Strangers Again

love_cycle-wide1“Nakakasawa na, paulit-ulit na lang na ito ang pinag-aawayan nating dalawa. I quit, I give up, ang hirap kasi sa iyo masyado kang selfish, sarili mo lang ang iniintindi mo! Sa isang relasyon kailangan ng give and take! Magsama kayo ng religion mo!
Mga huling salitang sinabi mo sa akin noon…

Nakita kita, ngumiti ako, inakala kong ngingiti ka ngunit hindi mo ako pinansin. Parang hindi mo na nga ako kakilala. Hindi sinasadyang nagkatabi tayo sa upuan ng jeep, umiwas ka at bumaling sa ibang direksyon. Magkasabay tayong nagtungo sa paborito nating kinakainan pero hindi na ako ang kahawak-kamay mo. Umorder ako ng paborito nating pagkain pero hindi na ikaw ang nagdala nito sa lamesa. Siya na ang inaasikaso mo ngayon, hindi na ako, dahil nga naman siya na ang itinitibok ng puso mo. Magkalayo man tayo ng pinag-upuan pero nakita ko kung gaano ka kasaya sa piling ng ibang tao.

Nagbukas ako ng Facebook at nakatanggap ng notification mula sa iyo. Masaya pa rin ako dahil hindi mo pa ako inaalis sa friend’s list mo ngunit nang buksan ko ang notification, larawan niyo lang pala ng girlfriend mo noong isang araw na kumain kayo at na-tagged ako dahil hagip ang mukha ko sa likuran.

Binisita ko ang profile mo para makita kung anong bago, stalker na kung stalker pero hindi ba friends tayo? Ang dating lampas benteng album natin noon ay burado na at syempre larawan niyo na lang ng bago mong nobya ang natira. Nag-PM ako sa iyo pero na-seenzoned mo lang ako at pagkatapos nga’y hindi na kita natagpuan sa friend’s list ko dahil nakablock na ako.

Masakait man sa akin, pero kinailangan ko na ring burahin ang mga album nating dalawa dahil nag-message ang girlfriend mo, “bakit daw may mga pictures pa tayo”. Hindi ka pa nakuntento, nagtext ka pa na burahin ko na ang number mo, sabay tanggap ng mga iniregalo ko sa iyo noon na ipinabalik mo sa kapatid mo.

Ganoon ba kadaling burahin ang apat na taong pinagsamahan? Wala bang natira sa dati nating pagmamahalan? Samantalang noon sobrang pursigido kang malaman ang numero ko ngunit ngayon ay parang basura na lang na itinapon.

Dati-rati’y ako ang kasama mo, at nagsumpaang hindi maghihiwalay ngunit ngayon tila nabura na sa ala-ala mo ang lahat sapagkat galit na lang ang natira sa puso mo.

Sa tuwing nakikita ko ang mga lugar na ating napuntahan, mga gawain noon ay masayang pinagpapaguran, mga kantang tinawan at iniyakan, mga pagkaing isa-isang tinikman, problemang pinag-awayan at sinolusyunan, naisip kong sa isang relasyon pangkaraniwan na lamang na ito ay makalimutan lalo’t higit kung hindi maganda ang pinagtapusan.

Estranghero tayo noon na naging magkaibigan, nagmahalan at nangarap. Estranghero na tayo muli ngayon na natuldukan pati ang pagkakaibigan.

Strangers again.

About isanggatang

The more you expect, the more you hurt... The more you try, the more you become stronger... The more you express, the more you feel better... The more you write, the more you become a human... Live...write..express.. SHOUT...FIGHT.. EMBRACE LIFE