Restored

Larawan mula sa ABS-CBN Entertainment

Manonood sana ako ng replay ng isang teleserye nang napansin ko ang isa sa mga “restored film” sa website.

Larawan/screenshot mula sa IWant TV

“Sana Maulit Muli” nina Lea Salonga at Aga Muhlach, naaalala ko pa, ito ang unang pelikula na pinanood natin sa sinehan. Ito rin ang pinakapaborito natin sa lahat ng napanood nating dalawa.

Noong unang beses, iyak ako nang iyak. Hinihintay kong pagtawanan mo ako pero hindi mo ginawa. Mayamaya ay nakita kitang lumuluha.

“Kalalaking tao nito naiiyak sa drama!” natatawang sabi ko.

“Aba, karapatan nating lahat ang umiyak! Walang babae, walang lalaki,” tugon mo.

Napangiti ako. Lalo akong humanga sa iyo.

Ilang beses din natin itong pinanood. Hanggang sa isang hapon, habang iniiyakan ko na naman ang paborito kong parte, dumating ang hinihintay kong pag-amin mula sa iyo.

“Hindi ako nawala, Jerry. Natauhan ako,” sabi ng karakter na ginagampanan ni Lea.

Sabi mo, “Ayaw kong matauhan ka. Ayaw kong isang araw ay magbago ka na lang dahil ilang taon na ay hindi ko pa rin sinasabi sa iyo kung bakit ako ganito, kung bakit pinararamdam kong narito ako, kung bakit ginagawa ko ang lahat ng bagay na ginagawa ng isang umiibig pero hindi ko nililinaw sa iyo kung bakit. Ayaw kong isipin mong pinaaasa lamang kita. Ayaw kong mapagod ka.”

Napaluha ako. Huli na ang pagtatapat mo.

“Sa ibang bansa na kami titira. Hindi na kami babalik,” sabi ko.

Para kang binuhusan ng malamig na tubig. Ang katawan at ang kaluluwa ko ay kapwa nanginginig.

“Bakit ngayon mo lang sinabi?” tanong ko.

“Bakit ngayon mo lang din sinabi?” Naluha ka na sa puntong iyon.

Noong araw ng alis namin, bago kami sumakay ng eroplano, tinanong mo ako ulit kung puwede bang subukan nating ipilit.

Sinagot kita gamit ang isang linya sa paborito nating pelikula: “Mahirap magkaintindihan ang dalawang taong nasa magkabilang dulo ng mundo.”

Hindi na tayo muling nagkita. Kung tutuusin, maaari tayong magsulatan o magtawagan, pero mimabuti ko na lang na huwag na. Hindi ko ibinigay ang mga numero ng tirahan at numero telepono sa bago naming bahay. Mas mahihirapan lang tayong dalawa.

Akala ko, sa paglipas ng mga taon ay makalilimutan din kita. Sabi ko, limang taon lang naman iyong pinagsaluhan natin – kumpara sa labinlimang taon na naging masaya ako nang mag-isa.

Ngunit nagkamali ako. Paano nga ba kalimutan nang mabilis ang unang taong pinag-alayan mo ng pagsinta?

Pagkalipas ng tatlong taon, sumugal ako. Nagpadala ako ng liham sa iyo at sinabi ko ang lahat ng dapat kong ipaalam. Magaan sa pakiramdam. Sa wakas ay napalaya ko na ang mga kataga at emosyong dapat kong pakawalan.

Ngunit pagkalipas ng dalawang linggo, bumalik sa akin ang sulat ko sa iyo. Selyado pa ang sobre nito. Nakasilid ito sa isang mas malaking sobre, may kalakip na sulat ito.

Nalaman ko na iba na ang nakatira sa inyo. Kung saan kayo lumipat, walang nakaaalam; kahit ang sumulat sa akin na siyang nakabili ng bahay ninyo.

Isa sa mga pelikula nina Lea at Aga ang pinakapaborito natin sa lahat ng napanood nating dalawa.

Nai-restore na ang pelikula nila. Mabuti pa ang pelikula. Ang ating pagsasama, mukhang hindi na maibabalik pa sa dati nitong porma.

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!