PULPOLitiko

PSGWBAK(SARILING KOMENTO AT OPINYON, NA MAY APAT NA YUGTO)
“PULPOLitiko sa GAGObyerno with BOBOtante at kandiDADAto”

Unang Yugto: PULPOLitiko

[Pulpolitiko: Karaniwang nasa gobyerno o nagpapatakbo ng pamahalaan, mga walang alam sa politika at pinaggagawa nila pero pinipilit pa rin na maisiksik ang sarili dahil sa pansariling kapakanan.]

Bago pa man matapos ang taon nakita na natin ang mga aspiring candidates para sa Halalan2016. Kanya-kanyang pakulo, pagpapacute, pagpapabida, drama at kaartehan. Pero iilan lang sa kanila ang masasabi mong seryoso, matino o karapat-dapat na maupo. IILAN!

Ibig sabihin marami sa kanila ang gusto lang tumakbo para maging isang PULPOLitiko. Dadagdag lang sa mga mangmang at buwaya na nasa gobyerno. Mga pulpol na sa tagal nang nakaupo sa pwesto ay wala man lang naibahagi o naitulong sa bayan. At imbes na makatulong dumagdag perwisyo at problema lang.

Hindi lahat ng politiko pero MAJORITY sa gobyerno ay mga PULPOLitiko. Nangako na maglilingkod sa bayan pero sila pa itong sakit sa ulo. Mga pabida na dapat naging artista na lang.

Speaking of artista isa ito sa characteristic ng pagiging isang pulpolitiko. Sila ‘yung mga artista o sikat na personalidad na pinag-usapan lang sa bansa ay tumakbo na at umupo sa pamahalaan. Nahikayat lang ng ibang pulpol at buwaya ay nagpauto na at nakipagsiksikan sa gobyerno. Hindi muna pinag-aralan o pinag-isipan nang mabuti ang desisyon na gagawin. Wala silang pakialam sa bigat na pasanin na kanilang haharapin, ang gusto lang nila ay sumikat pa at magpayaman.

Sila yung mga PULPOLitiko na kapag tinanong mo about sa batas ay hindi makakasagot, pero pag ang tanong about sa showbiz mabilis makakasagot. Sila ‘yung mga pulpol na politiko na dahil sa kasikatan kaya nakaupo sa gobyerno. Sila yung mga pulpol na mas marami pa ang absent sa nagawang proyekto para sa bayan. Laging wala dahil busy sa career, business at mga mall show.

Ang sarap sabihan ng CUT NA! PACK UP NA! tigilan n’yo na ang gobyerno, magpacute na lang kayo sa camera.

Hindi nga lahat ng artista na naging politiko ay pulpol, pero ilan sa kanila ay lantaran ang pagiging PULPOLitiko na talaga namang nakakainis na. Sana sa susunod ay mapatayan na sila ng spotlight sa pamahalaan.

Kabilang lang din sa PULPOLitiko ang mga aspiring candidates o tatakbo sa halalan2016. Sila ‘yung mga pulpol na hindi pa nga tapos ang termino, serbisyo at tungkulin sa bayan ay nanghihikayat na na iboto ulit sila o iboto sila sa mas mataas na katungkulan.

Kung hindi ba naman pulpol, wala ngang nagawa nang nakaupo sila, naghangad pa ng mas mataas na katungkulan?

Nagkaroon lang ng parangal, gusto nang maging kongresista. Naging Gabinete lang, gusto nang maging senador. Naging Senador lang, gusto nang maging Presidente.

Pare-parehas na nagsasabi na itutuloy ang magandang nasimulan sa bayan, pero pag tinanong mo kung ano ‘yung nasimulan, wala na ngang maituturo, wala pang masasabi.

Nagmando lang ng trapiko, tumulong lang sa kaso ng mga sikat o pinag-uusapang issue, nagbigay lang ng libreng tuition sa isang semetre, nag-akusa o ipinakulong lang ang kapwa buwaya o nagBISEbusyhan lang nang ilang araw, akala mo kung sino nang mga magagaling at ang feeling na malaki na ang nagawa para sa bayan na kung tutuusin ay trabaho naman talaga nila at kulang pa sa trabahong nakaatas sa kanila.

Pansinin agad ang mga pulpol na politikong ito dahil sila ngayon ‘yung mga nagpapabango sa taong bayan, kunwaring ilang araw nang ginagawa ang tungkulin pero ilang taon palang naging bulag at nagpakapulpol sa kinauupuan nila.

Marami pang karakter ang mga PULPOLitiko, pero isa sa pinakasikat ay ang buwaya. Likas na katangian ng mga pulpol na politiko.

Isa sa mga layunin nila ang maging isang ganap na buwaya. Gusto lang umupo sa pamahalaan para magnakaw sa kaban ng bayan. Mga buwayang nagbabalat-kayo na politiko, literal na walang pakialam sa nasasakupan o sa bansa at interes lang ay magpayaman. Ang iba ay nakakulong na, pero may mangingilan ang nasa gobyerno at nakakalat pa.

BabyCroc — sila ‘yung baguhan at nag-uumpisa pa lang. Sa madaling salita nangungupit pa lang ng barya sa kaban. May takot pa na mahuli kaya sa maliit na proyekto lang sila nangungupit. Pulpol na politikong dapat ding pagtuunan ng pansin dahil kung hindi sila sasawayin ay mamimihasa at mas lalaki pa ang nanakawin. GroupCroc o GC, mga buwayang nagtutulungan para makanakaw. Tulad sa groupchat, pinag-uusapan nila nang maayos kung papaano sila makakanakaw nang hindi mahuhuli. Pero pag nahuli kanya-kanyang leave sa GroupChat at magtuturuan kung sino ang pasimuno.

NetCroc-king — tulad ng GroupCroc, nagtutulungan din sila pero hindi pantay-pantay ang porsyentuhan ng nabuwayang pera. Depende kung anong posisyon mo mula sa Member, assistant leader at leader. Ang sistema ng pagbubuwaya; dahil gustong magnakaw ng leader ipapasa niya sa assistant niya na ipapagawa sa mga member.

Karaniwan silang makikita sa bilibid o presinto, BOC (Bureau Of Crocodile) at sa iba pang kawani ng gobyerno. Pati paliparan, nilulunggaan na rin nila.

LOLONG — pinakahuli at pinakamalaki. Sila ‘yung mga buwayang sa sobrang tagal na sa pamahalaan, tumanda na sa pagiging buwaya at lumaki nang lumaki ang nanakaw mula sa kaban ng bayan. Dahil sa sobrang laki lantaran na din ang pagbubuwaya. Mga pulpol na sa araw-araw ay libo-libo ang kinukuha sa pondo ng bansa. Wala nang pakiramdam, nilamon na ng masamang gawa at umaalingasaw ang amoy ng pagiging buwaya. Bingi na sa sigaw ng taong bayan, nabulag ng sariling interes at dahil sa kanila, ang pilay na Pilipinas ay hirap pa ring makatayo. Dakilang PULPOLitiko! Mga mapagkunwaring tao, mapagpanggap para sa tunay na layunin.

Ilan lang ito sa karakter ng pagiging isang pulpol na politiko.

Sana mali ako na minority na lang ng nasa pamahalaan o mga politiko ang tapat at seryoso sa tungkulin para sa bayan.

Sana mali ako na nasasakop na tayo ng mga pulpol o mangmang na politiko.

Sana mali ako na huli na ang lahat para malinis ang maduming politika na meron ang ating pamahalaan.

At sana mali ako na ito na ang wakas at wala nang pagbabagong mangyayari pa, na dumaan man ang maraming halalan, mananatiling may PULPOLitiko sa bayan.

Sa susunod na yugto, ibabahagi ko ang dahilan kung ano ang GAGObyerno sa bansa.

Muli … sariling opinyon at komento ko po ito patungkol sa PULPOLitiko.

About Tubero

Taga ayos ng sirang tubo