Saudiman

Photo by 2Tales

Fast replay sa 90s, nacardiac arrest si tatay sa Saudi.

Sabi niya pauwi na siya nun, magreretiro na, papag-aralin niya si Mama, kukuha ng kursong education at siya ay babalik sa pribadong buhay. Mamamasada na lang ng traysikel o kaya’y maghohome service electrician. Aalagaan niya raw kami, babantayan. Naisip daw niya kasing mahirap sa kalooban ng isang ama na walang makakalakhang ama kaming magkakapatid.

Pero nadedo siya. Ganun na lang. Masaklap, pero walang emosyon sa aming magkakapatid, wala pa nun sa wisyong wala na pala talaga siya.

Nung dumating ‘yung bangkay niya, nakabalot sa linen, matigas at kinailangan pang ibilad sa sikat ng araw para matunaw at maembalsamo nang maayos.

Masaklap, pero wala pang kurot sa puso ko nun na ang binabantayan kong labi ay ang nagpakahirap kong tatay sa ibayong dagat.

Habang nasa tabi ako ng kanyang labi nun, nakikita ko sa kanya dati ang uri ng pagdidisiplina niya.

Oo, naranasan ko rin ang malapatan ng kung anu-anong pamalo sa puwit kapag nasusuway ko siya. Naranasan ko ang puwersahang patulugin pagkatapos mananghalian. Naranasan ko ang kagaya sa kalagayan ng isang takot na takot na aso kapag sumipol na siya, senyas na agad agad dapat ay nasa harapan na niya ako.

Nangyayari ‘yun kada bakasyon niya. Mga pitong bakasyon na tig-iisang buwan. Kinuwenta ko, wala pa palang isang buong taon na tunay kong nakasama ang tatay ko. Masaklap, pero noong nasa high school na ako, saka ako naghanap ng masasandalang tatay.

Naghanap ako ng mapagsusumbungan kapag nabubully sa schooll. Naghanap ako ng kukumpuni sa mga sirang laruan ko. Naghanap ako ng magtuturo sa aking depensahan ang sarili sa mga suntukan. Naghanap ako ng magpapayo kung paano nga ba manligaw. Naghanap ako ng iidolohin sa paglaki. At wala. Kasi nadedo na siya.

Masaklap pero tapos na ‘yun at tanging tattoo na lang niya ang namamalagi sa aking katawan at isipan.

3516058485_bbd8390834_shadow-of-a-man
Photo by 2Tales

Photo by 2Tales

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!