PRIDYIDER

Image credit to owner

Bago ako tuluyang mahimbing
Sa pagkakatulog sa loob
Bago ako tuluyang lamigin
At tuluyang mamaluktot.

Sana ay malaman ninyong
Nasa mabuti akong kalagayan
Sana ay ‘wag kayong mag-alala
Dahil kinakaya ko pa, Manang.

Hindi ba’t pinangako ko naman?
Na kaya kong magtiis
At babalik ako sa ’ting tahanan
Walang kulang walang labis.

Alam kong hindi pa tapos si bunso
At si ate’y may pamilya na
Kaya Nanay at Tatay
Kakayanin ko ang mag-isa.

Naaalala ko ang dagat
At Ang paghampas ng alon
Mga Pananim ng tatay
Dinidiligan ko tuwing hapon.

Ang bango ng luto ni nanay
Ang mga pangaral ni tatay
Mga okasyong ‘di malilimutan
Masarap sanang mabuhay.

Ngunit, Nay, ayos lang ako
Di’ ako makakauwi,
Gusto ko man lumipad
Ngunit hindi maaari.

Tay, pangarap ko ito
Heto ang aking ipon
Susugal akong muli
Sa utang ayaw kong mabaon.

Natanggap ba ninyo ang pera?
Mga tsokolate at damit
Mga pinaglumaang abaya
At mamahaling gamit?

Ilang taon na lang, Tatay
Makakasama ko kayong muli
Nasasabik na akong makita
Ang matamis ninyong mga ngiti.

Nay, Tay, nakamamanhid pala talaga
Kapag sobra ang lamig
Sakit ay ‘di nadarama
kahit dito sa dibdib.

Nay, Tay, saglit na lang po
At magpapaalam na ako
Mas gusto ko pa pong magtanim ng palay
Kesa maglinis ng banyo.

Mabuti pa si Bantay
Nakakakain kapag may tira
Ang turing sa ‘ki’y hayop
Masahol pa sa basura.

Inay, ‘di ko nalimutan ang sinabi mo
Na magdasal at magpasalamat
Kaya naman ngayon sasambitin ko
Ang mensahe ko bagamat..

Ako’y pinanghihinaan na
Sa hampas na inabot
Blangko ang paningin ko
Sa hagupit at bugbog.

Diyos ko po, malamig na
‘Di ko na po kakayanin,
Iabot ninyo ang aking iyak
Ibubulong ko sa hangin.

Magyelo man ang aking luha
Mangitim man ang aking balat
Bali bali man ang tadyang
Sana ako ay inyong mahanap.

Dito sa sulok na ito,
sa malamig na bahagi
Dito sa sulok na ito
naiiwan akong palagi.

Paalam na, Inay, Itay
hindi ko na po kaya
Sana ako ay nakinig,
sana’y ‘di nagdurusa.

Uuwi na ako Inay,
tulad ng isang balikbayan
Masaya akong nakatulong sa inyo
Kahit ‘di n’yo na ako masisilayan.

PRIDYIDER
2018

(“Ang paghalik ng pluma sa pinakamanipis na uri ng kahoy”)
Emstarr14

RIP kabayan
#justiceforjoanna
#justiceforOFW
#notaslave
#midnightthoughts
#balikpagibig
#angpagbabalikmakata

 


About emstarr14

A Nurse OFW, formally school journalist whose passion is to create piece of art through writing. "Ang paghalik ng pluma sa manipis na anyo ng kahoy ay isang pag-ibig na wagas" ang pagbabalik loob sa pagsulat
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!