Pangarap lang ang tayo

Credit to photo owner

 

“Bakit may mga bagay na hindi madaling bitawan? Mga damdaming hindi kayang pigilan? At mga taong hindi mo kayang kalimutan?”

‘Yan ‘yung mga tanong na naglalaro sa aking isipan. Sa aking magulong isipan. Pati nga ang aking puso ay kinukuwestyon ko sa kung bakit sa buhay natin, minsan pinipilit natin ang isang bagay na kahit ang hirap, kahit masakit ay patuloy pa rin tayo sa pagyakap. Patuloy tayong hindi bumibitiw. Patuloy tayong umaasa? Bakit? kasi masaya ka kahit masakit? Eh baliw ka na nga yata! Tama. OO. Baliw!! Madalas kong naririnig sa ‘yo yan. Mga salitang lagi mong binibitawan sa t’wing magsasabi ako sa ‘yo ng aking nararamdaman. Sa t’wing huhugot ako mula sa kaloob-looban ng puso ko. Sa t’wing sasabihin ko sa ‘yo na mahal kita.

Bakit nga ba kita minahal?

Bakit nga ba ako may nararamdaman sa ‘yo, na hindi ko nararamdaman sa mga babaeng nakakasalamuha ko araw-araw? Bakit ikaw pa? Hindi ko rin alam! Marahil siguro dinisenyo ang puso ko para mahulog sa ‘yo. Para mahalin ka, kahit na hindi mo ako kayang mahalin.

Bakit nga ba hindi mo ako kayang mahalin?

Bakit hindi mo ako makita? Bakit hindi mo maramdaman ‘yung pagpapahalaga na inaalay ko sa iyo. ‘Yung pagiging espesyal mo dito sa puso ko. Hahahaha…. bakit ko ba tinatanong ang mga bagay na ‘yan!? Simple lang naman ang kasagutan. Kasi may ibang nagmamay-ari ng puso mo. Kasi may ibang nagmamahal sa ‘yo. May ibang taong nagbibigay ngiti sa labi mo. Kaya kahit anong gawin ko, kahit anong pagpapapansin ko, talagang hindi mo ako makikita.

Masisisi ba kita?

S’yempre hindi. Nagmahal ka lang naman. Naunahan lang naman ako. Eh nagmamahal lang din naman ako. Hindi mo rin naman ako masisisi, ‘di ba? Kung bakit ikaw ang napili ng puso ko.  Sadyang magulo lang talaga ang mundo; patuloy nating minamahal ang mga taong mahalaga sa atin kahit na hindi nila tayo napag-uukulan ng pansin.

Mali ba ito? Ang patuloy na maging tanga? Ang patuloy na umasa? Ang patuloy na mangarap na minsan puwedeng maging tayo? Hindi naman mali, ‘di ba? Hindi naman kasalanan na minsan pangarapin din kita. Na minsan mahalin din kita.

Sasabihin nila, maraming babae diyan, makakakita ka pa ng iba.  Tama sila, marami naman talaga. Pero may magagawa ba sila kung ikaw ‘yung nagbibigay inspirasyon sa akin sa lahat ng bagay? Tapos ‘yung iba sasabihin na layuan kita. Kasi hindi ka na raw malaya. Kasi may nagmamahal na sa iyong iba.  Eto ang realidad, eto ang katotohanan. ‘Di natin kayang pigilan ang pagtibok ng puso kanino man. Maging sa taong single man o may karelasyon. Wala tayong magagawa. Hindi ko sinasabing tama, hindi ko rin sinasabing mali. Walang ikaw, ako o sino man sa atin ang puwedeng humusga.

Sinabi ko naman sa iyo, ‘di ba? Sinabi ko sa iyo na mahal kita. Tinanggap ko ang sagot mong “alam mo naman, ‘di ba?” OO, ‘di mo na kailangan pang ipaalala sa ‘kin. Alam kong may karelasyon ka. Pero ang tanong, Mahal mo pa ba? O napipilitan ka na lang? Nanghihinayang sa pinagsamahan at natatakot na pumasok ulit sa panibagong relasyon. Alam ko naman ang sagot mo diyan, ‘di ba? Minsan mo nang sinabi sa akin. Pinagtataka ko lang, hindi ba kaya tayo nagmamahal para maging masaya?

Oo nga, tanungin ko nga din sarili ko. Mahal kita pero bakit ako nasasaktan? Bakit hindi kita binibitawan?  Kasi siguro kaya ako nasasaktan kasi nagseselos ako kapag kasama mo siya dahil mahal kita. Ang tanga ko, ‘di ba? Natural magkasama kayo. Kasi, kayo naman ‘di ba? At hindi tayo. Kaya hindi kita binibitawan kasi umaasa akong magbabago rin ung nararamdaman mo at darating ‘yung panahong mamahalin mo rin ako. Marahil ganyan din ‘yung sagot mo. Kaya hindi mo siya mabitawan dahil umaasa kang maibalik ‘yung dati mong nararamdaman sa kanya, sa panahong ubod ka ng saya kapiling mo siya.

Ano nga bang label ang meron tayo?

Hindi naman tayo magjowa, at alam mong hindi ko tanggap na magkaibigan lang tayo. Ano nga bang meron tayo? Ang alam ko lang, nandito lang ako para pasayahin ka at sa mga panahong kailangan mo ng kausap, ng karamay ay laging narito ang tenga ko nakikinig sa ‘yo.  Pero ano nga ba tayo?  Lagi tayong magkausap, lagi tayong  magkatext at magkachat. Nagpapadalahan ng samu’t saring litrato ng sarili, pagkain at mga bagay na pinaggagagawa ng bawat isa sa atin, gayundin ng mga bagay na may halaga sa atin. “Mutual understanding”. Siguro ‘yun nga ang tawag sa atin.. dalawang kaluluwang nagkakaintindihan, pero hindi puwedeng magmahalan.

Alam mo bang nasasaktan ako?

Oo, kahit alam kong wala akong karapatang masaktan o magselos at magalit. Kasi wala namang tayo, ‘di ba? Pero sa kabila nito, nasasaktan ako sa mga panahong hindi ka nagpaparamdam. Wala akong karapatang hingiin ang oras mo. Kahit siguro isang segundo ng buhay mo hindi ko pagmamay-ari. Kaya pakiramdam ko tuloy talagang wala naman akong halaga sa iyo, walang importansya. Wala lang.  Pero, nasanay kasi ako sa kung anong meron tayo dati. Mahirap pala kapag may nagbago. Lalo na sa isang tulad nitong walang label kung ano’ng meron tayo.

Dumating sa puntong, umayaw na ako.

Panahong punong-puno na ako at masakit na masakit na. ‘Yung mga bagay na dati mong ginagawa ay nagbago na. Mga panahong akala ko napapasaya kita pero ngayon parang wala nang halaga. Sumuko na ako! Sinabi ko na sa iyong, tapusin na natin ito, kahit wala naman dapat tayong tapusin. Dumating na siguro ‘yung panahong nauntog na ako sa realidad na wala naman talaga akong papel sa buhay mo, na hindi naman ako mahalaga sa ‘yo. Na isa lang akong panggulo sa buhay mo. Huling palitan natin ng usapan ay pinilit ko nang huwag nang magreply pa. Kahit alam kong tumataliwas ang isip at puso ko. Pero sabi ko sa sarili ko.. eto ang tama at nararapat.

Kinanlong ko ang sarili ko sa lugar kung saan ako makakahanap ng kapayapaan.

Sinabi ko sa Kanya ang lahat ng nararamdaman ko sa ‘yo. Kahit na alam kong alam Niya kung gaano ka kahalaga sa akin. Gusto ko lang sabihin sa kanya na baka sakaling hindi niya napapansin na mahal kita kaya ‘di ka niya maibigay sa akin. Biglang pumasok sa isip ko ang salitang “panahon na para pahalagahan ko naman ang sarili ko”, siguro ito ang gusto Niyang sabihin sa akin. Ang mahalin ko ang sarili ko.  Sinabi ko sa Kanya na handa na kitang kalimutan. Handa ko nang palayain ‘yung nararamdaman ko sa ‘yo. At ginawa ko nga iyon.

Subalit sadyang mapagbiro ang panahon,  sadyang mahina ang puso ko.

Sa kabila ng lahat ng sakit na nararamdaman ko. Bakit sa isang simpleng “emoticon” :'(  lang eh, nawala lahat ng sama ng loob ko. Alam kong may problema ka, alam kong malaki ang problema mo, hindi ka kasi ganyan. Kilala kita… Lalo na at sinabi ko na sa iyong, tapusin na natin ang lahat.  Kaya eto, anong ginawa ko? Tinawagan kita, at muling natunaw ang nagtitigas-tigasan kong puso. Tinatanong kita kung bakit, pero ayaw mong sabihin, hindi mo nga maamin na umiiyak ka. Hindi kita pinilit mag-open ng problema mo. Ginawa ko lang ang tulad ng dating ginagawa ko. Ang pasayahin ka at patawanin, ang pansamantalang alisin lahat ng kalungkutan na nararamdaman mo.

So, ano ang ending? Eto, magkachat, magkausap pa rin tayo. Mahal pa rin kita, hindi ko sinunod ang payo Niya. Hindi kita kayang kalimutan. Hindi kita kayang iwan, kahit ilang ulit akong masaktan. Hindi ko alam kung anong kinabukasan ang nakaabang. ALAM ko sa sarili ko na kaibigan lang talaga ang turing mo. Pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asang magbabago ang ihip ng hangin, at matututunan mo din akong mahalin, siguro sa takdang panahon.

Kung hindi man dumating ang panahong iyon, ito ang dahilan kung bakit ko sinulat ang likhang ito, dahil ito lang ang alam kong paraan para maikanlong ang nararamdaman ko sa iyo. Isang likha na kailanman hindi na mawawala at malilimutan. Wala akong tiwala sa utak ko at lalong wala sa puso ko. Minsan na nila ako hinayaang masaktan. Kaya ito lang ang pinagkakatiwalaan ko; ang akda ng aking mga kamay na mula sa isip at puso ko sa mga panahong minamahal pa kita.

Umaasa akong mababasa mo ito, hindi man sa ngayon, kundi sa pagdating ng panahon. Panahon na kung mabasa mo man eh palagay ko  nalimutan na ng puso ko ang pagtibok para sa ‘yo at hindi na naglilikot ang utak ko kakaisip sa ‘yo. Gusto ko lang malaman mo  na minsan sa buhay mo. pinangarap ka at minahal ka nang totoo ng isang tulad ko. Masakit nga lang tanggapin na hindi sa paano ko pinangarap matatapos ang kabanata nating dalawa. Masakit tanggapin na pinagtagpo lang ang ikaw at ako, at hanggang pangarap na lang ang TAYO.

 

About malaya06

a deo et rege; humanus crede.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!