REUNION….coming or not coming?

Gusto mo sanang i-ignore ang message sa iyo ng ka-batch mo sa Facebook, “Batch, may Grand Alumni Homecoming”.

Ang tagal mong tinitigan ang message. Ang dami mong naisip. “Pupunta ba ako?” , “Eh anong gagawin ko dun?”, “Wag na, nakakahiya.”, “Ano na kaya ang itsura nila?”, “Hmp, ang taba ko na, baka pintasan lang ako nila”, blah….blah….blah….Ang totoo, ayaw ng utak mo pero gusto ng puso mo.

Malamang, marami kang insecurities. Iniisip mong baka bigtime na ang mga ka-batch mo, at ikaw, wala pang napapatunayan sa sarili mo. Baka lahat sila natupad ang mga pangarap nila  at hindi tulad mo na walang maipagmamalaki sa kanila. Magmumukha ka lang kawawa. Baka pintasan ka lang nila. Pera at success, iyan ang problema mo.

O, kaya naman, umiiwas ka kay ex mo. Single ka pa at siya ay pamilyadong tao na. Baka nga naman isipin niya na di ka pa nakapag-move on sa kanya. Ang saklap nga. Bakit mo nga naman sya bibigyan ng dahilan para isipin na sobra kang nasaktan sa hiwalayan ninyo at di mo na magawang lumigaya nang wala siya sa piling mo. Ano sya sinusuwerte? Pag lovelife ang kulang mo, talo ka pag nagkita kayo ng ex mo.

Eh, dahil nga on short notice ang Alumni Homecoming na iyan, di ka physically prepared. Overweight ka at kailangan mong mag-reduce pero two weeks na lang, reunion nyo na. Paano mo gagawan ng paraan ang mga taba mo na hindi maitago. Kaya mo bang tiisin ang puna nila sa iyo na, “Ang taba mo na…..” Siyempre hindi. Mas gugustuhin mo pang lamunin ka nang lupa kaysa kutyain ka nila. Ikaw pa naman ang crush nang bayan nung kabataan ninyo. Magic…..magic ang kailangan mo.

Tiyak, marami pang negative reasons ang maaring lumitaw, dahilan para hindi ka umattend ng reunion ninyo. Pero, are those negativities worthy to miss the fun? Talaga bang bukal sa iyong puso na ayaw mong pumunta? Hindi ka nga ba curious na makita ang mga dati mong kaibigan at guro matapos nang mahabang panahon? Ayaw mo bang muli silang makakuwentuhan? Wala ka nga ba talagang pakialam?

Ang totoo, hindi mo malalaman ang lahat ng kasagutan sa mga katanungan  na iyan kung hindi mo susubukan. Kahit ano pa ang nangyari sa iyo sa loob nang maraming taon, walang maaring humusga sa iyo. Dahil hindi nila alam ang lahat ng pinagdaanan mo. Maaring merong iilan na titingnan ka mula ulo hanggang paa, o baka nga, si ex ay makasalubong mo, pero walang makakatalo sa pagiging totoo mo sa sarili mo.

Hindi dapat tayo kahit kailan man pigilan ng ating mga insecurities sa paggalaw sa mundong ito. Sasabihin at sasabihin ng mga makikitid na tao ang kanilang mga komentaryo, pero hindi dapat sila ang pipigil sa kaligayahan mo. Sabi nga ni Taylor Swift sa kanta niyang “Shake it Off”, “haters gonna hate, hate, hate, hate…..”.

Ang mga “reunions” ay paglingon sa nakaraan. Ito ay parang pagbabalik sa lumang tahanan. Malungkot o masaya man ang ating mga naging alaala, parte ito ng ating pagkatao. Walang masama sa pagbalik tanaw sa nakaraan dahil ito ang naghatid sa atin sa ating kinalalagyan. Hindi kailangang tanggapin ka nang lahat ng tao. Ang importante ay tinatanggap mo kung ano at sino ka. Iyon lang ang mahalaga.

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!