Saka Na, Kapag Wala Nang Bawal Sa Pag-ibig (Isang Liham)

Forbidden Love (Photo Credit: Mizukovideo)
Forbidden Love (Photo Credit: Mizukovideo)
Forbidden Love (Photo Credit: Mizukovideo)

Kristine,

Sa totoo lang hindi ko alam kung saan magsisimula. Limang minuto na yata akong nakatitig sa blangkong papel na ito. Puwede bang magsimula sa pagsasabing nangungulila na ako sa iyo, o bawal? Maaari bang sabihin na ikaw sa t’wina ang laman ng isip, o hindi na rin puwede?

Tatlong buwan ko nang pinipigilan ang sariling magkaroon muli ng komunikasyon sa iyo. Ngunit hindi ko na kaya pa. Sa bawat oras na dumadaan na naiisip kita, hindi na ako makahinga nang maayos. Tatlong buwan na ang lumipas, ngunit nahihirapan pa rin ako.

Maaari ko bang ikuwento na napaginipan kita kagabi?

Sa wakas, nakita kong muli ang iyong malambot na buhok na sumasayaw sa hangin. Ang mga mata mong nangungusap tuwing tititig sa akin. Ang matangos mong ilong, at ang iyong ngiti. Ang mga labi mong pinagmamasdan ko habang sinasabi mong mahal mo na rin ako. Sa wakas, nakita kitang muli. Kung puwede lang sanang managinip pa upang mas matagal kitang makasama. Kung puwede lang sanang gawing realidad ang panaginip at tumakas sa katotohanan, matagal ko nang ginawa.

Ngunit hindi na natin mababago ang sitwasyon; sadya yatang isinilang tayo sa maling panahon.

Kung bawal umibig dahil sa estado ko sa buhay, madali lang sana. Puwede akong magsikap upang yumaman at kumita ng maraming pera.

Kung bawal umibig dahil  hindi ako nakapagtapos, ayos lang. Magtatapos ako kahit ilang kurso para lang may maipagmalaki sa iyo.

Kung bawal umibig dahil sa ugali ko, handa akong tuluyang magbago. Alam mo namang kaya kong gawin ang lahat para sa iyo.

Ngunit saan nga ba makabibili ng bagay na makapagbabago sa guhit ng tadhana? Mali raw itong nararamdaman natin, maling-mali. Bawal kitang ibigin ng higit sa pagiging isang pamangkin ni tatay. Higit sa pagiging mag-pinsan natin.

IMORALIDAD. Iyon daw ang tawag doon. Masakit, sadyang napakasakit at alam kong pati ikaw sa ngayon ay nasasaktan pa rin. Tila ang buong mundo ay kalaban natin. Kailan nga ba naging imoral ang wagas na pag-ibig?

Ang sabi nila, dapat daw ay nakalimutan na kita. Ngunit may oras nga bang binibilang pagdating sa paglimot? Sapat na ba ang tatlong buwan? Anim? Isang taon? O ang tanong eh, makakalimutan pa ba kita? Kasi, parang hindi ko yata kaya. Bahagi ka na ng araw-araw kong paghinga.

Ang sabi nila ituon ko na lamang daw ang pansin sa ibang bagay. Ngunit sabihin mo sa akin kung papano ko iyon gagawin? Kung ang bagay na mahahagip ng paningin ay nagpapa-alaala sa iyo, at sa tunay na pagmamahalan natin. Kung sa lahat ng lugar na pupuntahan, ay nagpapanumbalik ang nakaraan.

Ang sabi nila huwag na raw kitang mahalin. Ngunit papaano nga ba? Kung maaari lang baguhin at pigilan ang tibok nitong puso bakit hindi? Titigil lang ito sa pagtibok kapag wala na ako sa mundo. Marahil, iyon na nga lamang ang hinihintay ko. Kung bawal dito, marahil sa ibang lugar ay magiging malaya tayo.

Ngunit habang nandirito tayo, ano na lamang ang gagawin natin? Mananatiling alipin sa batas ng lupa. Mananatiling nakakulong sa mga palad ng ating pagiging magkadugo. Hindi na ito magbabago kahit bali-baliktarin pa natin ang mundo.

Mahal kita, mahal na mahal pa rin kita. Hindi man natin kayang ipagmalaki sa ngayon ang ating nararamdaman. Hindi man tayo pahintulutan ng karamihan, pinandidirihan man ang ating pagtitinginan. Pigilin man ng lahat ang ating naging pagmamahalan. Sana ay iyong tandaan na hinding hindi kita makalilimutan. Maghiwalay man ang landas nating dalawa, hindi man kita makita pagkatapos nito, dala-dala kita at ang ating naging pagmamahalan sa aking puso.

Kaya’t punasan na ang iyong luha tulad ng aking ginagawa ngayon. Huwag na sanang malungkot, hinding hindi ako makalilimot. Kahit na hindi sang-ayon sa atin ang mundo. Hindi mawawala ang aking pag-asang magkakasama muli tayo. Sana ay iyon din ang panghawakan mo.

Hindi man ngayon, baka bukas, bukas makalawa, sa susunod na linggo, buwan o taon. Umaasa pa rin akong sa ating muling pagsilang ay iba na ang guhit ng ating tadhana. Kung hindi rito, marahil sa kabilang buhay ay pahintulutan na itong nararamdaman. Marahil sa muling pagkikita maaari ka nang ibigin. Itutuloy natin ang kuwento ng tunay na pagmamahalan natin.

Doon, doon sa lugar kung saan wala nang bawal sa pag-ibig.

-Daryl

About anne

Isang taong sa pagsusulat lamang naibabaling ang hindi lubusang masabi ng bibig. Seryoso ngunit madalas ay bata-isip. Hindi nag-aral ng pormal sa pagsusulat, hinahayaang ang puso at isip ang magtakda ng bawat titik.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!