Tatlong Dagli: Unang Paspas

flashfiction

Ang dagli o flash fiction sa Ingles ay isang anyong pampanitikan na isang maikling-maikling kuwento. Binubuo lamang ito ng ilang daang salita, karaniwan na ang 200-400 salita. Sa seryeng ito na pinamagatang Tatlong Dagli, sisikapin ng awtor na makapagsulat ng tatlong flash fiction kada linggo na tatalakay sa iba’t ibang paksa.

Kasabikan

 Mahigit treinta pesos ang pinagbilhan niya sa mga boteng inipon niya nang mahigit dalawang linggo. Dapat nga beinte-otso lang. Mabuti’t kilala niya ang magbobote, pinasakto na niya.

Hindi niya napigilan ang ngumiti nang iabot sa kanya ng magbobote ang pera. Bakit nga hindi? Kumpleto na ang dalawandaan niya! Tatlong buwan niya kaya ‘yong inipon. Kahit minsan hindi na siya mag-recess. Kahit hindi na siya makarenta ng computer para makapag-Facebook. Kahit hindi na muna niya mabayaran ang inutang na Zest-o kina Aling Mila. Ang mahalaga, mabibili na niya ang gusto niya!

Tinext niya agad si Rachel. Sabi niya, may pera na siya. Sagot naman nito, magkita na raw sila, para mabili na niya ang gusto niya. Matagal na niyang pinapangarap ‘yon. Simula pa noong mapanood niya ‘yon sa bahay ng Kuya Jessie niya.

At pamaya-maya, nagkita nga sila ni Rachel. Sa loob ng tatlumpung minuto, ubos ang dalawandaan.

Kinabukasan, Lunes. May pasok na siya. Ihing-ihi siya nang magising. Ngunit nang sinubukan niyang umihi ay matinding kirot ang naramdaman niya. At kahit masakit, may lumabas naman. Hindi nga lang ihi.

Kundi nanà.

*

Holdap

            “Holdap ‘to!” hiyaw na lamang ng lalaking nakaupo sa dulo ng jeep.

Napasigaw ang babaeng kolehiyala na katabi ng holdaper. Na napakalaki nitong pagkakamali. Ayaw yata ng holdaper sa maiingay. Tinakpan agad nito ng kamay ang bibig ng kolehiyala at itinutok ang baril na hawak sa sentido nito.

“Ilabas niyo ang mga pera niyo!” sigaw sa’min ng holdaper. Bata pa. Wala pang beinte-singko. “Pati mga cellphone, alahas, lahat! Dali! Kundi papatayin ko ‘to!”

Tumalima agad sila. Nagsilabasan ang mga pera, cellphone, at mga alahas. Walang tumutol. Walang nanlaban. Matatalinong tao, sa isip-isip ko.

Habang nangyayari ‘to’y walang kamalay-malay na natutulog ang isang ale sa likod ng drayber (Teka, bakit hindi humihinto ang drayber? Walang karea-reaksyon! Tatandaan ko plate number mo, loko!).

“Gisingin mo!” singhal sa ‘kin ng holdaper.

Tinapik niya ng makatatlong beses ang ale bago ito naalimpungatan. Napatingin ito sa akin saka sa holdaper.

“Benedict?” hindi makapaniwala ang tinig ng ale. “Ikaw na ba ‘yan?”

Natigilan ang holdaper. Nanlaki ang mga mata. Namutla. Nabitawan ang baril.

“Para na!” sigaw nito at dali-daling huminto ang jeep.

Tumingin muna ang holdaper sa ale. Punum-puno ng hiya ang mukha nito. Para ngang maiiyak pa.

Sorry po, Ma’am!”

At saka ito bumaba.

 *

Menudo

            Binalaan na siya ng class president.

Pagpasok niya ng klasrum ay sumalubong sa kanya ang napakasangsang na amoy. Pinigilan niya ang kanyang palad na noo’y ibig niyang itakip sa kanyang ilong. Sabihin pa ng mga bata’y kay arte-arte niya.

Pawis na pawis ang mahigit animnapung 3rd year high school student na kaharap niya. Ang iba’y apura-pisik ng pabango upang pansamantalang mawala ang mabahong amoy.

Hindi siya makakapagklase nang matino ‘pag ganito ang sitwasyon.

“Okay, class,” pahayag niya, “palalabasin ko muna kayo sa loob ng dalawampung minuto. Manatili lang kayo d’yan sa garden. ‘Yong kailangang magbanyo, magbanyo na.”

Sa tingin niya, iyon ang pinakamainam gawin.

Isa-isang nagsilabasan ang mga bata. Noo’y natanaw niya ang isang babaeng nagpapahuli sa mga lumalabas. ‘Yong mahiyain. ‘Yong ‘di pa ‘ata n’ya naririnig ang boses. Si Carla. Napansin niyang nangingitim nang bahagya ang likuran ng palda nito. Parang basa.

Sa labas ay nanatili at nag-umpukan ang mga bata sa lilim ng mga puno. Si Carla, nakahiwalay mula sa mga ito. Naisipan niyang maglakad papunta sa dalaga upang kausapin ito. Ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ay tila naunawaan nitong alam na niya.

Walang anu-ano’y nagtatakbo ito palayo, pumapalahaw ng iyak.

 *

Paki-follow po kung gusto: www.facebook.com/kennethpabilonia

About Kenneth Pabilonia

Dalawa lang naman ang pangarap ni Kenneth Pabilonia: ang magturo at ang makapagsulat. Dalawang taon na niyang nakamit ang una, binubuno naman niyang matupad ang pangalawa. Hangga't binata, inaambisyon din niya na makakuha ng Master's Degree sa isang unibersidad sa Maynila. Hilig niya ang pagbabasa, at madalas siyang bumili ng mga librong wala naman siyang panahon para basahin. Sa kasalukuyan, madalas siyang makikita sa mga klasrum, koridor, at kantin ng Virgen delas Flores High School sa Baliwag, Bulacan. Kung gusto mo lang naman, maaari siyang sundan sa facebook.com/sirpabi
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!