“Sahuran na naman! (Pakiusap ng isang OFW)

peraHINDI na naman magkandaugaga si Mercy sa araw na iyon. Bukod sa kaliwa’t kanang gawain sa bahay ng pinagsisilbihang Arabung amo, ay hindi rin mapatid-patid ang katatawag ng mister sa kanyang celpon. Hindi niya tuloy malaman kung ano sa dalawa ang uunahin. Dahil batid niya na kung patatagalin pa niya ang pambabalewala sa tawag ng mister ay pihadong kung anu-anong mga masasakit na salita na naman ang sasabihin nito.

Ang masaklap, aandar na naman ang pagkaseloso nito. Katapusan na kasi ng buwang ito at ngayong araw ding ito inaasahan ng mister ang perang ipadadala niya.

Isa siyang domestic helper sa bansang Abu Dhabi.

Saglit na iniwan  ni Mercy ang ginagawang paglalabada. Hinarap ang kanina pa tumatawag na mister.

“Bakit ang tagal mong sagutin?”

“Nasaan ka ba?”

“Siguro may kasama kang ibang lalake?”

Ito ang sunod-sunod na paratang ng kanyang mister nang sagutin niya ang tawag. Ni hindi pa siya nakaka-Hello ay ito na agad ang bungad ng magaling na mister.

Hindi ito pinatulan ni Mercy.

“Mamaya na tayo mag-usap, Nestor. Marami pa akong trabahong kailangang tapusin. Mamaya na rin ako makapagpapadala ng pera. Hindi pa binibigay ng amo ko ang suweldo ko!” ani Mercy.

“Tonta! Wala nang makain ang mga anak mo! Sabihin mo sa magaling mong amo na pasahurin ka na!” pasigaw na sabi ng mister.

Nairita si Mercy, pero minabuti niyang huwag na lang sagutin ang mister para hindi na ito lalong manggigil sa kanya. Pinatayan na lamang ito ni Mercy ng phone at saka niya muling hinarap ang mga tambak na labahin.

MAG-AANIM na taon si Mercy sa bilang kasambahay. At sa loob ng anim na taong pagiging OFW, ito lagi ang kalbaryo niya tuwing sahuran. Kung hindi siya minamadali ng mister na magpadala, kung anu-anong mga masasakit na salita ang maririnig niya rito.

Wala sa kanya na halos lahat ng suweldo niya ay mapunta sa pamilya dahil ito naman talaga ang dahilan kung bakit siya nagpapakahirap sa ibang bansa; ang maitaguyod at mabigyan niya ng magandang buhay ang dalawang anak.

ero sana man lang, konsiderasyon at hindi kunsimisyon ang binibigay sa kanya ng mister. Dahil kung siya lang ang masusunod, gusto niyang maipadala agad agad sa pamilya ang suweldo niya para may panggastos ang mga ito. Kaya lang, hindi naman niya puwedeng pangunahan ang kanyang amo. Lalo’t hindi ganoon kaganda ang trato ng mga ito sa kanya kung minsan. Pareho kasing may pagka-asal demonyo ang mag-asawang pinagsisilbihan niya.

Madalas ding tuwing sahuran, lagi siyang pinagbibintangan ng mister na baka may kasama siyang ibang lalake sa labas. Por Diyos por santo! Ni hindi nga siya halos makalabas ng bahay dahil hindi siya binibigyan ng day off ng mga amo. Kung hindi pa siya magmamakaawa na kailangan niyang magpadala ng pera sa pamilya, ay hindi pa siya palalabasin ng bahay ng mga ito. At may oras ang labas niya. Bagay na kahit ilang beses niyang ipaliwanag sa mister ay hindi nito kayang unawain. Kaya lagi silang nagtatalo at nagkakasagutan.

Maladas din na kapag nagkulang lang ng konti ang perang naipadala niya ay kung anu-ano na ang binibintang ng mister sa kanya. Na kesyo maluho raw siya. Bili dito, bili roon. At ang masaklap, na kesyo may iba na raw siyang pamilya na sinusuportahan. Siya pa ba ang maluho? E kahit nga isang bestida hindi niya mabilhan ang sarili. Nagkakasya na lamang siya sa mga napaglumaang damit ng among babae na binibigay sa kanya. Simula nang tumuntong siya sa ibang bansa, pamilya ang una niyang prioridad at hindi ang sarili. At lalong wala sa hinagap niya na maghanap ng ibang lalake. Dahil ayaw niyang masira ang samahan nilang mag-asawa at tanging si Nestor lamang ang nag-iisang lalakeng minamahal niya.

Kaya lang minsan, nakakasawa na rin ang ugali ng mister. Hindi nito alam ang hirap at sakripisyong ginagawa niya sa ibang bansa. Ang akala nito, puro pagpapakasasa at pasarap lang sa buhay ang ginagawa niya. Hindi ba nito alam na kung ilang balde na ang nailuha niya sa labis na pangungulila sa mga anak at sa tuwing minamaltrato siya ng mga amo? Hindi ba nito alam na ilang libong beses na rin siyang nalilipasan ng gutom dahil sa walang patid na pagtatrabaho? At kahit wala siyang tulog, obligado pa rin siyang magtrabaho kahit hindi na kinakaya ng katawan niya.

Isa lang naman sana ang pakiusap niya sa mister. Na sana, unawain siya nito at itigil na niya ang pagsasabi ng mga masasakit na salita. Na imbes sana ay pagaanin nito ang loob niya ay puro sama ng loob pa ang binibigay nito. Hindi niya kailanman sinumbatan ang mister na sana, siya itong naghahanapbuhay at nagtataguyod sa kanilang pamilya. Dahil hindi siya ganoong klaseng misis. Kaya lang, sumusobra na ito.

Naalala niya noong minsang tinawagan niya ang mister. Katatapos lang ng maghapong gawain niya sa bahay.

Gusto niyang maglambing sa mister kaya nasabi niya ang mga katagang: “‘Pa, lab mo pa rin ba ako?”

Na sinagot nito nang: “Magtigil ka sa kadramahan mo, Mercy! Inaantok na ako kaya tawag ka na lang sa ibang araw. Pagod ako sa pag-aalaga sa mga anak mo!”

Wala siyang nagawa kundi tapusin na lang ang tawag. Siya pa ngayon itong madrama. Pero kapag ito ang nangailangan ng pera, daig pa ang artista kung umakting at humabi ng mga kuwento para lang maibigay ang hinihingi nito.

Naisip niya tuloy kung asawa pa ba ang turing sa kanya ng mister o kung may pagmamahal pa ba itong natitira para sa kanya? Kasi pakiramdam niya, wala ng ibang mahalaga rito kundi ang perang pinapadala niya buwan buwan. Buti pa ang suweldo lagi nitong bukambibig at naaalala. Pero siya na halos magkandakuba na sa pagtatrabaho ay ni hindi man lang nito maisip o maalala. O kahit man lang sana tanungin siya kung humihinga pa ba siya.

Sana, dumating ang araw na mapagtanto rin ng kanyang mister ang bawat sakripisyong ginagawa niya. Na sana, maisip nito ang bawat hirap at pagod na dinaranas niya araw-araw. At dumating ang panahon na hindi lang puro pera at suweldo ang bukambibig nito. Na mayroon siyang Misis na gaya niyang gagawin ang lahat para sa pamilya at mga mahal sa buhay!

W A K A S

Pero…kailangan nga bang ganoon ang maging asal ng kanyang asawa???

Nakapapagod sa katawan ang mga trabahong bahay na walang humpay.

Ngunit mas nakapapagod ang sama ng loob na hindi naman magawaan ng ikaluluwag.

hayyyy…

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!