Si Cinderella at Si Snow White

Larawan mula sa YouTube video ng Pragna Gaming

Simula sa pagkabata,
Sa gulang pa lang na dalawa,
Sandigan na natin ang isa’t isa,
Sa bawat laro’t bawat pagkadapa.

Kapag kaarawan ng isa,
Pareho tayong nakabestida,
Noong limang taong gulang na,
Nagsimulang gayahin sina Snow White at Cinderella.

Ikaw si Snow White,
Maputi, mapula ang labi,
Sa iyo’y bagay na bagay,
Damit na ipinatahi.

Ako si Cinderella,
Paborito kong kulay ang sa kanyang bestida,
Bagay na bagay sa akin ang kasuotan niya,
Kopyang-kopya ng mananahi kong lola!

Taun-tao’y ginagaya natin sila,
Hanggang sa tayo’y magdalaga,
Sa baul ay ikinandado ang mga bestida,
Ngunit ‘di ang pagkakaibigan nating dalawa.

Lumipas ang mga taon,
Prinsipe ko’y ihinatid na ng pagkakataon,
Masayang-masaya ka sa ‘king ibinalita,
Ngunit may lungkot sa mga mata.

Alam kong natatakot ka,
Na baka makalimutan kita,
Ngunit siniguro kong ‘di ka mag-iisa,
At sa puso ko ay laging una ka.

Ngunit dumating ang panahon,
Sinubok kami ng pagkakataon,
Nanlamig ang dating nagbabagang relasyon,
Hinanap kita ngunit ikaw daw ay nagbabakasyon.

Sobrang hirap mag-isa,
Hindi ko alam kung paano ko makakaya,
Wala akong ibang hiniling kung ‘di sana’y umuwi ka na,
Pero sana hindi na lang pala.

Sa pagbabalik mo’y bumalik din ang prinsipe ko,
Hindi sana ako mag-iisip ng kung anu-ano,
Subalit nakita kayo ng mga pinsan ko,
Magkahawak ang kamay at waring inyo ang mundo.

Tinanong kita kung paano mo nagawa sa akin iyon,
Sabi mo’y nagbiro ang pagkakataon,
Sa unang beses, pinasama mo ang loob ko,
Sino pa’ng pagkakatiwalaan ko?

Umalis ako’t nagpakalayu-layo,
Ayaw kong lalo pang lumaki ang gulo,
Ayaw kong lalong mawalan ng respeto sa ‘yo,
Ayaw ko rin makitang magkasama kayo.

Prinsipe nina Cinderella’t Snow White ay magkaibang tao,
Bakit sa isang nilalang tayo’y nagsalo?
O baka naman hindi talaga sila magkaiba,
Kaya parehong “Prince Charming” ang tawag sa kanila.

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!