Randy (Yah Walleth Book 2) K-4

Kabanata 4 – ‘Si Hector’

Pumatak ang mga luha ni Devie nang makitang zero balance pa rin ang ATM na iniwan ni Randy.

Naalala niya ang sinabi ng kasintahan: “Ang ATM na ‘yan ay parang ako din. Hangga’t nagkakalaman ang ATM na ‘yan ay tanda ‘yun na Mahal kita.”

Ilang beses na siyang nagpabalik-balik pero wala pa rin.

“Ibig bang sabihin ay hindi na niya ako mahal? O talagang nawala na pagmamahal niya dahil sa nagawa ko?” nakadama ng kirot ang dalaga sa isiping iyon.

“Baka naman tinakasan ka lang niyan?” ang umalingawngaw sa kanyang isipan na sinabi ng kanyang ina noon.

“O, o, ayan ka naman, eh! Huwag ka nang umiyak, Best. Baka ‘di maganda ang kinapuntahan ni Randy. Hindi pa natin alam. Kung nagkalaman ‘yan ng isang beses at tumigil ang laman ng ATM na ‘yan, diyan tayo mag-isip. Pero pa wala ni isa, ‘di ba? Halos limang buwan na. Maghintay lang tayo,” pag aalo ni Edz.

Napatingin ang dalaga at muling nabuhayan ng pag-asa.

Kinuha ni Edz ang kanyang panyo sa bag: “Punasan mo ‘yang luha mo. Baka mahalata ka nina Auntie. Nakuh! Bahala ka, ipakakasal ka nun ke Hector. At tapos disgrasyang bumalik si Randy na nakulong pala sa abroad, paano na,” pananakot nito.

Ang lalaking nabangit ay isang binatang nurse na ipinakilala ng kanyang Papa nang samahan ng huli ang anak para magpa-check up.

Mabait, walang bisyo at komedyante rin kagaya ng kanyang Ama.

“Kung ito na lang sana nagustuhan mo, nak, baka hindi na ako ang kasa-kasama mo sa check up ng magiging apo ko, eh!” biro nito.

Namula ang pisngi ng dalaga: “Papa naman, nakakahiya naman,” anitong itinago ang mukha sa likod ng ama.

Napangiti ang binata sa usapan ng mag-ama at tila kumibot ang kanyang puso sa pagkamahiyain ni Devie.

Unang kita pa lang ni Hector sa dalaga ay naakit na agad siya sa ganda at kasimplihan nito.

At lalo pa siyang humanga nang makausap at makakuwentuhan ito.

Mababang-mababa at walang taglay na kaartehan ‘di gaya ng mga nakilala niyang anak ng mga mayayaman.

Tama ang sinabi sa kanya noon ni Mr. Christian na ama ng dalaga.

“Sir, pinasasabi ni Kuya na kukunin daw niya kayong Ninong sa kasal,” pagbabalita ni Hector.

Ang kanyang kuya ay kapareho ng kanyang propesyon at ito ang naunang nagsilbi dito.

“Abah! Nadali rin ang kuya mong napakahilig sa bagong kotse ha! Akala ko magpapakatandang binata na lang ‘yun. Hahahahahaha!” pagbibiro ni Mr. Christian.

“Magaling po ‘yung magiging hipag ko eh.” nakatawang sagot ni Hector.

Napangiti ang matanda. “Eh, ikaw, kailan? Ni wala ka pa yatang nagiging nobya? Lumalapad na noo mo oh! Hehehe!” muling pagbibiro nito.

“Talaga pong ganyan na ‘yan. Diyan nga po ako pumopogi,” pagpapatawa ng binata.

“Hahahahaha!” Malakas na tawa ng kausap. “Kaya magaan ang loob ko sa iyo eh. Malakas ang sense of humor mo. Ayaw ko kasi ng taong masyadong seryoso,” dagdag nito.

“Ganun ‘din po ako. Baka lalo akong mapanot kung masyadong seryoso. Hehehehe!”

Muling natawa si Mr. Christian. “Hahahahahaha! Mabuti pa, minsan ay dadalin at ipakikilala ko sa iyo ang anak ko. Pag nakita mo ‘yun, siguradong mabibingwit na ang mailap mong puso,” patango-tangong anito.

Halos siya na lang ang wala pang asawa sa kanilang magkakapatid.

Naunahan pa siya ng kanilang bunso na si Eric na akala nila ay puro paglalaro lang sa babae ang alam at hindi iibig. At nitong taon nga lang ay natagpuan na rin ng kanyang kuya Aaron ang dream girl nito at nakatakda na rin ang kasal sa darating ng Hunyo.

“Hindi ko na pakakawalan ito. Kahit hindi ako ang ama ng kanyang dinadala ay pakakasalan ko ito,” ang nasa isip ng binata.

Subalit may pagkamakaluma ang binata at walang alam sa panliligaw na siyang marahil na dahilan kung kaya ni hindi pa siya nagkakanobya.

“Tama nga ang iyong Papa, mabibingwit mo nga ang puso ko. Hindi lang nabingwit, nabihag pa. Mahal kita. Handa kong ibigay ang aking pangalan sa iyong anak at ituring siyang tunay na anak,” ang panghuling salita na kanyang isinulat bago tiniklop ang sulat na kanyang ginawa.

Nagpuyat nang husto ang binata at halos isang booklet ng stationary ang kanyang naubos bago natapos ang sulat na ibibigay niya sa dalaga.

Iaabot niya ito kasama ng mga puting rosas na ayon sa ama nito ay paborito ng kanyang anak.

“Lika na at baka nandoon na ang mga order natin,” yaya ni Edz sa dalaga.

Graduation ni Devie nang araw na iyon at mas pinili niya ang magselebra na lang sa isang restaurant kaysa ang gusto ng kanyang mga magulang na isang magarbong party.

Binuksan ng dalaga ang kanyang bag para ilagay ang ATM na hawak at doon ay nakita niya ang isang sobre na nakapagpangiti sa kanya.

“Ngayon naman super ngiti. Haysss. Magsuklay ka na rin. Puro ka kasi ngawa. Bilisan mo’t siguradong kanina pa tayo inaantay dun,” ani Edz.

Sa pagkuha ng dalaga ng brush ay ‘di niya napansin na sumabit ang ATM at nalaglag.

“Saan ba kayo galing?” tanong ng kanyang Ama. “Nakapag-appetizer na kami at malamig na itong paborito mong kare kare ah,” dugtong nito.

Subalit hindi iyon nadinig ng dalaga.

Natuon ang pansin niya kay Hector na tumayo para iayos ang uupuan niyang silya.

Ganoon din si Randy sa kanya kapag kumakain sila sa restaurant na ‘yun. Hindi alam ng mga kasama ay dun sila madalas kumain ng kasintahan.

“Ngayon ko lang yata napuntahan ito ah. ” anang kanyang Papa.

“Masarap ang mga pagkain dito, Pa,” agad na sagot ng dalaga.

Napatingin siya sa ama. Talagang nagulat siya nang makita si Hector. Ang gusto niya kasi ay sila ng pamilya lang ang magselebra.

“Wala silang alam. Nasundan ko lang ang sasakyan ninyo. Nandoon ako sa graduation mo kanina,” ani Hector bago inabot ang isang Panda Bear stuff toy at isang bungkos ng puting Rosas. “Congratulations.”

Hahalik sana ito sa kanyang pisngi pero umiwas siya.

Hindi naman nagpahalata ang binata at casual lang itong bumalik sa upuan.

“Kain na tayo,” nakangiting yaya ng kanyang ina.

“Hello! Hello! Oh, wait, puntahan kita diyan,” si Edz habang hawak ang kanyang nokia N33. “Best, saglit lang, ha. Babalik ako. Tito, tita, uy, Hector alis muna po ako,” paalam nito. “Sandali lang talaga po. Kain na kayo ha,” bago mabilis na tumalikod at lumakad.

“Devie, puwede ka bang mayayang magsimba bukas sa Immaculate?” ani Hector.

Saglit na napatingin ang dalaga sa mukha ng binata pagkuway: “Sige,” nakangiting tugon nito.

Papalabas na sila ng restaurant nang bumalik si Edz.

“Hayss, pasensya na po, kuh, ‘yung client ko, eh, nagmamadaling makipagkita. Aalis daw papuntang Alaska at need ko mapirmahan ‘yung kontrata,” humihingal na anito.

“Ipinagbalot kita, Best, oh,” si Devie na bitbit ang isang malaking supot.

“Si Hector?” tanong ni Edz.

“Umalis na at may duty pa raw.”

Binuksan ni Edz ang kanyang bag at: “Uy, Best, buti na lang nag-cr muna ako bago lumabas. Itong ATM mo nalaglag mo. Puwede ba, huwag burara.”

“Ha?” gulat na anang dalaga. “Salamattttttt, Besttttttt.”

Naiiyak na sagot ni Devie, pagkuway iniyakap ang isang kamay sa kaibigan.

__________________________

“Parang seryosong seryoso ka sa dasal mo, ah. Hihihi!” biro ni Devie ke Hector paglabas nila ng simbahan.

“Alam mo ba kung ano ang hiniling ko sa Diyos?” seryong tanong ng binata.

“Ano?”

Tumingin ang binata sa mga mata ng dalaga “Ang huwag kang mawala sa akin,” sagot nito.

Napatanga si Devie.

Naalala niyang bigla si Randy.

Muli ay nadama niya ang isang kirot sa kanyang puso.

Nahalata ng binata ang kanyang pananahimik: “Okey, ka lang ba? May nasabi ba akong masama?” nag-aalalang tanong nito.

“Wala. Lika uwi na tayo. Parang sumasakit ang tiyan ko,” kunwa’y ani Devie.

Itutuloy…

 

Kabanata 1  –  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-1/

Kabanata 2  –  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-2/

Kabanata 3  –  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-3/

About mr clown

Hindi po ako writer. Trying hard lang po. Naglilibang lang at baka sakaling sa paglilibang ko ay malibang din kayo. Oh, e di everybody happy. Hek! Hek! ~ mr clown c")