Si Grace

“Can…you be…my textmate? Send!” Tutok na tutok si Jason sa kanyang cellphone.

Dalawang buwan pa lamang ito sa kanya, hindi pa tapos hulugan pero talaga namang nakakaaliw. Binabasa pa ang bawat salitang tinitipa. Halos madapa na nga sa paglalakad pero sige pa rin sa pagpindot. Papasok pa lamang siya sa trabaho, kung saan siya ay pang-gabi. Magaan naman ang trabaho, may oras pa nga siya sa pakikipag-kulitan sa text. Sasagot lang siya ng tawag na parang sa opisina, at kung walang tatawag e wala silang gagawin. Petiks.

“Ako ito si Jason…” bulong ni Jason habang tinitipa ang mensahe para sa parehong numero. Bagama’t tingin niya sa sarili’y nasa dapithapon na siya ng kanyang buhay e umaasa pa rin siyang makakatagpo ng mamahalin.

Hindi gaanong kagwapuhan si Jason, ngunit maayos naman ang tindig, pangangatawan at pananamit. Lima silang magkakapatid, pangalawa siya. Maagang binawi ng Panginoon ang buhay ng kanilang ama’t ina, at ang kanyang panganay na kapatid naman ay may sarili nang pamilya. Kung kaya’t kailangan niyang kumayod, para sa kanyang tatlo pang kapatid na nag-aaral pa. Gayon pa man, may panahon pa rin naman siya para sa pag-ibig.
“Single…ka-ba?”

“Hoy gago!” sita ni Poldo, pang-umaga. Tatlumpung taong gulang, medyo mataba, medyo kulot, medyo maitim, at medyo masipag sa trabaho. “Sino na naman ‘yan?”

“Gago ka rin! Mas maganda ‘to doon sa katext mo, pare!” biro ni Jason kahit hindi niya pa nakikita ang may-ari ng numero.

“Kami na kaya ni Jolina, sinagot na niya ako kanina.” kumikinang ang mga mata ni Poldo. “Kahit na mas maganda ‘yan, mahal naman ako ni Jolina.”

“Naaaaaks… Ibang klase ka na ngayon ah,” sabi ni Jason habang abala pa rin ang mata sa cellphone.

“Syempre!” taas-noong sagot ni Poldo. “Oo nga pala, hindi raw makakapasok si Goryo, masakit pa rin daw…”

“Na naman?!” mataas ang tono ni Jason, isinilid muna sa bulsa ang cellphone. “E pucha, tatlong araw nang masakit tiyan non, a? Ano bang kinakain niya?”

“Hahahaha hayaan mo na, basta tayo sumusweldo dito.”

“E tayo naman ang nahihirapan. Paano ba ‘yan OT ka na naman?” tanong ni Jason habang ibinababa ang bag.

“Ano pa nga ba. O pano, labas muna ako saglit. Magyoyosi lang ako,” paalam ni Poldo.

Hindi na sumagot si Jason, kaharap na naman niya ang bagong libangan. Nakataas ang dalawang paa sa malapad na mesang kahoy, binili pa ito ng boss nila sa isang antique shop. Kapag wala lang ang boss niya, saka lang niya nagagawa ang pagtaas-taas niya ng paa sa mesa. Tumipa ulit siya ng bagong mensahe, ngunit hindi niya pa natatapos ay biglang may nagtext. Agad niya itong binuksan at binasa.

“Hello. Ako si Grace Policarpio. Oo, single ako.”

Forwarded lang ang numero ni Grace mula sa isang kaibigan, at pabor ito kay Jason dahil naghahanap siya ng nobya.

“Hi Grace. Ilang taon ka na?” sagot ni Jason na labas ngipin sa pagkakangiti.

“23. Ikaw?” mabilis sumagot si Grace.

“34. Okay lang ba sa ‘yo edad ko?” nakangisi ang binata.

Sampung minuto ang lumipas, hindi na sumagot ang babae. Limang minuto lang ang itinagal ng ligaya. Dahil kaya sa edad? Oo nga naman, mas pipiliin ng isang babae ang lalaking hindi nalalayo ang edad sa kaniya. Mas magkakasundo at magkakaintindihan. Ito ang nasa isip ng dismayadong si Jason. Inilapag niya ang Nokia 3310 sa mesa. “Bwisit!”

“Pare, balot o?” alok ni Poldo, nakataas ang kaliwang kamay na may supot na bitbit.

“Pampatibay ba talaga ng tuhod ‘yan?” nakatingin sa dahan-dahang pag-ikot ng maalikabok na ceiling fan si Jason. “Ta***na, palagi naman akong kumakain ng balot pero ta***na pare… tatanda ‘ata akong binata!”

“Ano namang kinalaman ng mga pobreng sisiw na ito sa buhay pag-ibig mo?” inilatag ni Poldo ang supot sa mesa. “Kumain ka na lang.”

“Wala akong lakas ng loob manligaw sa personal… nanlalambot mga tuhod ko,” panimulang sumbong ng torpeng si Jason. “Kaya ito, sa text ako dumidiskarte pero… basted pa rin e! Edad pa lang, basted na!”

Nakangisi si Poldo habang nagbabalat ng isang balot. Sanay na siya sa kaibigan. Palaging ganito ang eksena sa tuwing nawawalan na ito ng pag-asa. “O nasan na ‘yung sinasabi mo kaninang mas maganda pa kay Jolina?”

“Katulad din ng iba…”

“Di na nagreply noong nalaman ang edad mo,” si Poldo na ang nagtuloy ng biting pahayag ni Jason. Natawa silang dalawa. “E pano kung tawagan mo?”

“Wala akong—” hindi pa tapos ang sasabihin ni Jason e nakaabang na agad ang kamay ni Poldo para iabot ang kanyang cellphone.

“Subukan mo lang.”

Ibinaba ni Jason ang mga paa mula sa mesang narra. At sinimulang pindutin ang numero ni Grace sa cellphone ni Poldo.

“Nagriring pare…” balita ni Jason. “Wala, hindi sinasagot.”

“Subukan mo ulit, try and try… until you die haha.” biro ni Poldo habang naglalagay ng asin sa balot. Sinubukan naman ulit ni Jason, ngunit muling nabigo. “Ano na?”

“Ayaw ko na.” Tinigilan na ni Jason. Eksakto namang tumunog ang telepono nila. Hudyat para sa isa na namang trabaho. Lumapit at sinagot ni Jason ang tawag. Habang si Poldo naman ay nagmamadaling ubusin ang kinakaing balot. Trabaho na.

—0—

*Beep! Beep!*

“Putangina, dami namang tao dito. Alas-dose na, gising pa rin mga usisero.” reklamo ni Poldo habang patuloy sa pagbusina sa mga nakaharang na mga nakiki-usyoso. Hindi na nakatiis, inilabas na ang ulo sa bintana at bumusina ang bibig. “Makikiraan na po! Tumabi po muna kayo!”

Bumaba si Jason ng sasakyan para magsilbing pastol sa mga nakaharang na makukulit na tupa. “Tabi po muna tayo… Sige na po…”

Ilang sandali pa, napasunod niya rin ang nga tao. At nailapit din ang sasakyan para sa ikakarga.

“Tsip, anong nangyari?” usisa ni Poldo sa nag-iisang rumespondeng pulis.

“Nasagaan raw, e hindi raw naplakahan ang sasakyan. Madilim kasi dito, e.” pahayag ng mamang pulis.

“‘Ku… hit and run.” sambit ni Poldo habang nakatingin sa taong nakasalampak sa kalsada. May takip na dyaryo ang mukha. Namantsahan ng umagos na dugo ang puting-puti nitong damit. “Nars pa naman.”

“Dalhin n’yo na. Natawagan ko na naman yung pamilya, e,” utos ng pulis. Kumilos naman agad ang dalawa para sa kanilang trabaho.

Lumapit ang magkaibigan, at isa-isang tinanggal ang mga dyaryong nakatakip sa mainit-init pang bangkay. Tumambad ang maputi at magandang mukha. May dugong umagos mula sa ilong hanggang sa bibig, ngunit hindi maitatangging maganda talaga ang babae. Kapansin-pansin rin ang katawan nito, bagama’t wala nang buhay, sexy at pangdalagang artista. Nagkatinginan ang dalawa—alam ng isa’t isa ang gagawin pagdating nila sa punerarya sa mga ganitong pagkakataon. Ngiting-aso ang dalawa.

Napalunok ng laway si Jason nang makita ang name plate ng bangkay sa kanang dibdib. Hindi siya makapagsalita, sinakluban ng lamig ang pangangatawan—na animo’y isa na rin siyang bangkay. Nabuwal mula sa pagkakatayo si Jason. Napaupo’t takot na takot. Makikita iyon sa mga mata’t labi niyang nanginginig, tulo ng malalamig na pawis, at mabilis na paghinga.

“Pare?” pag-aalala ni Poldo. “Anong nangyayari sa ‘yo?!”

“N-nahilo la-lang ako.” Utal-utal ang sagot ni Jason, patuloy siyang ginagapang ng kaduwagan. Hindi balot ang magpapatibay ng tuhod niya ngayon. Hindi niya alam. Umiikot ang kaniyang kalamnan. Nagulat pa siya sa pagtunog ng cellphone niya mula sa bulsa.

“Sagutin mo, baka si boss yan.” utos ni Poldo. At naglakad patungo sa kanilang sasakyan upang kunin ang kanilang mga gamit.

“H-hello?”

“*skreeeeek*…O…si…ar—pyo,” magulo ang kabilang linya ngunit unti-unting lumilinaw ang boses ng babae. “Ako si Grace Policarpio.”

Dahan-dahang bumitaw ang kamay ni Jason sa cellphone. Hindi pa rin mapigil ang panginginig na mas pinatindi nang napatitig siya sa bangkay. Nakaharap sa kanyang direksyon ang mukha nitong tila gustong makipagkilala. Aninag niya ito, sa salit-salitang pagdampi dito ng asul at pulang ilaw mula sa sasakyan ng pulis. Nakatitig sa binata ang mga malulungkot at naduling nang mga mata. Pilit ibinubulong ng duguang bibig, “Ako si Grace Policarpio.” Unti-unting nawawalan ng malay-tao si Jason. At ang magandang mukha ni Grace ay dala niya hanggang sa pagsara ng kanyang mga mata.

Siya si Grace Policarpio, malamig na bangkay, at mas maganda kay Jolina.

About Johnnydeath

Isang kwentista. Palaboy sa internet. Diyos sa sariling mundo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!