“Swer3”

Sabi nila may pera sa basura. Kaya sa mga basurang itinatapon natin may makikita pa rin tayong mga kapwa Pinoy na naghahalungkat sa basurahan, nagbabakasakaling makakuha ng mga basurang puwede pang ibenta gaya ng bakal, karton, plastic, o mga bote ng alak.

Sa isang araw mong pagtitiyaga, sigurado, ikaw ay may nilaga.

Pero ang kuwento kong ito ay kabaliktaran. Wala akong nakitang bakal, karton, plastic o bote ng alak sa isang basurahan na aking nadaanan; bagkus, nakakita ako ng pera – perang ibinasura.

11 AM. 4 PM. 9 PM. Tatlong beses sa isang araw. Parang almusal, tanghalian at hapunan. Yan ang Suertres na kinababaliwan ng milyun-milyong Pilipino. Siguro kahit ikaw na nagbabasa nito ngayon ay tatango sa akin at sasang-ayon. Sino ba sa atin ang hindi magbabasakaling manalo? Sa sobrang hirap ng buhay  ngayon sa kahit anong paraan para kumita ng pera ay ating papatusin. Kahit ito’y sugal pa.

“Ang taong gipit, sa patalim kumakapit.” – kasabihang akma sa mga mahihilig magsugal, lalo na sa Suertres  na halos buong araw ibinababad natin ang ating oras sa kaka-compute o kaka-angle makuha lang ang tatlong swerteng numero! Yung iba naman sa mga “bigay” o syndicate numbers umaasa. Yung iba naman may mini-maintain na numero, yun lang ang pupustahan palagi usually for 3 days pero yung iba ang lupit “die-hard” sa kanilang numero kahit abutin pa ‘to ng isang taon kakapusta – maintain pa rin! Pero ang nakakatawa na may halong dismaya ay kung nanalo ang numero mo at hindi mo napustahan. Bakit nga ba kaya kung ano pa yung binitawan mong numero, ‘yun pa ang nananalo?

Magkaganun pa man, kahit araw-araw ay talo, marami pa rin ang pumupusta.

Gaya nung nakita kong isang basurahan na puno ng mga talong tikets, kung iko-convert ko ‘to sa pera, ay mga ilang libo na kaya ‘yun? Ang dami na sana nun nabiling bigas, kape, gatas, asukal at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.

Ang Suertres ay nakasalalay sa tiyansa. Pag talo tayo, ‘yun ay talagang disgrasya at hindi dahil slide yung napustahan nating numero. Dahil talo, magpupumilit na naman tayong bawiin ang perang naipatalo. Ang isang beses ay naging dalawa, tatlo, hanggang hindi mo na mabilang kung ilang beses kang natalo?

Sabi ng suki kong padyak drayber na si Manong Cesar, matagal na daw niyang tinigilan ang Suertres, magta-tatlong taon na. Yung ipupusta niyang 60 pesos para sa isang numerong maintain niya sa isang araw, 10 pesos; target/rambol; 11AM-4PM-9PM, ay minabuti niyang ihulog ‘to sa alkansya.

Sa isang araw pag malaki ang kita sa pagpapadyak, 60 pesos ang kanyang ihuhulog, pag sakto lang ang kita, 20 pesos ang kanyang inihuhulog. Sa loob ng isang taon, meron siyang ipon na  mahigit-kumulang sampung libo. Para na rin daw siyang nanalo ng 20 target na 3D numero.

Nakakatuwa. Sana ganun lang kadali. Kasi para sa mga nakaranas na ng suwerte sa Suertres, ibang usapan na. “Bahala na si Batman” ika nga. Naranasan na nila manalo, bakit pa magpapatalo?

Naalala ko tuloy yung kauna-unahang tatlong numero na pinustahan ko. 8-8-9. Wow! Panalo! ‘Yung sampung piso ko naging one five. Rambol lang kasi pusta ko. Kung hindi pa ako hinikayat at e-challenge ng kasamahan ko sa trabaho na mag analyze ng numero kasi nga daw “Analyst” trabaho ko, eh hindi ko pa alam na ganun lang pala kadali mag “analyze” ng numero. Simula noon, kinarer ko na ang Swertres. Kung sa panalo vs talo, mas nakakalamang ang panalo. Naranasan ko ring manalo sa isang araw – three draws. Rambol nga lang. Pero siyempre nakaka-target din! Ang Swertres sa akin ang nagsilbing ‘financer’ para sa aking almost 500 pesos daily medications. Kung hindi ako pupusta sa tsansa, eh wala talagang tsansang matustusan ko ang aking pangangailan, lalo na sa napakalaking halaga para sa dalawang taon titiisin ng bulsa ko para sa gamutan – na sa awa ng langit at ng Suertres,  nairaos din kamakailan lang.

Kaya nang mapatingin ako ulit sa basurahan na puno ng perang natalo, na-MMK mode tuloy ako, hindi naman araw ng Sabado. Wala lang. Naalala ko lang, at the same time nag-aalala, kasi feeling ko eto na naman ako, pupusta. Pang Rehab Medics ng spine, 12 sessions kakailanganing tapusin. Kung i-aasa ko sa suweldo, malamang abutin pa ako ng isang siglo. Tagal pa kaya nun. Ngayon na lang.

Tatlong numero. Dalawang tsansa. Manalo o matalo? Perang ibubulsa? O perang ibabasura? Ano ba talaga? Swerteng swertres nga ba? O Sure stress?

Gayunpaman, wala nang Juan Tamad na natutulog sa ilalim ng punong-kahoy ngayon. Pinagtibay na siya ng panahon. ‘Asan na siya?

Ayun sa isang sulok.

Busy sa kaka- angle at compute.

4-2-0. Rambol. Kagabi.

Swerte.

Walang masu-shoot na talong tiket sa basurahan.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!