Randy (Yah Walleth Book 2) K-7

Kabanata  7   –  ‘Si Alex’

Abala ang lahat ng Yah walleth noon sa kani kanilang area.

“Siguruduhin mong malinis ‘tong area mo, Tol, may Party mamaya.” ani Larry kay Randy.

“Oo, sinisinghot ko pa nga ang mga kutson para makasiguro ako, eh. Kapag humatsing ako, sure may alikabok.” biro ng binata.

“Hahahahaha!” malakas na tawa ng kasama. “Pero, payo ko sa iyo, kung ano ang hindi mo inaasahang sasalatin ng daliri ni Hambal, ‘yun ang punasan mo. Minsan, umaakyat sa kisame ‘yan. Pati ilaw hinahanapan ng alikabok para lang mabawasan ka ng sahod!”

“Nagawa ko na, Tol. Ang Kailangan niya, eh, mag dala ng sariling alikabok para makasuhan niya ‘ko, hehehehe!” patango tangong saad ni Randy.

Muling natawa ang kasama. “Lakas ng sense of humor mo! Hahahahaha! Tignan natin mamaya pagbaba ni Hambal.” ani Larry na dumako sa isang nakasabit na frame at tinitigan ang salamin nito: “Gusto ko lang sabihin sa iyo na sinisipat din ni Hambal kung may bakas ng daliri ang salamin ng frame. Minsa’y ‘di mo mapapansin na meron pala, kasi minsan ay hinahawakan ‘yan ng mga bisita sa labis na paghanga sa pagkaka dimension niyan.” pagkasabi’y inilagay ang hintuturo sa nakita sa salamin. “Ayan, oh, me bakat! 2 days salary deduction ‘yan.” ani Larry bago tuluyang tumalikod para bumalik sa kanyang area.

Mabilis namang kinuha ng binata ang box ng tissue at pinunasan lahat ng mga frame na nakasabit.

Alas otso ng gabi ang umpisa ng Party subalit aalis pa din si Hambal ng ala kuatro para sa regular na pagbisita nito sa kanyang Tatay at babalik bandang ala siyete para magpalit ng damit at harapin ang mga kaibigang darating.

Bale ilang oras na lang ay makikita na ni Randy ang kanilang Amo. Mula ng dumating siya ay hindi pa niya ito nakaharap. Lagi lamang ito sa itaas. Hindi niya malaman kung mukha ba itong Dimonyo o ano.

Kaya pati si Randy ay natataranta sa oras na idedeliver na ang tanghalian o hapunan nito dahil hindi pa rin niya nakikita kung paano ito magalit na ayon sa mga kuwento ay tila ba isang Leon.

Kanina nga lang ay parang kidlat sa bilis ang kanyang mga kasama ng bumaba si Roger ng 12:00 at sabihing “Yalah! lunch is 12:30.” kay Larry na naka abang lagi sa ibaba ng hagdan.

Si Roger ay masahista at kung hindi naman nagmamasahe ay lagi lang itong nasa itaas, nasa labas ng pinto ng kuwarto ng Amo at naghihintay ng utos.

Kung wala naman ang Amo ay bawal siya sa itaas.

At kapag may inutos ay mabilis itong dudungaw mula sa terrace, sasabihin kay Larry ang utos, pagdaka’y tatakbo ang huli sa kusina o sa bar o kung saan nararapat gawin ang inutos.

Nakatayo at nagbubulungan sina Randy at Michael sa harap ng pinto ng kusina ng sabihin ni Larry na: “Yalah 12:30 dawww!”

“Tara, Tol.” yaya ni Michael kay Randy at pagpasok sa kusina ay: “Alejandro. 12:30 lunch.” sigaw nito sa kusinero.

“Start, Addul” baling ni Alejandro sa assistant.

Mabilis ang pagluluto ni Alejandro, bato, itsa sa kawali, alog, halo, at salin sa nakalaang plato.

Animo’y Doctor na nag opera si Alejandro at Nurse naman si Abdul na bawat sabihin ng una ay mabilis na inaabot ng alalay.

Si Michael naman ay agad inihanda ang mga paboritong sawsawan ni Hambal, si Randy ay inilalagay sa malaking tray ang bawat matatapos ni Alejandro.

Binuhat ni Michael ang tray at mabilis na itinakbo ke Larry na itinakbo naman niya ke Roger sa itaas na itinakbo naman ng huli kay Pinky na mabilis namang ipinasok ng dalaga sa kuwarto ni Hambal.

Balik ulit si Michael sa kusina, at takbo na naman ng tray na puno ng pagkain.

Nang ganap ng maiakyat lahat ng pagkain ay ihahanda naman ni Abdul ang dalawang pirasong nagbabagang uling na gagamiting pausok sa kuwarto ni Hambal pagkakain.

“Haaah! Amputsa! Para palang basketball teamwork ang trabahong ito, ah.” anang hiningal na si Randy.

“Kapag kasi lumampas ang 12:31 ang dating ng pagkain ay yari tayong lahat. Kadalasan sina Alejandro ang binabawasan ng sahod at kawawa naman.” paliwanag ni Michael.

Ayon sa mga kasama ay kababalik lang ni Hambal galing sa Geneva at si Roger na lang ang kasama pagbalik gawa ng tumakas ang napakagaling nitong masahista na si Alex.

Halos lahat at maging si Roger nga daw ay nabigla at hindi akalaing gagawin ng una iyon dahil maganda naman ang sahod nito bukod sa napakalakas kay Hambal.

Kung hindi nga ito tumakas ay baka magaya ito sa isang masahista ng tatay ni Hambal na nabigyan ng bahay at lupa sa Pinas. ‘Yun nga lang, kapalit ay habang buhay na alalay/masahista at siyang marahil na iniwasan ni Alex.

Labis daw na nalungkot sina Pinky at Maricel sa balitang pagtakas ni Alex dahil ang huli ang taga pagluto nila ng pagkain sa tuwing madaling araw kapag tulog na ang Amo.

“Mag-isa lang siyang tumakas?” tanong ni Randy.

“Oo, kasama pa nga daw si Hambal na namimili nang umeskapo. Todo mura daw ang inabot ni Roger kasi inabot ni Alex kay Roger ang dalang sigarilyo at clutch bag ng Amo at sabi ay iihi lang daw,” sagot ni Michael.

“Ang tapang noh!” may paghangang ani Randy.

Bumuntong hininga ang kasamahan; “Kaya ko din ‘yun, Tol. At kaya mo din ‘yun. Pangalawa na ‘yang si Alex na gumawa niyan. Tatlong taon ang nakalipas ay dalawang babae ang tumakas, eh. Naka chat na sila ni Roger sa Yahoo kailan lang, wow! 75 thousand ang sahod, katulong lang at ‘yung isa, nakabili na ng bahay sa Montalban.”

“Ang laki ba naman ng sahod, eh,” saad ng binata. ” ‘Yun ang kailangan ko ah,” sa kanyang isipan.

“Oo nga pala, Malapit na ding dumating si Madam kasama sina Joy at Glenda, Pagdating ‘nun kalbaryo na. Buwi**t ‘yung si Madam, eh,” ani Michael.

“Ba’t hindi isinama sina Pinky at Maricel?”

“Apat lang ang kasama kada bakasyon. Dalawang lalaki at dalawang babae.”

“May boyfriend na ba yang Pinky?” patay malisyang tanong ni Randy.

“Sabi ni Joy madalas daw may ka text sa gabi, wala daw tigil ang tunog ng 3310, eh! at kung minsan pa ay may kausap sa cellphone. Sigurado daw nandito rin ‘yun sa bansang ito dahil kung wala ubos ang pera sa load.”

“Ah…” sagot ng binatang ang naglalaro sa isip ay; “Lamang ako dahil magkasama kami.”

“Hmmm… Sinubukan ko nang aswangin ‘yang si Pinky pero napahiya ako, Tol. Baka magaya ka sa ‘kin, hehehehe!” ani Michael na inilagay ang dalawang kamay sa batok at naupong pasandal sa sofa.

“Hahahahaha! Langya ka, ‘di naman ako aswang,” ani Randy na pinagpag ang kutsong sofa bago ginaya ang upo ni Michael. “Pero ‘pag nagpaaswang siya, pakakasalan ko na,” sabi nitong sa kisame nakatingin.

Tumayo ang kasamahan at “Malupet! Madami pang mas maganda ‘dun, Tol,” anito at bago umalis ay; “Alerto ka sa telepono d’yan, ha!” bilin nito.

Naiwan si Randy na nag-iisip.

“Hindi ako mahilig sa maganda… Ang gusto ko ay simple lang na parang iyakin,” bulong ng binata.

____________________

Tumatakbong pababa ng hagdan si Roger bitbit ang sigarilyo, cellphone at bag ni Hambal para iabot ito sa Driver na naghihintay sa Back door.

Tanda iyon na kasunod ng bababa ang Amo kaya agad na nagsitayo ang mga Yah Walleth sa kanya kanyang area. Maging si Kashile ay itinigil muna ang ginagawa sa computer at tumayo muna.

Kinabahan si Randy ng madinig ang malaking boses ng Amo at tila may pinagagalitang isa sa mga kasamahan.

At dahil malapit ang area niya sa lugar ni Kashile ay nadinig niya ang sinabi nito sa sekretarya.

“Deduct 3 days salary to that stupid.” anito.

Kasunod na nito si Kashile ng dumaan sa area ng binata.

Nakatayo lang nitong tinignan ang paligid bago siya hinarap at kalmanteng sinabi ang: “I know Michael teach you very well.” anitong nakangiti sa kanya; “Welcome to my Villa Randy.”

Ang napuna ni Randy ay kagaya rin ng napuna ni Rowel.

Maayos na maayos ang suot nitong puting damit at parang si Hesus sa ayos ng bigote at balbas at amo ng mukha.

“Thank you very much, Sir.” magalang na tugon ng binata.

Kinausap ni Hambal si Kashile sa kanilang wika at ng akma ng lalabas ito ay mabilis na pumuwesto sa pinto si Randy at itinaon ang pagbubukas nito sa paglabas ng Amo.

“Bye Randy” ani Hambal na ‘di tumingin at tuloy tuloy na lumabas.

“Bye, Sir.” tugon ni Randy pagkuwa’y isinara na ang pinto.

Kapag kumatok na si Roger na nasa labas ay tanda iyon na nakaalis na ang sasakyan ni Hambal at maari ng magpahinga muna ang lahat ng isa’t kalahating oras.

Nang magkaipon ipon ang mga magkakasama ay natawa na lang si Randy kay Larry.

“A**k ng tokwa. Hindi ko napansing may bakas ng kamay ‘yung salamin ng aquarium. Na 3 days deduction tuloy ako,” anitong kumamot sa kanyang ulo.

Naghiwa-hiwalay muna ang mga magkakasama.

Si Roger ay pumunta sa kanyang kuwarto, binuksan ang kanyang laptop at nakipagtawanan sa paborito niyang ofw zone 52 ng Yahoo Messenger. Wala pang Facebook noong 2006.

Si Larry at Domeng ay nagpunta sa kusina para magluto ng itlog na ipapalaman sa tinapay.

Si Randy ay pupunta na sana sa kanyang kuwarto nang makita niyang bumababa si Pinky bitbit ang basket ng labada.

Akmang babalik sana sa itaas ang dalaga nang matanaw ang binata pero tinawag siya ng huli.

“Pinky, saglit lang. Please,” sa malumanay na salita ng binata.

Natigilan saglit ang dalaga bago nagpasyang humarap.

“Bakit, Playboy?” tanong nito.

“Hindi naman ako ganu’n,” seryosong sagot ni Randy. “Nagkataon lang talaga na kahawig mo ang nobya ko kaya hindi ko agad nabitiwan ang kamay mo. Nawala lang ako sa sarili ko at siya ang nasa isip ko nang kaharap kita. Kung playboy ako, hindi sana ang minamahal ko ang nasa isip ko, ‘di ba?” sa dahan-dahang bigkas ng binata.

Napaisip ang dalaga at ‘di sinasadyang napagmasdan niya sa mukha ng binata. “Pogi pala ito, ah.” sa kanyang isip at sa ‘di malamang dahilan ay nakadama siya ng munting kilig.

“Okey. Dito lang ako. Mahirap nang ma-corner mo ko sa laundry,” anang dalaga.

Napangiti ang binata.

“Biro ko lang naman ‘yun eh.” anitong hindi naalis ang ngiti. “Gagawin ko ba ‘yun, eh, ‘di napahamak ka. Kung ako lang, walang problema. Pero ikaw, hindi ako papayag.”

Napangiti na rin ang dalaga at umusbong ang paghanga sa binata.

“Ipagluluto kita ng Pinoy Food bukas ng madaling araw,” nakangiting sabi ni Randy.

Biglang naglaho ang ngiti ng dalaga at nagpaalam.

“Sige, babalik muna ako sa itaas, may nakalimutan ako, eh,” anang dalaga.

Itutuloy…

Kabanata 6 –  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-6/

Kabanata 5 —  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-5/

Kabanata 4 —  definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k4/

Kabanata 3http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-3/

Kabanata 2  —  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-2/

Kabanata 1  –  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-1/

About mr clown

Hindi po ako writer. Trying hard lang po. Naglilibang lang at baka sakaling sa paglilibang ko ay malibang din kayo. Oh, e di everybody happy. Hek! Hek! ~ mr clown c")