungkulan bilang public servant- upang itama ang mga maling nagaganap sa ating lipunan. Nguni’t mayroon rin siyang ibang dahilan.

Teofisto Guingona: Tatlong Henerasyon

Pinanganak si Teofisto Guingona III sa Maynila noong Abril 19, 1959. Ama niya si dating Bise-Presidente Teofisto “Tito” Guingona Jr. at ina niya si dating Gobernador Ruthie de Lara ng Misamis Oriental. Lolo rin niya si dating Gobernador Vicente Botao de Lara Sr. ng Misamis Oriental at si Gobernador Teofisto Guingona Sr. Si Guingona Sr. ang kauna-unahang Gobernador ng buong Mindanao at Sulu noong panahon ng mga Amerikano (1918-1920).

Lihis sa kaalaman ng marami, si Guingona Sr. ay isa ring Katipunero na lumaban sa mga Kastila noong panahon ng himagsikan. Noong 1952, kay Guingona Sr. sumuko ang isang mabangis na rebeldeng Muslim na si Haji Kamlon. Sa kalaunan, sumuko na rin ng tuluyan si Kamlon kay Pangulong Ramon Magsaysay. Sumusunod lang ba si Senador TG Guingona sa yapak ng kanyang mga ninuno?

Marahil, isa na itong dahilan kung bakit napasabak siya sa mundo ng politika. Bagama’t aminado si Senador TG Guingona na malaki ang naitulong ng pangalan ng kanyang mga magulang at lolo sa kanyang kasakuluyang katayuan, “good advice” lamang ang naitutulong ng kanyang ama at ina sa kanyang trabaho bilang Senador.

Sa kasalukuyan, si Senador TG Guingona ang Chairman ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee ng Senado. Ang pangunahing layunin ng Blue Ribbon Committee ay mag-imbestiga ng lahat ng anomalya na nangyayari sa ating pamahalaan at, itama ito kung kailangan. Galit siya sa Buwaya Taong 2004 nang nanalo ng dalawang termino si Teofisto Guingona III bilang Congressman ng Ikalawang Distrito ng Bukidnon.

Dito rin sa mga panahong ito natagpuan ni Guingona III ang pinaka-mabagsik niyang katunggali sa politika- si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, na nakaupo bilang Pangulo ng ating bayan. Dahil sa pagtutol ni Guingona III sa maraming anomalya na nangyayari sa pamahalaan, maaga niyang nakuha ang galit at gigil ng dating Pangulong Arroyo. Bilang ganti, kaagad na pinaputol ang pagbigay ng PDAF (Priority Development Assitance Fund) kay Guingona III.

Ani ni Guingona III “lubos akong nahirapan na magpaliwanag sa aking mga kababayan sa Bukidnon. Hindi ko natupad ang pangakong ipapaayos ang aming lugar. Natigil rin ang aming mga proyektong pang-edukasyon, pang-kalusugan at pang-medicina”. Isa rin sa mga kasama ni Guingona III na pinutulan ng PDAF si dating Rep. Darlene Antonino Custodio ng 1st District of South Cotabato. Mariing nilang tinutulan ang mga katiwaliang nangyayari sa pamahalaan noong mga panahong iyon. Datapwa’t pinutulan si Guingona III ng PDAF, mayroon pa rin siyang mapagmamalaking proyekto- ang “Socialized Housing Scheme”. Maraming mahihirap na pamilya sa Bukidnon ang nakinabang dito. Bagama’t pinagkaitan siya ng PDAF, mayroon namang tulong na dumating galing sa mga pribadong mamayanan.

Noong taong 2010, tumakbo si Guingona lll bilang Senador at ang gamit niyang adbokasiya ay “Galit sa Buwaya”. Galit na galit talaga si Guingona III hindi lang sa mga “buwaya”, pati na rin sa mga gawaing hindi tama. Kaya noong nanalo siya bilang Senador, kaagad niyang tinutukan ang pagpapatalsik kina Ombudsman Merceditas “Merci” Guttierez at Chief Justice Renato C. Corona. Sabi ni Senador Guingona III “malinaw yun na nakasaad sa ating Saligang Batas na bawal na mag-appoint si Gng. Arroyo ng bagong Ombudsman at Chief Justice dalawang buwan bago matapos ang kanyang termino”. “Nakasaad ito sa Section 15 Article VII (Executive Department) ng ating Saligang Batas” dagdag pa ni Guingona III. Si Guingona ay isang practicing lawyer at miyembro ng IBP (Integrated Bar of the Philippines).

Di-kalaunan, kusa na lang umalis sa puwesto ng Ombudsman si Gng. Guttierrez noong Mayo 29, 2011. Pagkatapos ng isang taon, napatalsik naman si Chief Justice Renato Corona ng Senate Impeachment Court bilang pinuno ng Kataas-taasang Hukuman. Mayo 29 rin ito, nguni’t ang taon ay 2012. Sa kasalukuyan, tinututukan ni Senador Guingona III ang kontrobersial na kasong“Helicopter Scam” kung saan bumili ang PNP (Philippine National Police) ng mga segunda-manong helicopter nguni’t pinalabas itong mga”brand new”. Mga “bigating” personalidad ang mga pinaghihinalaang kasangkot dito. Mabait si TG Mukha namang napaka-bagsik nitong si Senador Teofisto TG Guingona. Mukhang araw-araw galit siya sa mga “buwaya” at mga “anomalya”.

Kung matatandaan natin, pinagbubulyawan ni Guingona III ang ilang mga pulis na pinaghihinalaang nasangkot sa Helicopter Scam sa isang hearing sa Senado noong nakalipas na taon. Bagama’t napakaseryoso talaga ng tungkulin niya bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee sa Senado, hindi alam ng marami na napakabait na tao nitong si Senador TG Guingona III .

Ani Emmanuel ‘Soy’ Lagman “sadyang malakas lang talaga ang boses ni TG kasi dati siyang Corp Commander namin sa CAT (Citizen’s Military Training) noong High School. Si TG ay isang napakabuting kaibigan at kung minsan pa ay ‘kalog’. Noong nasa Kolehiyo naman kami, tanging Biyernes lamang ang hinihintay namin upang makainom ng kaunting beer sa paborito naming hang-out, sa Tong Long restaurant sa may Katipunan Ave”.

Si Soy ay kaklase at malapit na kaibigan ni TG sa Ateneo de Manila University mula Elementarya hanggang Kolehiyo. “Walang pinag-bago ang katauhan ni TG Guingona III. Tatlongpu’t isang taon na ang nakalipas mula noong nakatapos kami sa Kolehiyo, nguni’t si Senador Teofisto TG Guingona III ay isa pa ring mabuti at tapat na kaibigan- mabait, di-abusado, magalang at mapag-kumbaba” dagdag pa ni Soy. Si Senador TG Guingona ay kasal kay Atty. Victoria “Vicky” Garcia Guingona, kaklase niya sa Ateneo Law School. Mayroon silang isang anak, ang 19-anyos na si Roberto “Bobby” G. Guingona. Bise-Presidente TG Guingona sa darating na Panahon?

Sa ngayon, walang kaduda-duda na si Senador Teofisto “TG” Guingona III ang isa sa pinakasusubaybayang personalidad na galing sa Ateneo de Manila University.

Ang tanong ng marami ay “susunod kaya siya ang yapak ng kanyang ama na si Teofisto “Tito” Guingona Jr. na naging Bise-Presidente natin noong mga nakalipas na taon?

Ani Guingona III, “wala sa isip ko ngayon yan”.

Bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee , mariing kong tinututukan ang mga kaso ng katiwalian na nangyayari sa ating pamahalaan. Mayaman sana ang ating bayan, nguni’t marami sa ating mga kayamanan ay nauubos lamang sa mga proyektong walang kasaysayan dahil maanomalya ito o dahil matatawag natin itong isang “ghost project”. Ang mga “ghost projects” ay isang kathang isip lamang at mayroong iilang mga “corrupt” na opisyal ang nakikinabang dito. Kapag nabawasan natin ang mga katiwaliang ito, tiyak na uunlad na ang ating mahal na bayan”.

Sa kasalukuyan, isa si Guingona sa mga convenors ng Kaya Natin!, isang kilusan para sa mahusay na pamamahala at etikal na pamumuno. Isa rin siya sa mga tumututol sa “Anti-cybercrime law”.

Teofisto “TG” Guingona III ni George M. Hizon

Enhanced by Zemanta