Sanayan Lang ‘Yan!

Photo Credit: thechangeblog.com

Aalis na naman si Papa, malungkot na naman.

Darating na si Papa, masayang-masaya na naman!

Nakakainis ang mga katagang na naman! Puro na naman, paulit-ulit lang.

Hindi ko alam kung nag-iisa lang ako sa pakiramdam na ito, pero naiinis talaga ako na kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa ng libo-libong Pilipino upang makaahon sa buhay.

Akala kasi ng iba, alis ka ng bansa, trabaho, trabaho, trabaho, at pera na! Pero hindi ganoon eh. Napakahirap mawalay sa iyong mga mahal sa buhay. Kung ang elementaryang bata nga lang na isa o dalawang gabing mawawalay sa nanay dahil sa camping sa school, nahihirapan na, paano pa kaya ang mga umaalis na buwan o taon ang binibilang?

Madaming nagtatanong sa amin ng ganito, “Hindi ba kayo nahihirapan?”

Sa tanong na iyan, ang ibig sabihin nila ay kung hindi ba kami nahihirapang wala ang aming haligi ng tahanan sa loob ng matagal na panahon at makakasama lang naming ng panandalian. Ito ang palaging sagot ko, “Sanayan lang ‘yan!”

Pesteng “Sanayan lang ‘yan!”, iyan ang bukambibig ng mga kamag-anak na pilit pinapaalis ang mga kapamilya para mag-abroad. Ulit-ulitin ko pa, mahirap mahiwalay sa mga taong mahal mo, lalo na ang mga kapamilya mo.

Kahit sabihin mo kasing sanay ka na, parang hindi pa rin eh. Mami-miss at mami-miss mo pa rin sila. Sanay na nga ba ako? O pinilit ko lang ang sarili kong masanay?

Siguro, nasanay na nga akong walang father figure sa loob ng tahanan namin, at nasanay akong si Nanay lang ang nagdidisiplina sa amin. Nasanay lang ako, pero wala akong sinasabing gusto ko ito, wala akong sinabing masaya ito.

Sanayan nga lang ang magkaroon ng magulang na OFW, pero ‘di bale na, may Ipod, laptop, touchscreen android phone at napakaraming tsokolate naman pag-uwi!

Noong una, masyado akong nadadala ng mga material na bagay na iyan. Excited ako sa mga pasalubong ni Papa, pero noong nagkaisip na ako, mas matimbang pa pala ang presensiya niya. Kaya cloud nine at it feels like in heaven kapag sabay-sabay kaming lumalabas, kumpleto at masaya. Kaya lang, palagi lang itong panandalian. Panandalian lang, nakaiinis.

Dahil sa pagiging OFW ng tatay ko, nakapag-aaral ako nang maayos, nakakakain ng tatlong beses sa isang araw (higit pa nga minsan), masaya at masarap ang buhay ko, pero, may isang bahagi sa akin ang kulang. Nakukulangan ako sa oras na magkasama kami. Nasanay na nga kasi akong si Nanay lang palagi ang kasama sa bahay.

Kapag ako nagkatrabaho at nagkaanak, ayaw kong mag-abroad. Ang pag-aabroad na lang ang nakikitang solusyon ng karamihan para magkapera, pero ayaw ko! Ayaw ko talaga!

Ayaw ko kasing maranasan ng magiging pamilya ko ang pakiramdam na mawalay sa mga mahal sa buhay lalo na sa murang edad. Ayaw kong maranasan nila ang pakiramdam na sobrang masaya lang kapag nagiging kumpleto, at minsan sa isang taon lang nangyayari. Ayaw kong maramdaman nila ang ganitong pakiramdam na kulang.

Kaya sana, may gawin ang gobyerno. Tsaka, hindi lang sila. May gagawin din ako para sa bayan ko. Naniniwala kasi akong darating ang panahon na hindi na kailangang mag-abroad ng mga kababayan ko para kumita ng malaking pera. Kawawa kasi ang mga naiiwang pamilya. Kasi ako, sawa na akong sabihing, “Sanayan lang ‘yan!”

ememalberts

3/31/2013 11:09 PM

About ememalberts

Playing different personas all day, all night including being a Psych major and a writer. Self-published: My Firsts With Him. If you want a copy, here's the reservation form: https://docs.google.com/forms/d/11_6pQJJbzGUshrezvxyes4tEtvN413Y3PQvO1YNAniY/viewform Reach her thru: memealberts.wordpress.com and https://www.facebook.com/ememalberts
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!