Simulan Daw ang Pagbabago sa Sarili? Eh Paano Nga ba???

(Photo Credit: clipartsheep.com)

Nakaloloka ang mga comments ng maraming netizens; may mga nag-aaway-away sa social media. Maraming wagas kung makapanlait at bumatikos. Kapag usapang politika, ang dami lalong nagka-clash sa kani-kanilang patutsada’t opinyon na kadalasa’y nauuwi sa personalan, halukayan ng FB wall at tirahan nang tirahan sa personal na buhay. Minsan, nagmumurahan pa! Pati mga issue sa mga artista, pinag-aawayan din.

Hayyy, buhay nga naman. Ang hirap ba talagang magkasundo-sundo? Wala na raw pag-asa ang ating lupang sinilangan, ayon sa ilan nating mga kababayan.

Wala na nga ba?

Marami rin naman ang nagsasabi na may pag-asang makabangon ang Pinas mula sa mga kinakaharap na pagsubok, bagama’t may mga nagpapahiwatig na hopeless case na raw ang Pinas dahil sa pag-uugali ng mga Pinoy. (As in nilahat na ba? Lahat nga ba?)

May ilan din ang nagpapahiwatig na simulan daw ang pagbabago sa sarili bilang kontribusyon sa pagbabagong-buhay ng buong Pinas.

Paano nga ba?

Try nga nating himayin…

Siyempre, ang unang-una ay i-commit ang sarili na desidido talagang ilagay sa mas matuwid at makabuluhan ang kanya-kanyang buhay; suriin ang pag-uugali at mga pananaw sa buhay. Baka may mga nakagawian nang mga bagay na hindi kanais-nais at mas makabubuting iwaksi na at tuluyang alisin sa pag-uugali. Basta gusto, kakayanin, ‘di ba?

Huwag lang paiiralin ang pride na para bang lagi kang tama at perpekto. ^__^

Hasain ang sarili na maging positibo ang mga binibitawang salita. Kapag natutuksong mamintas, manlait o magmagaling…prrrrttttt! Preno!! Isip-isip muna. Maraming gulo dahil malabis magsalita ang ibang tao. Mabuti rin ‘yung nagpepreno sa sarili lalo kung galit o mainit ang ulo.

Sabi nga … magbilang ka muna nang marami at sabayan ng mabagal at malalim na inhale…exhale…ulit-ulitin. Hayaang lumamig muna ang ulo para makaiwas sa tinatawag na “words spoken in anger.” Diyan kasi maraming napapahamak at nasisirang relasyon.

Iwasan ding puro mga pagkakamali o kapintasan ang nakikita sa kapwa.

Kung susuriin natin, may mga mabubuting bagay sa bawat isa. Cool lang dapat tayo, dahil ang ngitngit na iniipon ay nakapagpapabigat ng kalooban at nakasisira ng mood. Kadalasan niyan, ang talo ay ikaw, kung lagi kang magpadadala sa mga isiping nakaiinis. Be happy lang! Ipagpag lang ang mga nega vibes! Wala talagang perpekto. Umunawa tayo upang tayo rin ay unawain. Law of Attraction. Ang mga bagay na positibo ay humahatak ng mabubuti at magagandang pangyayari.

Subukan ang pagsita sa sarili. ^__^  Oo, tama ang nabasa n’yo.

“O, (pangalan mo), pigil-pigil. Huwag mo nang patulan ang commenter sa post mo. Hahaba lang ‘yan at lalala pa.

Hayaan mo na lang siyang magmukhang tanga dahil “you are what you speak!” Kung hangal ang isang tao at hangal magsalita, siya rin ang nasisira dahil nakikita ng ibang tao na ganoon palang uri siya ng nilalang!

Pagdating sa disiplina, hay naku…wala tayong magagawa sa mga taong nasa paligid natin kung kulang sa disiplina. Sitahin man ‘yan o awayin (lalo na kung hindi mo naman kapamilya) ay hindi ‘yan magbabago dahil napahiya na at baka lalo pang panindigan ang kamalian upang asarin ka. Sarili mo na lang ang sanayin mo sa disiplina at magiging ehemplo ka sa iba.

“O, (pangalan mo), huwag mong itapon ang balat ng kinain mong prutas. Ilagay mo muna sa iyong bag kung walang basurahan. Huwag mong ibato sa kalye o ilaglag sa sahig ng bus/jeep.”

Siyempre, aminin natin; tayo man ay inaatake minsan ng katam(aran) at wapakels (walang pakialam dahil iba naman ang mapepeste?). Magbago-bago na tayo pag may time. hahaha

“Naku, eto na naman ako. Nabigla ako sa pagsagot sa magulang ko; bakit ba napakainit ng ulo ko? Bakit ba ako nagsusungit?” Preno-preno. Makasasakit lang ako at walang mabuting idudulot.” (Pigil…pigil… breathe deeply!)

Kung nahihirapan kang isipin kung ano ang mga bagay na maaari mong baguhin sa iyong sarili, subukan mong magsulat sa papel ng iyong mga positibo at negatibong pag-uugali. Dalawang column; positive traits at negative traits. O, sarili mo na ‘yang susuriin mo, maging honest ka naman ha. Hindi ‘yan test sa iskwela kaya huwag ka nang magchi-cheat.  hahaha^__^

[Paalala: Huwag mo nang ipost pa sa Facebook ang listahan mo, please! Hindi ‘yan makabubuti. Ituring mong parang secret balota. Bawal na me makakitang iba!]

Magnilay muna

Ang inggit, kasakiman, katamaran at kapalaluan ay hindi kayang aminin ng iba bagama’t ito’y nasasalamin sa kanilang mga salita at kilos.

Kapag sa sarili mo ay nakapa mo na ikaw ay may mga negatibong damdamin at pag-uugali, huwag mag-alala; kaya mong baguhin ang iyong sarili. Huwag na huwag magsasabi na “Ay naku, ganito na talaga ako noh!”

[Chismosa na talaga ako since birth..blah blah….  madamot na talaga ako noon pa man maldita talaga akong numero uno… user na talaga ako since Grade 5… etc etc etc    atbp  hahaha]

Ay! Sinukuan na ang sarili? Parang proud ka pa na maldita ka? Chismosa?  Huwag ganun!

Kailangang ikaw mismo ay magkaroon ng pagnanais na mas maging mabuting tao! Keri mo ‘yun!

Walang makapagpapabago sa bawat tao kundi ang kani-kanilang sarili.

Kailangang aminin muna natin na may mas ibubuti pa ang ating pag-uugali at pananaw.

Kung palamura kang tao…baka naman puwedeng kahit paunti-unti ay maialis mo ito.

Kung gastadora kang masyado, baka naman puwede mong subukan ‘yung paglilista ng mga mahahalagang bagay bilang prayoridad. Iba kasi ang taong organisado; pati pinansiyal na aspeto ay nailalagay sa ayos.

Kung “bigatin” ka naman… I mean, mabigat lagi ang katawan pagdating sa paglilinis ng bahay, ng sariling silid, atbp, labanan mo iyan. Subukan mong tumitig sa mga magagandang larawan ng bahay, ng silid, ng hardin…dalasan mo — hanggang sa makondisyon ang utak mo na “ay, kaya ko ring pagandahin ang aming bahay o ang aking silid!” 

Kung nasa estadong alanganin tayo, halimbawa ay kulang pa sa pag-aaral o nais pataasin ang pinag-aralan upang mas gumanda ang kalagayan sa buhay, suriin ang mga options na puwedeng subukan. Huwag makuntento kung nasa ibaba tayong kalagayan. Kaya pa natin iangat ang ating mga sarili!

Ang maganda nga riyan, paligiran mo ang sarili mo ng mga positibong tao… makikita mo, mahahawa ka sa virus nila, hahaha

Go lang nang go!

Laging isipin na mas may ikabubuti ka pa… always a step higher kahit paunti-unti.

Kung mas marami ang magsisikap na ayusin ang sarili at sariling kalagayan….

Kung paniningningin ng bawat isa ang kanyang sarili upang maging makabuluhang tala para sa bayan at sarili…

sure na sure na mapagtutulungan ang pag-angat ng pamilya at ng ating mahal na Pinas!

kislap 2

[O huwag nang ituro ang daliri sa mga politikong corrupt!  hahaha   Hayaan na lang nating sila mismo ang lukuban ng banal na Ispiritu! Dahil hindi natin kayang baguhin ang mga kurap na iyan KUNG hindi rin naman sila ang kusng maghahangad ng pagbabago sa kanilang sarili. BOOM!]

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!