Sa Kanyang Unang Pagluhod (Version II)

images
Source: Source: fredhatt.com

Tatlong sunod-sunod na hithit ng yosi ang ginawa ni Rose nang hapong ‘yon. Hindi siya mapakali kaiisip kung itutuloy ba niya ang desisyon niya. Sa bawat buga niya ng usok ay para bang nailalabas din niya ang samut-saring problema na tumatakbo sa isip niya. Ilang linggo na rin niyang pinag-iisipan kung itutuloy ba niya ang plano o hindi. Naiipit siya sa sitwasyon na gawin ang kung ano ang tama at kung ano ang moral. Naguguluhan siya sa dapat gawin; ang maging isang mabuting asawa o maging isang mabuting ina? Dapat ba niyang mas pahalagahan na maging buo ang pamilya o magandang kinabukasan ng mga anak niya?

Nananakit na ang kanyang ulo. Humithit siyang muli ng yosi ngunit hindi ito binuga. Hinayaan niya ang usok na manuot sa kanyang lalamunan hanggang sa buong katawan. Handa na ang maleta niya at ng dalawa niyang anak. Hawak na rin niya ang pasaporte maging ang pera na bigay ng Amerikanong nakilala niya sa chat. Mabait naman ang Kano kahit may edad na. Tanggap nito ang kalagayan nilang mag-iina. Sabi nga nito ay sila na lamang ang lumuwas sa Amerika upang guminhawa ang buhay nila, pag-aaralin din nito ang mga anak niya.

Noong una ay hindi siya pumayag. Paano si Manuel? Paano ang biyenan niya? Mabait naman ang biyenan niya. Sa totoo lang ay napakalaking pasasalamat niya na ito ang naging lola ng mga anak niya. Napakabait at hindi madamot. Hindi rin sila nagtatalo gaya ng mga biyenan ng mga kaibigan niya. Si Manuel naman ay mabait na asawa. Walang bisyo, ngunit wala ding pangarap sa buhay. Hindi nga umiinom ng alak o nagdrodroga, hindi rin nagyoyosi ngunit hindi mo makitaan ng diskarte at matibay na plano para sa kasiguruhan ng kinabukasan ng mga anak nila.

Ilegal ang kabit ng kuryente nila, halos araw araw ay dumadaan ang meralco upang putulan sila ng kuryente. Minsan pa nga ay nagkasunog sa kanilang lugar dahil sa kaliwa’t kanang ilegal na koneksiyon. Doon siya nabahala, dahil kung di nila aayusin ang kanilang buhay ay maaring ito ang tumapos sa buhay nilang pamilya. Minsan naman ay di nakakaligo ng maayos ang mga anak niya dahil maging ang tubig nila ay ilegal na naksaksak sa kapitbahay. Halos murahin sila ng kapitbahay nila noong sila ay mahuli. Minsan ding nagkasakit ang anak nilang panganay ay “delihensiya” sa palengke lamang ang sagot ni Manuel.

Kinausap niya ang asawa noon ngunit sumagot lamang ito ng “Nakakaraos naman tayo diba?”

Hindi niya napigilan ang sarili. “Wala ka bang pangarap? Hanggang ganito na lamang ba ang gusto mo? Ang makaraos? Hindi mo ba nais bigyan ng buhay ang mga anak mo? Bayag lang ba ang kaya mong ibigay? Hindi lang yan ang kailangan namin Manuel. Kailangan naming mabuhay ng disente. Nang marangal!”

Kaya naman nang alukin siya muli ni Richard na magtungo sa Amerika ay tinanggap na niya. Bahala na sa sasabihin ng mga kapitbahay o sa iisipin ni Manuel. Masakit sakanya ang gagawing pag-alis, ngunit mas matimbang ang pagmamahal niya sa mga anak. Hindi naman bubuti ang kalagayan nila kung patuloy niyang iisipin ang sasabihin ng ibang tao. Bahala silang humusga. Bahala silang sabihin ang masasakit na salita at paratang sa akin. Bahala silang humusga sa desisyon at pagkatao ko. Kailangan kong maging manhid at maging matatag para sa mga anak ko. Kapag ba nakinig siya sa mga tao sa paligid niya, yayaman ba siya? Sa ngayon ay wlaang mahalaga sa kanya kundi ang kinabukasan ng mga anak niya.

Mahal niya si Manuel, ngunit sa ganitong sitwasyon ngayon, hindi kailangang pagmamahal ang pairalin. Kailangan niyang maging praktikal. Tama nga ang Nanay niya noong nabubuhay pa ito. Na hindi sapat ang pagmamahal para tumagal ang pagsasama niyo. Kailangan ay may sapat kayong pangarap, hanapbuhay at pera dahil kapag daw nagutom kayo at walang mapagkunan, itatapon niyo ang pag-ibig sa bintana.

Isang hithit muli ng yosi ang ginawa niya saka siya pumikit. Muli siyang nagdasal na sana ay gabayan siya ng Maykapal sa malaking hakbang na gagawin niya. Kinuha na niya ang mga maleta at ginising ang mga anak niya na noon ay nakatulog na kahihintay. Hindi pa nila naiintindihan ang mga nangyayari ngunit sana balang araw ay maunawaan din nila. Pinuntahan niya ang kanyang biyenan sa kabilang kwarto. Nakaratay ito dahil sa sakit. Naluha siya habang pinagmamasdan ang butot balat na katawan nito.

“Nay, aalis na po kami.” Garalgal ang kanyang boses at pinipigilan niyang bumagsak ang luha sa kanyang mga mata.

Isang ngiti lamang ang binigay ng matanda. Wala itong hinanakit o panghuhusga sa mga mata. Hinalikan lamang siya sa noo at binilinan siyang mag-ingat.

Iniwan niya ang sulat para kay Manuel sa mesa. Inakay na niya ang mga anak palabas ng bahay. Kaliwa’t kanang pagtanaw at bulungan ng mga kapitbahay ang nadaanan nila habang papunta sila sa kotse na noon ay bumusina na.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!