Pera mo nga

Image by RGBStock

Uyst, pera mo nga?! Pang recess ko lang. Hindi pa kasi ako kumakain mula kagabi, tubig lang, at kaninang umaga kape lang na walang asukal. Hindi pa kasi nakapaglalabandera si nanay, inaatake na naman ng asthma at si tatay hindi na naman umuwi ng bahay kagabi.

Sige na, pera mo nga?! Kahit lima lang, pambili ng dalawang tukneneng na may ketchup. Gutom na talaga ako, nakakatakam na kumain kasi. Ayaw naman akong pautangin sa canteen at matagal-tagal na naman uli bago may feeding program, sumasama ako dun kahit hindi ako nakalista.

Bes, pera mo nga, parang awa mo na! Apektado na pati sulat ko sa journal natin sa English, wala akong mabuong sentence at maging sa Math hindi ko maalala ang formula at naliligaw ako sa solusyon. Nahihiya na rin ako sa TLE natin sa tuwing practicum, iniiwasan na akong maisama sa groupings kasi wala akong maiambag kahit pisong duling.

Excuse me, pera mo nga, kahit ‘yung barya mo na lang. Babayaran ko rin kapag nakaluwag luwag sina nanay at tatay ko. Pambili ng sampung pisong gulay, ulam sa tanghalian at kung mamalasin, maglulugaw si nanay na may asin, pilit pagkakasyahin ang isang kilong bigas sa tatlong araw.

Pagsapit ng hapon habang nasa klase, nananahimik na lang ako sa sulok habang lumilipad ang isip ko sa piling ni Jollibee at pinapapak ang isang bucket ng ChickenJoy, pagkatapos ay magmemeryenda ng halo-halo sa Chowking at mag-uuwi ng sangkaterbang cake at tinapay ng Red Ribbon. Babalik ang gutom sa pagtunog ng bell at uwian na naman. Masuwerte na sa hapunan kung lugaw uli na may asin at kung mamalasin uli, matutulog na lang nang maaga at makikipag-agawan ng kapanatagan sa tiyang ginagasgasan ng asido. Hindi na naman uli umuwi ang tatay ko.

Ganito pa man ang sitwasyon ko na laging nasa sinapupunan ng gutom, binubusog kami ni nanay ng mga pangaral na huwag magpabaya sa pag-aaral. Aral lang daw. Pumasok sa iskul parati kahit panyo lang ang laman ng bulsa – pamunas ng pawis at luhang kailangang paglabanan ang estado ng buhay at gapiin ang kahirapan. Kaya mahal na mahal ko ang nanay ko.

Kaya, classmate, pera mo nga, panlaman tiyan lang. Babawi rin ako sa ‘yo balang araw…

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!