Pinakadakilang Pagmamahal Na Higit Pa Sa Buhay Ko (Unang Bahagi)

(Photo Credit: Worldofcyberlovers)
 (Photo Credit:    Worldofcyberlovers)
(Photo Credit: Worldofcyberlovers)

Nandito ako ngayon sa siyudad ng New York, nag-iisa, nangangarap na sana ay makahanap ako ng isang katulad niya. Alam kong huli na kaming nagkakilala pero sa maikling panahon na iyon ay pinaramdam niya sa aking kung ano ang sinasabing wagas na pag-ibig.  At salamat na ipinahintulutan niya akong mahalin siya nang higit pa sa aking sarili. Hindi ko alam kung sa aming paghihiwalay ay makakamtam namin ang higit na ligaya sa piling ng iba.

Tandang-tanda ko pa noong una ko siyang makita. Nasa isang pagtitipon kami na binyag ng kakilala. Siya na kaibigan ng babae at ako na kaopisina ang lalaki. Nasa kabilang mesa siya kasama ang  mga kaibigan habang ako naman ay nasa isang grupo kasama ang mga kaopisina. Natawag ang aking pansin dahil sa  pagdadala niya sa kanyang kasuotan. Naka maikling shorts  na naternohan ng hapit na blouse at naka heels siya. Natutuwa akong pagmasdan ito dahil hindi  naman siya katangkaran, morena ang kulay ng balat at masasabi kong bilugan ang hugis ng katawan ngunit para sa kanya ay wala siyang pakiaalam basta komportable siya kanyang kasuotan. Iyan ang tinatawag kong “self-confidence”.

Kung kaya ipinagtanong ko sa aking kaibigan kung sino siya, ang sinabi lamang niya ay, “huwag mo ng pansinin dahil ikakasal na iyan.” Tumahimik lamang ako at itinuloy ang pagtitipon at ng kumonti na ang mga bisita ay ipinag-isang mesa na lamang kami. At naroon siya, mailap ang mata at medyo suplada pa ang dating. Nang ipakilala na sa akin,  ang sagot lamang niya ay simpleng pagtugon at matipid na ngiti. Panay ang kalikot niya sa telepono at palabas labas siya dahil may kausap. Ang nasabi ng aking kaibigan ay tila hindi makakapunta ang kasintahan at sila ay nagtatalo. Inabot na kami ng gabi ay andoon pa rin kami hanggang nagkayayaan ng mag-uwian. Wala pa rin siyang sundo at balak na sana niyang magtaxi nang sabihin ng kanyang kaibigan na sumabay na lamang siya sa akin dahil may dala akong sasakyan. Tumatanggi siya dahil daw abala sa akin pero sabi ko ay okey lang sa akin. Kung kaya sumabay na rin siya.

Sa pagkakataong iyon ay sinubukan kong makipagkuwentuhan sa kanya, ngunit palaging maikli ang kanyang sagot. Mahirap talagang mahuli ang loob nitong si Laila o talaga lamang nakatuon na ang kanyang pansin sa kanyang kasintahan. Kung ano-ano ang aking binabanggit na paksa, pero parang hindi siya interesado. Lalo lamang akong naintriga sa kanya dahil iba ang bilib niya sa sarili.

Nang nabanggit ko sa kanya na may magandang palabas sa sinehan ay doon ko nalaman na paborito pala niya ang bida doon kung kaya sinabi kong yayain ang mga kaibigan at manood kami ng sine bukas.  Ang sabi lamang niya ay susubukan niyang kausapin sila at sabi ko kunin ko na lang ang kaniyang numero sa telepono para alamin ang resulta.  Binigay naman niya  at nahinto lamang ang kuwentuhan nang makarating kami sa kanilang bahay at siya ay bumaba. At binanggit ko na bukas ang usapan tungkol sa sine. At ngumiti lamang siya.

(Itutuloy)


About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!