Para sa Pamunuan ng NAIA: Isang bala ka nga lang ba?

laglag bala

bulletTila po ba ay mayroong casting call ang NAIA para sa bibida sa nilulutong pelikula na “Isang Bala Ka Lang”.

Ang mga target, ang walang kamalay-malay na OFWs at mga turistang sa tingin nila’y babagay sa kanilang palabas. Ang shooting, sa NAIA mismo.

Oo. Sa NAIA ulit— ulit-ulit. Ang scenario, kapag ikaw ang napusuan, ikaw ang tataniman ng bala. Ikaw ang lalaglagan ng bala. Bingo! Pasok ka na! Isang bala ka lang!

Tiyak ko po na mayroon kultong nasa likod ng mga karumal-dumal na gawaing ito sa NAIA, sa bakuran ninyo. Ito ay iyong mga tiwaling tauhan na itinataya ang dangal kapalit ng napakaliit na halaga, makapanghuthot lamang. May maibulsa lamang.

Nasaan ang kredibilidad? Nasaan ang sinumpaang tungkulin? Nakadidismaya. Nakakahiya.

Ang daming paliparan sa Pilipinas, pero bakit sa NAIA lagi? Bakit nga po ba? Nagkataon lang ba? O nagkataon na nanduduon ang mga kulto ng laglag-bala na hindi mabuwag-buwag dahil walang pumipigil sa kanila. O baka naman ay may kumukunsinte sa kanila. Baka. Posible.

Para sa maraming OFWs na katulad ko o sa sinuman na mananakay ng eroplano ay tiyak kong alam na ang dapat gawin bago ka pa man tumapak sa aiport. Dahil bukod sa passport, sa ticket, sa OEC— ay iniisa-isa mo na ang laman ng bagahe mo kung pwede ba o hindi na dalhin ang isang bagay. At natitiyak kong wala sa listahan ang bala. Malayo. Wala sa hinagap. Imposible. Kung minsan nga ay chini-check pa nang paulit-ulit ang laman ng iyong bagahe para ka makaseguro.

 “Mahirap na, baka maharang ako!”

Sino ba ang nais na mapahamak? Wala. At baka nakakalimutan ng mga kultong ito, na umattend ng Pre-Departure Orientation Seminar o PDOS ang mga OFW bago pa man sila umalis ng Pilipinas. At kabilang sa kanilang nalalaman mula sa seminar na ito ay mga bawal dalhin na maaaring maglagay sa kanila sa asunto.

Natitiyak ko ring walang sinumang Kabayan ang isusugal ang sarili sa isang bala kapalit ng pagkakataon makapagtrabaho sa ibang bansa para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Walang ganoon.

Nakapagtataka.

Bakit laging bala lang ang nakikita? Bakit walang baril?

Dahil ba sa mas mahal ito at ‘di kayang pondohan ng kultong tanim-bala at mahihirapang itanim sa bagahe ng bibiktimahin nila?

Mas makatotohanan pa kung parehong baril at bala ang makikita, tama po ba?

Ilang kaso pa kaya ng laglag-bala ang hindi naisapubliko na matagumpany na nairaos ng kultong tanim-bala?

Na sa halip na ipaliwanag ng kanilang biktima ang balang nakita kuno sa kanilang bagahe ay pinipili na lamang ng mga ito na makipag-ayos (nang patago) at magbayad (syempre, nang patago ulit ) para hindi na maabala pa o maiwan ng eroplano. Mas malaki nga naman ang mawawalang pagkakataon sa kanila kung sakali.

Solusyon— ang kailangan po dito, proteksyon. Proteksyon hindi ng kultong tanim-bala para maipagpatuloy ang masamang gawain nila kundi proteksyon para sa mga taong puwede pa nilang maperwisyo sa susunod.

Naging isa sa mgaWorst Aiport in the World na po ang NAIA, hanggang doon na lang ba ang inyong kaya?

Nagtatanong lang po.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!