SONA AT ANG ATING BANSA : Part 6 Ano na, kapwa ko mamamayan?

(Photo Credit: www.yourhotelrecruitment.com.au)
(Photo Credit: www.yourhotelrecruitment.com.au)
(Photo Credit: www.yourhotelrecruitment.com.au)

Ito na ang huling bahagi ng aking munting pananaw tungkol sa ating lipunan, lahat na ng klaseng pagpupuna ay atin nang ginawa, pinansin o dili kaya’y binatikos.

Lahat ng anggulo ay atin na ring tinalakay at hinalukay.

Pero may isang elemento pa tayong dapat bigyan pagpapahalaga kung nais nating makamtam ang sinasabing ginhawa sa buhay.

Ito ay ang kapwa ko mamamayan na siyang dahilan kung bakit tayo nasa ganitong katayuan.

Madalas sa atin kasi ang mahilig manood o dili kaya ay magwalang-kibo. Hahayaan na natin na ang mga katiwalian ay dumaan sa ating mga mata at kapag pakiramdam natin ay hindi naman tayo apektado ay binabalewala lang natin ito.

Ang lagi nating sinasabi ay kung hindi ‘pareho lang naman lahat ‘yan,’ o dili kaya’y  ‘hindi naman ako apektado so bakit ako makikihalo sa isyu?

Tandaan natin na lahat ng may kaugnayan sa sambayanan ay karamay tayo.

Kahit sa mga malalayong lugar ay apektado tayo dahil iisa ang ating bansa.

Ano man ang makikita ng mata ng ibang bansa sa atin ay magpapakita kung anong karakter meron tayo. Sa ating mga munting paraan ay makakaambag tayo ng kahit maliliit na magandang halimbawa sa kapwa tao. Tulad ng pagbabayad ng tamang buwis, pagpigil sa mga katiwalian tulad ng kurakot tulad ng paghinto sa mga lagay  o padulas para mapadali ang ating mga papeles.

Hayaan nating gawin nila ang trabaho nila at atin lamang babantayan na tama ang kanilang ginagawa. Tayo na rin kasi ang nagbibigay sa kanila ng oportunidad na hingan tayo dahil hindi natin kayang hintayin pa dahil deadline na.

Kung may sapat na panahon na ninyong ginawa ang mga bagay na legal ay hindi kayo maiipit. Sa mga nanghuhuli sa atin na mga pulis o traffic aides, alamin ninyo ang inyong karapatan nang hindi kayo basta paiikutin ng mga ito.

Tandaan ninyo na ang katangahan natin sa batas ang siyang puhunan nila para tayo ay mapagkuhaan ng pera na kanilang ibubulsa. Huwag matakot na ilahad ang mga anomalya na nakikita ninyo at isumbong sa tamang departamento. Siguraduhin lamang na may ebidensiya tayo at ating idudulong sa nararapat na tao.

Sa panahon ng eleksyon ay maging sigurista sa ating iboboto dahil nakasalalay sa atin ang 6 na taon na pamamalakad sa buhay natin. Hindi kailangan ang mga kilalang tao o artista, tignan ang karakter ng bawat isa at pag-aralan ang dapat na iluklok sa pinakamataas na puwesto.

Huwag mag-iisip na si ganito na lang ang iboboto ko o hindi na lang ako boboto kasi sigurado na si ‘kwan’  na ang mananalo.

Walang sigurado sa mundong ito kaya kung kayo ay may napili kahit hindi siya magwagi ay maiisip mong hindi ka naging parte ng problema kung hindi naging mitsa ka ng solusyon.

MAhirap magkaisa dahil sa samu’t saring kulay natin. Hindi lahat ng nababasa sa Facebook o ano mang social media ay tama, may mga tao na nasa likuran niyan para pabanguhin ang isang kandidato.

Hari nawa, sa buhay natin sa kasalukuyan ay makita natin ang bansa natin na umangat at lahat ng mamamayan ay may sapat na kakayahan para mabuhay nang sapat at hind maging sanhi ng lalong pagkalugmok ng ating inang bayan.

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!