Pekeng Saya

(Photo Credit: powerstates)
(Photo Credit:     powerstates)
(Photo Credit: powerstates)

And then she prayed the strangest prayer ever said;
“I wanna thank You Lord,
For noisy children and slamming doors,
And clothes scattered all over the floor,
A husband workin’ all the time,
Draggin’ in dead tired at night,
My never-ending messy kitchen
And dirty dishes.”

Ang sarap sa tainga. Pinakikinggan niya mga kanta ni Scotty ng American Idol. Nakaupo siya sa loob ng kotse. Papunta sila sa isang party nang gabing yun. Ang lakas ng ulan. Maginaw. Nakatingin sa labasan. Bigla siyang napangiti at sinabi sa sarili, “Maganda palang pakinggan ang mga country songs.”  

Pero habang tumatagal, biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha niya.   Lumukot. Kumunot ang noo. Humaba ang nguso. Naisip na naman niya ang tanong na yun. Na mula yata pagkabata,ay  tinatanong na niya yun sa sarili at sa mga ibang kakilala niya. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nasasagot.

Bakit ba ang hirap maging masaya?

Pinipili naman niyang maging masaya. Sino ba may ayaw maging masaya, ‘di ba?

Sabi nila, “Happiness is a choice” daw.

Pinipilit naman niya. Buong araw ay sumasakit ang panga niya sa katatawa. Pero pag patapos na ang araw, marerealize niya, hindi naman siya masaya.   Alam niya. May kulang. Hindi lang niya matukoy kung ano. Pinipilit lang niyang sabihin sa sarili niya na masaya siya. Dahil kung talagang masaya siya, naniniwala siya na hindi naman dapat sumasakit ang panga niya kapag tumatawa. Dahil dapat, yung mata at puso niya ang tatawa. Kaya alam niya na magkaiba ang taong tumatawa sa taong masaya.

Makuntento daw para masaya. Pinipilit naman niyang makuntento. Alam niyang wala sa kaniya lahat ng bagay sa mundo.  Dahil isa lang naman siyang ordinaryong babae. Pero ok naman siya sa mayroon siya. Nakapagtapos ng pag-aaral. Nakapag-abroad naman. Nagtatrabaho. Sumasahod. Nabibili naman niya mga kailangan at ibang gusto niya. Sapat na naman  yun para makuntento siya.

Hindi naman niya nakaliligtaang magsimba tuwing linggo. Gabi-gabi bago siya matulog, nagdarasal din siya. Hindi niya kinalilimutan ang Diyos. Alam naman niya yun. Tuwing nagdarasal siya, hindi niya kinalilimutang hilingin na sana, minsan sa isang buwan, bigyan naman siya ng Diyos ng rason para maging masaya. Tumutulong din naman siya sa mga nangangailangan kahit pakau-kaunti. Sinusunod naman niya ang Bilin ng Diyos. “Love your God. Love your neighbor”. 

Minsan, hindi rin niya mapigilang tanungin ang Diyos. Kung bakit siya pinababayaan na buong buhay niya, malungkot siya. Pakiramdam niya, mula nang nagkamalay siya, miserable na ang sumalubong sa kaniya.

Sabi nila, “God is preparing her for a battle” daw. “Anak ng tokwa! Bente singko na ako, o.. Kailan darating yang giyera na yan? Hindi pa ba sapat ang dalawampung taon na paghahanda?”. Yun ang lagi niyang isinasagot. Ayaw niyang maging negatibo sa buhay. At lalong ayaw niyang mawalan ng pananalig. Pero minsan, hindi niya mapigilang magtanong sa Diyos. Dahil alam niya na wala namang  ibang nakaaalam kung bakit nangyayari  ito sa  kaniya.   Ang Diyos lang.

Umiling siya. Nagbuntong-hininga. Mapapagod lang siya sa kaiisip. Siguro, bigla na lang darating ang araw na yun. Na mararamdaman niyang masaya siya. Katunayan, nakalimutan na nga yata niya ang  pakiramdam ng isang taong masaya. Kailan ba ulit yung huling naranasan niyang maging masaya? Hindi na niya maalala. O naranasan na nga ba niya ang maging masaya?

Ayaw na rin niya mag-isip. Dahil baka biglang hindi niya namamalayang umiiyak na pala siya. Nakahihiya lang naman. Nasa tabi niya ang kapatid niya.

Medyo nagulat pa siya nang tumigil ang kotse. Nakarating na pala sila. Bumaba na siya. Tumayo at tiningala ang apartment. Naririnig na niya ang maingay na tugtog sa taas.

“It’s party time!” sabi ng kapatid niyang lalaki.

Ngumiti siya. “Yeah! Party time”. Sabay kindat.

Tumalikod na siya.   Sinimulang maglakad. Huminga nang sobrang lalim. At bumulong sa sarili, “Yeah. Party time.”..

At uumpisahan na naman niya ang gabi na puno ng pekeng saya.

About lifeexplorer

A nurse by profession. A lawyer by frustration. A musician by passion. A business magnate by aspiration. A writer by cognition. A computer wizard by imagination. Martial arts master by illusion.   Call me fool. Dope. But i just simply call myself, IDEALIST.:)
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!