Parenting: “Chika-Chika Style”

chika style“Ayun si Maria sa swing nila o; panay hagikgik, mukhang enjoy na enjoy makipagtelebabad. Sino kayang kausap nun?” ang sabi ng isang babaeng nakatambay sa tindahan na nasa tapat ng bahay nila Maria.

“Oo nga, ‘Te, ang saya-saya niya ano? Baka naman may boyfriend na?” ngingiti-ngiting dagdag ng isa pang kahuntahan nila doon.

“Sus! Ang lalaki na ng mga anak, saka pa ba kekerengkeng ‘yan?” pagkontra naman ni tandang Belay.

“Nanang naman! Kung maliliit pa ang mga anak, eh ‘di lalong mahirap magka-lovelife. Maigi nga iyan at may trabaho na ang dalawang anak niya at pa-graduate na rin ang bunso.”

“Aba, may isang oras na yatang nakatelebabad si Maria eh. Pero in fairness, nakatutuwa siyang tignan dahil napakasaya niyang makipag-usap.”

“Naku, ang sabihin mo, malamang sa alamang, lalaki ang kausap n’yan. Pangita naman sa haba ng ngiti at patawa-tawa pa!” pilit pa ring idinidiin ni tandang Belay ang kanyang hinala.

“Ganun? Lalaki agad? Hindi ba p’wedeng kapatid o kaibigan lang ang kachikahan? Kayo talaga, ‘Nang. Napakabilis ng inyong talon eh…hinay-hinay po naman sa suspetsa,” paismid na sansala ng may-ari ng tindahan.

Natigil ang bulungan nila nang makita nilang tumayo na si Maria at naglakad papunta sa tindahan; may mahabang ngiti pa rin sa kanyang mga labi.

“Pabili nga po ng RC Cola,” ang sabi ni Maria habang naglalabas ng pera.

Lumapit si tandang Belay kay Maria at tila hindi paawat sa mga bantang-tingin ng ibang naroroon.

“Maria, ikaw ba’y may boyfriend nang bago, ineng?” diretsong tanong niya kay Maria.

“Naku, wala ho, nanang Belay! Bakit n’yo naman ‘yan naitanong?”

“Aba’y pandalas ng iyong tawa at kay hahaba ng iyong ngiti habang ika’y nakatelebabad sa inyong swing eh. Para kang in lab!” sagot ni tandang Belay na parang nagmamagaling.

“Naku, si bunsong Kakay ko po iyun na nag-aaral sa UPLB,” nangingiting sagot ni Maria.

“Yung anak mo lang ‘yung kausap mo’y ke tagal-tagal n’yo?”

“Ay, maiksi pa po ‘yun, Nanang. Minsan po’y mas matagal kaming magkuwentuhan; lalo na kapag nakauwi na siya. Bago nga po kami makatulog, kuwentuhan pa rin sa higaan; kami ng kanyang mga kuya, Nang.”

“Ganun ba?” ang singit naman ng isa sa umpukan. “Hindi kami ganun ng mga anak ko eh. Nakaiinggit naman kayo. Wala kasing tiyaga ang mga anak kong makipagkuwentuhan sa akin.”

“Parang ang close-close n’yo ng mga anak mo, Maria. Ano bang ginagawa mo?” interesadong tanong ng isa pang echoserang palaka. ^_^

“Simple lang naman po. Nakikipagchikahan ako sa kanila, nakikipagbiruan, nakiki-jamming sa kanilang tugtugan o kantahan. Iyun siguro ang dahilan kung kaya’t nagagawa nilang magkuwento sa akin ng kahit mga personal na nilang saloobin. Hindi ako nagbubunganga sa kanila kahit may ikinagagalit ako. Kinakausap ko sila nang mahinusay at kung magpalitan kami ng kuro-kuro ay para lang kaming magkakabarkada. Hinihingan ko rin sila ng suhestiyon sa ilan naming concerns. Hindi ako nagmamagaling sa mga bata na para bang dapat ako lagi ang tama.”

“Teka,” sansala ng isa. “Puwede ba ‘yun, eh ikaw ang magulang? Dapat ikaw ang laging masusunod, ‘di ba?”

“Hindi po sa lahat ng panahon ay umuubra ang ganyang katwiran. Iniisip ko na ang aking mga anak ay may sarili nang pag-iisip at kaya nilang magdesisyon para sa kanilang sarili. Habang nagdidikta kasi sa anak, parang mas lumalayo sila. Pinag-uusapan namin lahat ng mahahalagang bagay; ayaw ko kasing hindi sila nagsasabi ng saloobin nila. So far naman, mukhang appreciated nila ‘yun kasi kahit ano’ng bagay yata ay kaya naming pag-usapan,” pagdadagdag ni Maria.

“So ang sikreto mo lang sa pagkakaroon ng magandang relasyon sa iyong mga anak ay ang chika-chika? Ganun ba?” nangingiting tanong ng isa.

“Bukas na komunikasyon ang nagpapaganda ng daloy sa pamilya ko. Kaunting chika-chika lang, walang pagalingan, walang pressure na pag-uusap. Ine-enjoy lang ang bawat isa, ganun lang po. May mga problema man, napag-uusapan namin nang mahinahon. Chika-chika lang po. Sige po, uuwi na ako at niyayaya akong manood ng mga gwapings ng dala nilang CD,” masiglang pagpapaalam ni Maria.

—-

“O ano, nana Belay? Lalaki? Nobyo? hahaha! Siguro po, ganoon kayong makipag-usap sa boyfriend n’yo noong araw!” nanunuksong bitaw ng may-ari ng tindahan.

“Hmp! Makauwi na rin nga!” at tumalikod na rin si tandang Belay upang umuwi sa kanilang bahay.

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!