Ready, Set, Go!

traffic light photo

Mechanical Engineering ang kursong kinukuha ni Jet. Bata pa lang siya’y mahilig na siya sa kotse. Tuwang-tuwa ito kapag nireregaluhan ng mga sports car na laruan.

Ngayong nasa kolehiyo na siya, totoong kotse na ang gusto niya. May kaya sila Jet kaya natupad ang nais niya. Sports car, iyan ang iniregalo ng kanyang ama noong siya’y nagdaos ng kaarawan.

Natutuwa ang kanyang ama dahil mas may alam pa ang anak pagdating sa makina ng kotse. Si Jet na ang kumakalikot dito. Ang ayaw lang ng kanyang ama ay ang pagiging matulin nito magpatakbo sa kalsada.

Noong minsang sumakay ito sa kotse ni Jet ay muntik nang atakihin sa puso. Sapul noon ay nagta-taxi na lang ang ama kapag hindi makakapagdala ng sasakyan o kaya’y walang driver.

“Ikaw, Jet, akala mo sarili mo ang daan,” pangaral ng ama sa anak habang sila’y kumakain. Hindi naman kumikibo si Jet.

Sabay natapos kumain ang mag-ama. Pumasok ang kanyang ama sa kwarto at nagbasa naman ng magazine si Jet sa sala.

Maya maya’y kinalikot na nito ang sasakyan. Inilabas ng gate ang kotse at pinaharurot ito sa kahabaan ng kalye ng subdivision. Dinig ang ingay ng makina ng kotse kahit ito’y may kalayuan na.

Lumabas ng subdivision si Jet. Magpapaikot-ikot lang siya at walang pupuntahan. Libangan niya kasing makipagkarera sa daan. Minsan, kapag inabutan ng red light, titingin siya sa kaliwa’t kanan kung may gustong makipagkarera – katuwaan lang. Pagpalit ng ilaw, karera na!

Minsan ay may pumapatol kay Jet. Tuwang-tuwa siya kapag nakikita sa rear-view mirror ang kotseng iniwan niya.

“Itigil mo na ‘yang ugaling ganyan, mamaya niyan makaaksidente ka pa,” ang paalala uli ng ama ni Jet. “Wag mong dagdagan ang mga iniisip ko. Ang dami ko nang hinahawakang kaso,” sabi pa ng ama.

Kilalang attorney ang ama ni Jet. Marami na itong naipanalong kaso at siya ang humahawak ng kaso ng mga kilalang politiko at ilang showbiz personalities.

Sikat si Jet sa kanilang unibersidad dahil nga sa may magarang kotse. Marami ring nagkakagustong babae sa kanya dahil dito. Hindi na maaalis ni Jet sa kanyang sarili ang pagiging kaskasero. Tuwing papasok sa eskwela at pauwi ay ganoon ang ginagawa niya. Parang naglalaro lang siya. Napapadalas na rin ang kanyang pag-overtake kahit alanganin dahil alam niyang mabilis ang kanyang sasakyan at hindi siya aabutan ng aksidente.

Ngunit isang araw… binabagtas ni Jet ang kahabaan ng kalsada papauwi. Medyo maluwag ang daloy ng trapiko. Naka-yellow signal. Kailangan niyang makatawid ng intersection bago magpalit ng red light. Lagi niyang ugali ito. Para kay Jet kasi, red means stop, green means go at yellow means faster!

Nakaapak sa gas pedal at hindi binibitawan ang kambyo. Akala mo’y nasa Grand Prix. Buo ang loob ni Jet. Derecho ang tingin. Tantiyado niya ito at kakayanin niya. Nakaapak pa rin sa gas at matulin ang takbo.

Gumalaw naman ang mga sasakyan sa gawing kaliwa bago pa man magpalit ng ilaw. Dahan-dahan silang gumapang dahil nakitang maaliwalas na ang daan. Nakatutok ang kanilang paningin sa traffic light.

Napunta sa alanganing sitwasyon si Jet. May haharang sa kanyang malaking truck! Sila naman ang tatawid ng intersection. Ngayon pa lang nagpalit ng ilaw at tuluyan nang umabante ang mga sasakyan. Hindi kakayanin ni Jet! Kinabahan sya. Bumitaw ito sa gas. Babangga siya sa unahang gulong ng truck! Kinabig niyang bigla sa kaliwa ang sasakyan sabay apak sa preno, ngunit nawalan na siya ng kontrol dito. Nasilaw pa siya sa napakalakas na liwanag.

Nagpuntahan ang ilang tao upang lapitan ang isang kotseng nagpagulong-gulong muna bago sumalpok sa pader. Dumating agad ang ambulansya at dinala si Jet sa pinakamalapit na kilalang ospital. Sinakay siya sa stretcher at pinasok sa ICU. Dumating ang kanyang ama’t ina. Handang magbayad ng anumang halaga ang kanyang ama, mailigtas lamang ang buhay ang anak.

Makaraan ang tatlong araw. Pumasok si Jet sa isang restaurant. Walang sugat. Wala ni isang galos. Matikas ang hitsura niya sa suot na khaki pants at checkered na polo. Umupo ito at tinawag ang waiter upang hingiin ang menu, ngunit hindi siya narinig nito. Abala ito sa panonood ng TV.

Tumingin si Jet sa TV. Ipinapakita ang isang memorial chapel at naroon ang kanyang ama na iniinterview ng isang reporter. Nagtaka si Jet sa nakita sa TV. Malapit lang ang chapel sa restaurant na kinalalagyan niya.

Nagmamadaling tumayo si Jet upang puntahan ang chapel at alamin kung ano’ng nangyayari.

Tumawid siya ng kalsada at naglakad patungo sa chapel. Narating niya agad ito. May ilang reporter siyang nadaanan. Nilapitan niya ang kanyang ama.

“Daddy!, ano nangyayari dito?” ang tanong ni Jet. Hindi siya sinagot ng ama. Patuloy lang ito sa pagsasalita sa harap ng camera.

Pumasok si Jet sa chapel. Maliwanag at maraming bulaklak. Naroon ang kanyang mga kamag-aral, kaibigan, mga taong simbahan at mga kamag-anak. Naguguluhan si Jet. Pumunta siya sa harap at nilapitan ang ina.

“Mommy!” ang sabi ni Jet. Nakatungo lang ang kanyang ina na umiiyak. Nilapitan ni Jet ang kabaong at tiningnan ito. Napasigaw siya nang makita niyang siya ang pinaglalamayan.

bo 2014

About bo gonzales

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!