Randy (Yah Walleth Book 2) K-5

Kabanata 5- ‘Si Maricel’

Hindi kagaya ni Rowel na ibang lahi ang sumalubong,  si Engineer Marshal ang nakaharap ni Randy sa airport.

Sa loob ng kotse, habang tumatakbo ay: “Kamusta ang biyahe mo, kabayan?” tanong nito.

“Mabuti naman po, Sir,” magalang na sagot ng binata.

“I’m sorry, ha, pero patakaran talaga ni Hambal na kunin ang mga passport at siya ang magtatabi.”

“Ganun po ba. Sige po,” sagot ni Randy bago iniabot ang pasaporte.

“Handa ka ba sa mga pagsubok na kakaharapin mo dito?” anitong sa kalsadang tinatakbo nakatingin.

“Mahalaga po sa akin ay kumita ng pera,” tugon ng binata.

Saglit itong lumingon at tinignan si Randy bago ibinalik ang tingin sa harapan ng manibela: “Mukhang matapang ka, pero gusto ko lang ipaalam sa iyo na kailangan mo ng walang katapusang pagtitimpi hanggang matapos mo ang kontrata mo. Ang amo natin ay mababa masyado ang tingin sa mga tauhan lalo na’t Pinoy,” tila may galit na anito sa huling pangungusap.

“Uulitin ko po, Sir, ang mahalaga sa akin ay kumita ng pera,” nakangiting sagot ng binata.

” ‘Yun nga ang sisira sa pagtitimpi mo. Konting pagkakamali mo lang ay salary deduction ang parusa,” paalam ni Marshal.

“Pagbubutihan ko po at pag-iingatan kong huwag magkamali,” anang binatang sa kalsadang tinatakbo nakatingin.

“Kung sakaling wala kang mali at sabihing mali ay huwag ka nang kikibo, iho. Dahil bukod sa hindi ka mananalo ay posibleng mapahamak ka pa. Huwag mong ipagpapalit ang kaligtasan mo sa konting pera.”

Kinabahan ang binata at hindi nakakibo.

“Malaki naman ang sahod mo, halos triple sa mga kasama mo. Nalaman kong maganda kasi ang posisyon mo sa Pinas. Pero ang magiging trabaho mo ay kapareho rin ng trabaho nila dito. Ganon si Hambal, kahit pa abogado sa Pinas ang kinuha ay alipin ang trabaho dito pero hindi niya binabago ang sahod na nasa kontrata. Yun nga lang, nagnanakaw sa pamamagitan ng mga kunwa’y mali kahit hindi mali. Kaya sa iyo ay malaki pa matitira, mabawasan ka man,” anito pagkuwa’y lumingon ulit sa binata: “Inaasahan kong kabayan ang turing mo sa akin at hindi mo ako ipapahamak sa mga sinabi ko sa iyo,” nakangiting anito.

“‘Yan po sinabi sa Seminar namin. Ang huwag magbagsak ng kabayan. At hindi man sinabi ‘yun ay talagang hindi ko gagawin po iyon,” seryosong tugon ni Randy.

Tumatango ang lalaki: “Nakikita ko naman sa pagkatao mo.”

Pumarada ang kanilang sasakyan sa tapat ng isang malaking bakod na sa tingin ng binata ay ordinaryong bahay lang ng mga mayayaman sa Manila.

“Dito ka muna, sa loob ng tatlo o apat na buwan ay lilipat na kayo at si Hambal kasama ang mga pamilya at mga tauhan sa ipinapagawang Palasyo ng kanyang Ama. Doon ako tumutuloy ngayon. Mag-iingat ka dito, ha. Marami nang napahamak na kabayan natin at hanggang ngayon ay nasa kulungan,” bilin ni Engineer pagkuwa’y pinindot ang door bell.

Si Rowel ay sa palasyo na nagsimula.

Si Randy ay sa Villa na unang tinirahan ni Hambal nang makapag asawa.

“Opo, Sir, salamat po,” sagot ng binata bago binitbit ang gamit at naghintay sa pagububukas ng gate.

“Oh, Michael, bahala ka na ke Randy, ha,” bilin ng huli. “Ito yung passport niya, ibigay mo na lang kay Glenda,” anito bago tumalikod at pumunta na sa kanyang kotse.

“Yes, Boss,” sagot ni Michael. “Tara Bro. Welcome to Satanas Villa,” anang binata.

“Lord, bahala ka na sa akin po,” sa isip ng binata habang lumalakad papasok.

Walang hardin kundi garahe lang at sa gilid noon ay may isang spiral na hagdan na sa itaas ay accomodation ng tatlong tauhang pinoy.

Pagpasok sa loob ng main door ng Villa ay isang pinto ang katabi nito sa kaliwa at sa loob nun ay area ng dining, living room na pawang malalaki at family swimming pool kung saan nandoon din ang bar at tea room at back door kung saan lumalabas sa hapon at dumadating si Hambal.

Sa Main door na iyon ay si Madam at mga anak lamang nito ang dumadaan.

Sa kanan ng pasilyo ay isang malapad na hagdan kung saan sa itaas ay nandoon ang kuwarto ni Hambal, kuwarto ni Madam at ng mga anak nito at katabi ‘nun ay mini kitchen, ironing room at katabi naman noon ay kuwarto ng mga babaeng katulong.

Sa dulo ng pasilyo ay accomodation ng mga driver, si Kadja na katiwala at ng isang chief cook at assistant nitong si Abdul.

Sa magkabilang gilid ng pinto accomodation na iyon ay pinto ng main kitchen sa kaliwa at kanan ay laundry ni Madam.

Pagbungad sa accomodation ay isang maliit na living room; carpeted ang buong paligid at may mga mababang kutson na nagsisilbing sofa.

Kaharap noon ay Tv at dalawang kuwarto sa gilid.

Sa dulo ay laundry room ng mga tauhan.

“Mga tol, si Randy, bago nating kasama,” pagpapakilala ni Michael sa binata.

Nakaupo doon si Roger, Domeng at Larry na pawang mga naka-uniporme.

Black na pantalon, white na long sleeves at black na bow tie.

“Welcome kabayan. Kumain ka na ba?” si Domeng.

“Busog naman, Tol. Nakakain naman ako sa eroplano,” sagot ng binata.

“Dito kuwarto mo, Tol, Pasensya ka na, pangtatluhan lang ‘yung accomodation namin sa labas,” turo ni Michael. “Makakasama mo dito si Arif at Saad na driver.”

“Ingat lang bro. Baka biglang kang halikan ni Arif, sobrang pogi mo, eh!” biro ni Roger.

Tawanan.

“Wala pa naman akong nasusuntok na ‘di bumulagta, Tol,” nakatawang sagot ni Randy.

“Hahahaha! Wala pa ring nanuntok dito na ‘di nakulong,” ani Domeng.

“Ikaw ang magpasuntok, Tol, magkakapera ka nang malaki. Isang ipin mo ang mabungi, me bayad na agad,” saad ni Larry.

Walang masabi ang binata.

Tinapik ni Michel ang binata sa balikat at: “Binibiro ka lang ng mga iyan, Tol. Mababait ‘yang mga kasama mo. Huwag kang mag alala,” anito

“Alam ko naman,” nakatawang sagot ng binata.

Sa loob ng kuwarto ay: “Ito cabinet mo, kay Alex ito, kaso, tumakas sa Geneva nitong October lang,” ani Michael.

“Ah. Sige, salamat, Tol.”

“Magpahinga ka muna, may party ngayon, kaya nakaganito kami. Bukas, biyernes, eh, wala, pahinga tayo. Iwan na kita, ha. Pag nagugutom ka, Silip ka lang sa pinto ‘dun malapit sa main door, nandoon kami lahat. Tawagin mo ko,” bilin ni Michael.

“Sige, salamat, salamat, Tol,” anang binata na nakipagkamay.

“Ako bahala sa ‘yo dito,” si Michael na sumaludo pa bago lumabas ng kuwarto.

Pagkaayos ng mga gamit ay nahiga muna ang binata sa itaas ng double deck na ayon kay Michael ay kanyang puwesto gawa nang ang isang single bed ay kay Saad at sa double deck ay si Arif sa ilalim.

Kahihiga pa lang niya nang pumasok si Arif na isang maskuladong negrong kulot ang buhok at isang malaki ang tiyan na si Saad.

“Good evening,” bati ng binatang napatayo at akmang bababa sa higaan. Alas nueve na ng gabi noon.

Pero pinigil siya ni Saad: “Good evening. Go, go, sleep. I know you are tired,” anito.

“Wowowow gemila gidan,” sabi ni Arif na halos ipin lang ang maputi.

Nangapa ang binata pero agad na sumagot si Saad: “He said you are beautiful,” nakangiting anito.

Naalala niya ang sinabi ni Roger.

“Ingat lang, bro. Baka biglang kang halikan ni Arif, sobrang pogi mo, eh.”

“Putsa! Ang laking tao nito, ‘di ko kayang patulugin ito sa isang suntok lang,” sa isip ng binata.

“Ah, thank you, same same, you gemila gidan,” sabi ni Randy.

Isinalin ni Saad sa kanilang wika ang kanyang sinabi at natuwa si Arif: “Shukran shukrannnn, sadik. Yalah nom.”

“He said thank you, my friend. Go and sleep,” ani Saad.

“Shukran Sadik,” ani Randy na patango tango.

Nag-usap ang dalawa habang hinuhubad ang mahabang puting damit pero puro Kuwais lang ang natandaan ng binata.

Nahiga naman agad ang mga ito at ilang saglit lang ay duet pa sa lakas ng paghihilik.

“Para sa iyo lahat ang pagtitiis ko dito, Devie…” bulong ng binata bago ipinikit ang mga mata.

Alas kuwatro ng madaling araw ay nagising si Randy at lumabas ng kuwarto para pumunta sa sinabi ni Michael na lugar kapag nagutom siya.

Naglalakad siya sa pasilyo nang masalubong niya si Maricel ibang lahi na labandera ni Madam.

Super itim, ang buhok ay kulay ginto na nakatirintas lahat, napakalaki ng balakang pero walang dibdib.

“Who are you?” mataray na tanong nito.

“I’m Randy, Ma’m,” pinili niyang tawagin itong Ma’m kahit parang alam na niya ang trabaho nito gawa ng bitbit na mga labada.

Tumaas ang kilay ng babae at: “Are you new here?”

Tumango ang binata: “Yes, Ma’m.”

“and where will you go now?” nakaliyad ang dibdib na tanong nito.

“Just want to ask food to Michael, He told me to go to that door, Ma’m,” sagot ng binatang inginuso ang pintong na likuran ng babae. “Ang sungit naman ng panget na ‘to! Sigawan ko kaya?” sa kanyang isip.

“The party is finished, all of them are sleeping already.” anito pagkuwa’y tinignan ang binata mula ulo hanggang paa: “Come I’ll give you food,” anito bago lumakad at pagtapat sa pintong nasa kanan katabi ng pinto ng accomodation: “Come here,” kaway nito.

Lumakad si Randy at pagtapat niya sa babae ay hinawakan siya nito sa kamay;  “I said come” at hinila siya sa loob bago inilock ang pinto.

Paglabas ni Randy ay tulala kaya hindi niya napansin ang nakatayong babae na kabababa lang ng hagdan para ibigay at ihabol kay Maricel ang lalabhang bed cover na ibinigay sa kanya ni Madam na ayon sa huli ay natapunan ng anak ng hot chocolate.

Saktong nakita niya si Randy na tulala at ang biglang pagtakbo nito sa loob ng accommodation.

Dahil ngayon lang niya nakita ang binata ay sinilip niya ito sa loob at doon ay nakita niyang nagsusuka ang lalaki.

Nadinig pa niya ang: “para iyo lahat ang pagtitiis ko dito,” usal ng binata bago: “harkkkkkk!” muling sumuka.

Pumasok ang dalaga sa laundry at tinanong si Maricel.

“Nothing, I just gave him a welcome torrid kiss. And gosh! He’s yummyyyy…” tila kilig na kilig na sagot nito.

Natawa ang dalaga.

Alam na alam na niya ang dahilan ng pagsusuka ng lalaking nakita niya.

Ang napakalakas na anghit nito sa kili kili.

Na corner na rin nito si Domeng.

Ayon sa lalaki ay may ipaaayos lang daw ito, pero pagpasok sa loob ay sinabing: “Now, kiss me or I’ll shout here.”

Gustuhin mang tumakbo ni Domeng ay hindi magawa sapagkat nakaharang ito sa pinto.

“Just one kiss, after that you can go,” nang-aakit na ani Maricel.

“Diyos ko, okey naman sana, pero nang iyakap sa batok ko ang mga kamay, eh pasok sa ilong ko ang baktol, nawalan ako ng gana.”

Natawa ang babae sa alaalang iyon na nagkukuwento si Domeng.

Nang maayos na ang pakiramdam ni Randy ay muling lumabas at nagpunta sa kitchen na ayon kay Maricel ay katapat lang ng pintong pinasukan nila kanina na walang iba kundi ang laundry room ni Madam.

Magbukas lang daw siya ng cabinet at marami daw bread at ang mga palaman ay nasa ref.

Subalit pagpasok niya ng kitchen ay muli siyang natulala.

“Pagkain mo, oh,” sabi ng nakangiting babae na may hawak na sandwich na bagong gawa. “Sabi ni Maricel ay nagugutom ka daw at sigurado akong sa dami ng isinuka mo ay wala nang laman ang tiyan mo,” makahulugang anang babae

Wala sa sariling kinuha niya ang inabot nitong pagkain, hindi niya agad nabitiwan ang kamay nito dahil nakatitig sa mukha ng babae dahilan upang ‘di mapansing hinigpitan pa niya ang hawak sa kamay nito.

Nakahalata naman ang babae at: “Abahhh! Pagkatapos kay Maricel parang ako naman ang gusto. Hindi ako ganun!” anito sa nanlalaking mga mata.

Tila nagising naman ang binata: “Ha? Opss. I’m sorry,” nahihiyang paumanhin niya sa dalagang kamukhang-kamukha ni Devie.

Si Pinky.

Itutuloy…

About mr clown

Hindi po ako writer. Trying hard lang po. Naglilibang lang at baka sakaling sa paglilibang ko ay malibang din kayo. Oh, e di everybody happy. Hek! Hek! ~ mr clown c")