Patalim

Image capture mula sa Windstruck (2004)

Nariyan ka, nagrereklamo sa mga patalim na ipinanugat sa iyo ng mundo.

Nariyan ka, isinisigaw sa isip kung bakit ikaw na naman ang nasasaktan; kung bakit ikaw na naman ang nangangapa sa kawalan; kung bakit ikaw na naman ang hindi makausad sa nakaraan. Napakaraming nakaraan na ang iyong ipinagluluksa, nagpatung-patong na sila at nariyan ka pa. Waring hindi matapus-tapos ang pagluluksang iyan! Wala ka bang balak na tuldukan iyan?

Nariyan ka, gustong kumawala sa pagdurusa. Nais mo na ‘ka mo mamuhay nang malaya – at malayo sa mga multo, sa mga pasa, sa mga peklat, at sa kung anu-ano pang bakas at memorabilyang hindi naman magagandang alaala ang dala-dala.

Nariyan ka, nananatiling nakatayo; nasa parehong puwesto, nasa parehong posisyon na para bang isang rebulto. Nilalangaw ka na, nilalamok – ngunit hindi nilalanggam sapagkat maging ang mga ito ay ayaw sa taong kasing pait mo. Tapos magtatanong ka kung bakit wala lumalapit sa iyo?

Nariyan ka, sa parehong puwesto, sa parehong posisyon na para bang isang rebulto na hindi nababato dahil matagal nang bato, ngunit tinutubuan na ng mga bakas ng panahon – hudyat na naluluma ka na, hudyat na napaglipasan ka na, hudyat na kailangan mo na ng pagkalinga.

Ngunit nariyan ka, nagmumukmok, nagrereklamo. Hingi nang hingi ng pormal na pagtatapos; naniniwalang ang klase ng pagtatapos na ito ang magbubukas sa mga saradong pinto. Ang akala mo kasi ay silang mga nanakit sa iyo mismo ang gagamot sa mga sugat na nilikha nila sa pagkatao at kaluluwa mo. Ngunit kailan ba naging lunas ang mismong patalim na humihiwa sa balat at laman? Kailan ba nakagaling ng sugat ang mismong dahilan ng pagkasugat?

Oo, may mga taong nakasusugat kahit hindi naman sila patalim. At dahil hindi sila patalim, hindi sila sanay manakit; nanghihingi sila ng kapatawaran, nakapagpaluluwag ng kalooban, sila ang mga sanhi na mismong lunas din.

Ngunit ang tunay na patalim, sa tingin mo ba ay nakagagaling? Ang nahiwa ba nila ay kayang gamutin kung hihiwain nilang muli? Iba ang nanakit sa nakasakit. At dahil sinadya ka nilang saktan, sila ay mga patalim.

Ngunit nariyan ka, naghihintay kahit hindi mo naman nakukuha ang pormal na pamamaalam dahil sa una pa lang ay wala na silang kapormalan. Alam mo naman, hindi ba? At sa tuwing susubukan mong himukin siya na ayusin ang lahat, nahihiwa lamang nang paulit-ulit ang mga sugat na sana ay naghilom na.

Nariyan ka, nagrereklamo sa mga patalim na ipinanugat sa iyo ng mundo. Ang hindi mo alam ay ikaw mismo ang pinakamatalim na patalim na ginamit ng mundo; ikaw ang mga multo, ang mga pasa, ang mga peklat, at ang anu-ano pang bakas at memorabilyang hindi naman magagandang alaala ang dala-dala. Ikaw ang humihiwa ng mga sugat na dapat ay naghilom na.

Hanggang hindi mo pa tinatanggap ang lahat, hinding-hindi ka makauusad. Tanggapin mo na, nagbabasa ka pa lamang sa gitnang kabanata ng aklat ay matagal nang tapos sa kanya ang lahat.

Ngayon, ibang aklat na ang hawak niya. Kailangan mo na rin tapusin ang binabasa ninyo noon.

Ngunit nariyan ka, nagrereklamo sa mga patalim na ipinanugat sa iyo ng mundo.

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a former Manila Bulletin reporter, a passionate literary writer, and a resource speaker. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!